Doon sa Unibersidad
Inusisa mo ang pahayagan ng mga estudyante
Nagsusumigaw sa mga pader at upuan ang hinaing
Nais mong basahin ang nangangamoy na balita
Subalit naisip mong doo'y krimen ang pagsasalita
Doon sa unibersidad
Pinakinggan mo ang bakal na batas
Habang nilalamutak ng tiyanak ang kaban ng kwarta
Sa galit gusto mong magmura
Subalit nangusap ang birheng kinikilala
Doon sa unibersidad
Nagkalat ang mga madreng hubad
Pagala-gala ang mga kapreng sabog
Salu-salo sa tapayan ng karunungan
Inuuod, inaagnas, daan-daang utak
---------------
Si Andzela ay dating estudyante
ng UP Diliman