v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Nang Maligaw Ako sa Peak 2

ISANG PANGKARANIWANG araw lamang iyon. Pangkaraniwan subalit naging hindi pangkaraniwan sa aking buhay. Hindi pangkaraniwan sapagkat ang tulad kong lumaki sa masukal na gubat ay naligaw sa isang nakakalbong bundok. Oo, ako'y naligaw nang umakyat ako sa Peak 2. Ang Peak 2 ang isa sa matarik na umbok ni Mariang Makiling, ang diyosang malaon nang sinalaula't ginahasa ng dayuhang kapital. Kung bakit ko ito nasabi, sundan nyo na lang ang kwento kong ito.

Medyo nilukuban lang talaga ako ng abenturismo kaya ko sinubukang umakyat sa Peak 2. Unang pagkakataon ko iyon nang pagkapa sa umbok na yaon ni Makiling. Sakbat ko ang backpack na puno ng kung anu-anong gamit. Syempre may dala akong posporo, lighter, maliit na kaldero at mga instant na pagkain. Dalawang malaking lalagyan ng mineral water ang pinuno ko ng tubig. Dala ko rin ang isang sleeping bag, jacket at ilang pirasong T-shirt. Syempre pa, ang di ko maiwan-iwang bolpen at notebook. Susubukan ko kaseng magpakamakata sa tuktok ng kalbong umbok ni Makiling.

Mula sa Forestry (upper campus ng UPLB), nagsimula akong maglakad. Mag-aalas kuwatro nang hapon iyon at tamang-tama para simulan ang aking sariling adbentyur. Dahil pamilyar naman ako sa pag-akyat sa kung saan-saang bundok, hindi ko alintana na gabihin sa daan. Hindi na nga ako nagdala pa ng flashlight dahil kampante akong hindi ako papabayaan ng aking mata.

Sa aking paglalakad, nadaanan ko ang malalagong puno na sa aking pagkakaalam ay nasa pangangalaga ng College of forestry. Nakita ko ang mga palatandaang nagsasabi kung ilang kilometro pa ang Mudspring, Flat Rocks, Peak 2, at iba pa. Sa may bandang laylayan ni Makiling ay nadaanan ko ang maliliit na kubo. Mayroon ding maliliit na tiyangge.

Nang malapit nang mag-agaw dilim, nasa mismong daan na ako paakyat sa pinanabikan kong umbok. Halos mabingi ako sa maingay na konsiyerto ng mga kuliglig. Bukod pa iyon sa madalas na sagitsit ng hangin. Habang papataas, papaliit din ang mga puno na aking nadadaanan. Naalala ko tuloy ang kwento kung bakit maliliit ngayon ang mga puno sa mga nakaumbok na kayamanan ni Makiling.

Ang pagkasira ng munting gubat ni Makiling ay nagsimula nang gahasain ito ng dayuhang kapital na inilaan sa digma. Ang tinutukoy ko ay ang digmang agresyon ng imperyalistang United States na inilunsad nito sa Vietnam. Kung hindi ako nagkakamali, sa masukal na dibdib kase ni Makiling unang sinubukan ang bisa ng Agent Orange—ang lasong kemikal na nakakasunog ng kagubatan at nakakamatay. Ito ang ginamit ng US upang kalbuhin ang kabundukang pinagkukutaan noon ng mga mandirigmang Vietnamese.

Oo, sa dibdib ni Makiling sinubukan ang nakakahilakbot na epekto ng Agent Orange. At totoo ngang mabisa ang lasong kemikal na ito. Sapagkat hanggang ngayon, ang dating masukal na puri ni Makiling ay hindi parin nanunumbalik. Winarat nga ng dayuhang kahayukan ang kanyang pinagyamang mga umbok.

Sa sobrang pag-iisip ko sa naging masaklap na karanasan ni Makiling hindi ko na namalayang napawalay na ako sa daan. Ang sinusundan ko pala ay isang patay na sapa. Malamang ang sapang iyon ay isa sa mga kaswalti ng pananalasa ng Agent Orange. Gabi na iyon at wala akong flashlight kaya hindi ganun kadali ang paghahanap ng daan. Subalit sa marami ko nang karanasan ng pagkaligaw sa gubat, kampante akong nangangapa sa dilim.
Sa aking pagkakaalam, kung saan nahahawi ang alimagmag (ito yata yung terminong phosphorescence sa Ingles) ay 'yun ang daan. Kaya 'yun ang aking hinanap sa gitna ng pusikit na dilim.

Habang nangangapa, nararamdaman kong may kung anong medyo makati at masakit sa aking binti. Noong una isa lang, ngunit makaraan ang ilang saglit hindi ko na matantya kung ilan. At alam ko na ang ibig sabihin noon. Natikman na ng mga hinayupak na limatik ang lasa ng aking dugo. Nang kapain ko ang aking binti, hindi ako nagkamali. Nakapa ko ang mamasamasa at mainit-init na dugong dumadaloy.

Siguro dahil sa mabilis na takbo ng aking pag-iisip, ang naalala ko sa mga limatik ay ang mga pulitiko't opisyal ng gobyerno. Ang kasibaan ng mga limatik sa dugo ay halos katulad ng kagahaman ng mga pulitiko't opisyal ng gobyerno sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Naalala ko rin ang kartel ng langis na patuloy na sinisipsip magpahanggang ngayon ang dugo't pawis ng mamamayan.

Noong una, akala ko'y malilibang ako sa pag-akyat at makalimutan ang mga kababuyang umiiral sa lipunang Pilipino. Nagkamali ako, lintek talagang mga limatik yan!

Nahanap ko rin naman ang daan sa gitna ng pangangapa. Nagpatuloy ako sa pag-ahon hanggang sa marating ko ang pinal na pag-akyat. Iyon ang pinakamatarik na bahagi. Kailangan mong humawak sa tali at mga ugat-ugat ng puno para maka-akyat. Talagang literal na akyat.

Laking ginhawa ko nang marating ko ang pinanabikan kong umbok. Akala noong una mayroon akong maabutang mga tao sa tuktok. Ako lang pala ang nangahas umakyat sa araw na iyon. Ang naabutan ko lang doon ay mga basura ng mga lintek na umakyat na walang pakialam sa kalikasan. Kahit pala sa tuktok ng Peak 2 ay may basura.

Nang tumingin ako sa ibaba, nakita ko ang tumpuk-tumpok at hili-hilerang mga ilaw. Dahil doon, nabanaag ko kung saan naroon ang lawa ng Laguna. Sinubukan kong magpa-apoy ng dagmang upang hindi ako gupuin ng lamig. Sa aking kamalasan, wala naman akong mahagilap na tuyong kahoy kahit maliliit na sanga man lang. Buti na lang at naisip ko ang basura. At iyon ang aking sinilaban. Nakapagpakulo naman ako ng tubig at nakapagkape. Nakapagluto pa nga ako ng noodles kinaumagahan.

Maaliwalas ang umaga na aking nasaksihan. Kitang-kita ko ang mga kabahayan sa kapatagang aking natatanaw. Kitang-kita ko rin ang compound ng IRRI at sa di ko malamang kapangyarihan ay naririnig ko ang pag-iri ng palay. Naisip kong sa tagal nang panahong pananatili ng IRRI sa bansa, umaangkat pa rin ng bigas ang Pilipinas. Maraming Pilipino pa rin ang nagugutom. Nabuwisit ako sa kabalintunaang iyon. Kung ganun, sino ang nakikinabang sa IRRI? Hay naku, ang imperyalistang US na naman ang lumulutang na dahilan ng kabalintunaan.

Umuwi akong hapung-hapo sa aking adbentyur. Hindi dahil sa layo at tarik ng Peak 2 kundi dahil sa mga naisip doon. Halos pala sa lahat ng sulok ay nakikita ang pamamayagpag ng imperyalismo't mga salot na kaakibat nito.

Talagang hindi pangkaraniwan ang araw na ako'y naligaw sa Peak 2. Susubukan ko sanang magpakamakata, subalit ang tanging namutawi sa aking labi ay "Imperyalismo, ibagsak!"

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan