v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

UrBaN Camouflage

TAHIMIK ANG Sabadong iyon sa building ng Fine Arts.

Maraming nagkalat na artworks, mga papel na may pinta, mga basyo ng paintbrush at tigang na dahon. Ginagawa ang kanang bahagi ng building. May mga manong at tatang na nagkukumpuni at nagsesemento. Magulo ang paligid.

Pero tahimik ang Sabadong iyon.

Narito ako para makita at mapanuod ang isang urban camouflage, ang final activity ng klase ni Prof. Silvestre para sa kanyang FA students. Inimbita ako ng isang kaibigan para maging isa sa audience.

Alas diyes ng umaga ang usapan namin pero pasado alas 10:30 na ng umaga ako dumating sa FA. Meron nang mangilan-ngilang tao na tulad ko ay nagmamasid na rin sa kung ano man ang maaring mangyari. Akala ko pa naman, late na 'ko!

Kaya pala tahimik. Wala pang masyadong tao. Puro lang artworks at kung anik-anik na nakakalat kung saan.

"What is this urban camouflage thing ba?!" tanong ng isang maputing babae na naka-itim na t-shirt at naka-maong na skirt. Napatingin ako sa maganda niyang mukha. Kamukha niya si Yukie Nakama (y'ong gumanap na Sadako sa Ring 0). Sa katahimikan ng paligid at sa kalat ng lugar, naisip ko na parang di 'ata siya bagay sa lugar. Para kasing nayaya lang siya (o napilitan kaya).

Tinungo ng aking mga mata ang taong katabi niya. Isang matabang lalaki na nagsusumigaw sa kakulutan ang buhok, tirik-tirik (di man lang 'ata naligo or nag-gel para di halata). Meron siyang apat na hikaw sa kanang tenga at dalawa pa uli sa kaliwa.

"Camouflage! Y'ong ano, yung nagka-camouflage sila para maka-adapt sila sa isang chosen environment. Ganun! Urban kase...hello, we're in Manila kaya, noh!" sagot niya.

Tila nakuntento naman ang babaeng maputi sa simple niyang eksplanasyon kaya di na uli nagtanong.

Nagpasya na rin akong magmasid sa paligid.

Magmasid sa tahimik na paligid.

Magmasid.

Magmasid.

Magmasid!

Y'ong simple lang pero nagmamasid talaga—sinusuyod ang kaibuturan ng lugar.

Napansin ko agad ang isang tila tumpok ng dahon sa may ilalim ng puno. Tatapakan ko na sana kundi lang ito nagsalita: "Putsa, miss, ingat ka lang, tao 'ko, hindi tuyong dahon!" Muntikan ko nang maitapon ang kamerang hawak ko. Putsa ka rin... tao ka pala e ba't ka nanggugulat! Pinagmasdan ko ang nagsalitang tuyot na dahon at nakita ko ang isang pares ng mga mata na galit na nakatingin sa akin. Wahh! Tao nga ang gago!

Sinadya kong umatras palayo sa tuyong dahon. Sobra 'ata ang gulat ko (parang lumabas y'ong puso sa dibdib ko!) Di ko naiwasang matapakan ang isang nakausling ugat ng malaking puno. "Ouch!" sabi ng ugat. Inilapit ko ang mukha ko sa nagsalitang ugat at napansin doon ang isang malambot na hita na naka-camouflage ng balat ng ugat at ang isang maputing mukha na tila nakadikit sa balat ng puno.

Mukhang marami pa sila.

At ang bawat isa ay kaduda-duda. Ang bato. Ang puting dinding. Ang umpok ng basura. Ang aircon sa may bintana. Ang poste sa may puno. Ang simento. Ang istatwa. At kahit ang sanga sa taas ng puno.

Lahat sila ay pawang may mga mata at nakakapagsalita. Hindi ko alam, pero biglang naging mapanganib ang paligid para sa akin. Para tuloy ayaw ko nang kumilos. Ayoko nang ihakbang ang aking mga naningiming mga paa.

Baka pati ang lupa ay meron ding isang pares ng mga mata. O kaya'y bibig na nakakapagsalita!

Nasaan na kaya y'ong kaibigan kong gago na nag-imbita sa 'kin sa lugar na ito? Putsa! Sasakalin kita pag nakita kita! Ibabaon kita sa lupang 'to.

Nagpasya 'kong magpahinga sa may likod ng field. Do'n sa maraming nakabalandrang mannequin at paper mache. Sa pagod, naisandal ko ang kamay ko sa isang kulay itim na mannequin. At muli'y parang sinilaban ang puso ko. Uy, salamat at dumating ka! Kanina pa kita pinagmamasdan. Para ka palang sira ulo pag nagugulat, hehehe!

At nagsalita ang akala ko ay mannequin. Anak ng teteng, naloko na naman ako! E gago pala talaga 'to e! Dagukan ko kaya?

Ngunit kinaya ko! Ang mga gulat ay kinaya ng puso ko.

Kinaya ko rin ang matinding pagnanais na makasakit. At sinimulan ko siyang titigan, kinunan sa kamera at saka tinusok ng tingting sa ilong. Di siya makaangas kasi, ando'n malapit sa amin si Prof Silvestre. Ha! Buti nga.

Natapos ang buong palabas. At lahat ay nagsilabas ng kanilang mga lungga. Putsa, dami pala nila! Gumalaw ang isang tumpok ng tuyong dahon, tumayo ang bato, naglakad ang puting dingding, nagsalita ang mga puting istatwa.

Pero masaya ako kasi, tapos na ang lahat!

---------------
Si Rayts dela Cruz, 24, ay nagsusumikap umangkop sa kapaligiran bilang isang bato sa ilog na matigas pero dinadaluyan ng malamig at purong tubig mula sa bundok.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan