BATA PA lang ako, pamilyar na sa akin ang lengguwahe ng digma. Maliit
pa lang ako ay ipinadedede na sa akin ang mga salitang "engkuwentro,"
"tambang,""opensiba,""hukbong bayan."
Palibhasa'y dating pulis ang aking ama, na siya ring pinuno na isang
kontra-insurhensiyang programa ng aming bayan noong huling kwarto
ng dekada 80 hanggang 90.
Lumaki akong pamilyar sa tekstura at lamig ng bakal; .45, garand,
shotgun, granada, at ang aking paborito, ang armalite. Nagsilbi mga
"yayo" ko ang mga CAFGU na alaga ng aking ama na matagal
ding nakitira sa aming resthouse sa likod-bahay, iyon ay noong mga
panahong mainit ang labanan ng mga rebelde't militar sa ating bansa,
partikular na sa bahaging ito ng Timog Katagalugan.
Mahigpit sa seguridad ang aking ama, palibhasa'y nasa Order of Battle
na raw ng NPA noon na hindi na nakapagtataka dahilan sa aktibo niyang
pagtugis sa mga pulang mandirigma. Hindi lang iilang beses na nalagay
sa pagtatangka ang kanyang buhay noon, dahilan na rin sa marami-rami
na rin naman siyang napatay na mga rebelde sa panahon ng kanilang
mga opensiba. Maraming mga gabing hindi sa aming bahay natutulog ang
aking ama, at hindi rin iilang beses kaming nag-alala sa kanyang kaligtasan,
lalo na kapag nagkakasunud-sunod ang mga engkwentro sa labas ng bayan.
Hindi na nakapagtataka na marami siyang nakuhang mga parangal at
plake ng pagkilala nang siya ay magretiro sa kanyang serbisyo. Nakuha
rin niya ang respeto at paggalang ng aming mga kababayan na kinalakhan
na namin. Subalit lumaki akong nakapagkit sa isip ang alaala ng mga
duguang mga bangkay ng mga rebelde na madalas na ipinaparada sa plasa,
sakay ng mga paragos (karitong kawayang hinihila ng kalabaw). Madalas
kong itinatanong sa aking sarili kung bakit kailangang maging malupit
ng tao sa kanyang kapwa tao? Bakit may mga taong kailangang mamundok
at lumaban sa pamahalaan gayung napakasarap namang mamuhay ng normal?
Naalala ko tuloy ang isang tanong ko sa aking ama noong bata pa ako,
habang kalong niya ako sa kanyang kanang hita," Tatay, masama
po bang tao ang mga NPA?"
"Hindi, anak. Mayroon lang talaga silang ipinaglalaban na hindi
puwedeng mangyari," sagot ni Tatay.
"Hindi naman pala sila masama e, bakit sila pinapatay?"
balik-tanong ko, na kanya namang sinagot ng, "Kasi, iyon ang
batas ng digmaan."
Hindi ko man lubos na naunawaan ng mura kong isipan ang isinagot
na iyon ng aking ama, natatak sa aking isip ang kuryusidad. Ano ng
bang mayroon sa kilusan at handang magbuwis ng buhay ang marami alang-alang
dito?
Ngayon, pamilyar pa rin ako sa lengguwahe ng digma. Nadagdagan na
rin ito ng iba, ang mga abrebasyong alam lang ng mga taong may alam
nito; OD, OP, UG, PKM,AS, CS, MK,ED, Expo, TOD at kung anu-ano pa.
Retirado pa rin sa serbisyo ang aking ama at nandoon pa rin ang tila
walang hanggang digmaan ng militar at rebelde sa parteng iyon ng aming
lalawigan. Wala na akong nababalitaang mga bangkay na iniuuwi sa bayan
sakay ng mga paragos.
Nahabi ko sa aking isipan na hindi ko pala dapat kaaawaan bagkus
ay dapat kong pagpugayan yaong mga nilalang na nagbuwis ng kanilang
mga buhay para sa pagbabago ng lipunang matagal ng nalugmok sa kahirapan.
Sa paglipas ng panahon, sinagot ng mga karanasan sa aking paligid
ang mga tanong ng hindi nabigyan ng kasagutan noong ako ay bata pa.
Tama si Itay, hindi kailanman magiging mabait ang digma. Ang pagbabago
ay hindi kailanman magiging malumanay tulad ng pagsusulsi o pagbuburda.
Kailangan ng pambansa-demokratikong paglaya makukuha lang sa pamamagitan
ng tuluy-tuloy na paglaban. Ngipin sa ngipin, baril sa baril, kamao
sa kamao.
---------------
Si Liwayway Rosales, 20, ay taga-Quezon Province, isa sa pinakamilitarisadong
mga lalawigan sa Timog Katagalugan.