ANAK, MAY dalawampu't isang buwan ng Marso na ang nagdaan sapul noong
ika'y mumunting sanggol pa lamang na bitbit ng inay mo't nakasandal
sa kanyang dibdib. Parang kailan lang 'yon...ngayon halos kasinlaki
mo na kami.
Sariwa pa sa alaala namin ang mga imahe ng nakaraan mo. Anim na
taong gulang ka noon nang maisama ka sa welga ng mga manggagawa sa
konstruksiyon na pinagtatrabahuhan ko noon. Umiiyak ka habang walang
awang pinaghahahampas ng tubong bakal hanggang sa mamatay si Ka Tirso
ng mga bayarang maton at pasistang militar sa piketlayn.
Bata ka pa noon, wala pang pagkamuhi sa mapang-aping mundo. Akala
nami'y katulad ka ng iba na nakakulong na lamang sa laruang maynika
at tumbang-lata. Pero hindi ko namalayan na ikaw pala'y gaya rin ng
puno na sumisibol. Dahil sa panahon ng pagkabata mo'y nagsisimula
ka nang magtanong nang ganito:
"Bakit ganoon, si Aling Fely na mananahi ng maluhong damit
ay nagsusuot ng punit-punit?" at "Bakit si Mang Tibo na
gumagawa ng malalaki at magagarang bahay ay tagpi-tagpi ang tinitirhan?"
Maglalabing tatlong taong gulang ka na noon nang magwagi ka bilang
si Miss Charity sa freshmen year mo noong haiskul nang magdesisyon
ang mga senador na ipasara na ang lahat ng base militar ng Kano noong
Setyembre 1991.
Magdadalaga ka noon, at nagkakahugis babae na ang katawan. Nag-iiyak
ka noon kay inay nang pagkagising mo'y natuklasan mong may mantsa
ng dugo sa panty mo (sa unang araw ng menstruation period). Pero hindi
ko namalayan na ikaw pala'y gaya rin ng puno na lumalaki. Dahil sa
panahon ng pagdadalaga mo'y nagsisimula ka nang magsuri.
Sabi mo: "Dahil sa base militar lalong lumaganap ang prostitusyon,"
at saka "Hindi dapat tingnan na kagamitan ang babae ng mga lalaki."
Disisais anyos ka noon nang ipinasya mong magduduktor ka. 'Ka mo,
gusto mong gamutin ang mga maysakit na walang pambayad. "Wala
tayong pera," ang sagot namin. Kaya kumuha ka muna ng B.S. Psychology
bilang prekurso. Pero hindi ko inisip o sineryoso na ikaw pala'y isang
puno na tumatatag at sa kasiglahan ng kabataan mo'y natututo ka nang
kumilos.
Sa pagpasok mo sa pamantasan, marami kang natuklasan. Mga empleyado't
gurong naliligalig sa liit ng sahod na mas maliit pa sa kinikita ng
isang weyter sa elit na restawran sa Makati. Mga pasibong estudyante
na sistematikong pinasusunod sa agos ng pagiging selfish careerist.
Mga leksyon sa social science na di man lang tinatalakay ng malalim
ang mga ugat ng problemang panlipunan at kung ano ang solusyon dito.
Mga teorya ni Freud, Sarte o ni James na di man lang itinuturo kung
paano ito isasapraktika. May mga programa nga para sa practicum pero
lubhang malayo naman sa natututunan sa akademya. Madalas ang ipinapagawa
ng mga nasa management ay pag-e-encode lang ng dokumento sa kompyuter.
Ano ito? Edukasyong naglalagay ng guhit sa pagitan ng masang anak-pawis
at panggitnang uri. Edukasyong nagsisilbing pambulag ng mapagsamantala
sa madla sa tulong ng panggitnang uri. Edukasyong ipinamamana ang
lipas ng ideya na ang "buhay ay tulad ng gulong" at wala
umanong saysay ang paghahanap ng solusyon para mabura ang mga sanhi
ng libong taong kahirapan at pagsasamantala sa mundo.
Sa kolehiyo'y namulat ka at nakibaka. Nakisalamuha ka sa masang
estudyante sa kabila ng malisyosong pananakot ng mga awtoridad. Hindi
ka nasindak sa pagtatangka nilang patawan ka ng gawa-gawang kaso.
Inilinaw mo sa pinakasimpleng paraan ang tunay na kalagayan ng mga
mag-aaral. Hanggang sa ang sinabi mo'y nagkaroon ng laman at naging
matibay na puwersa. Sabi mo pa nga, "Kahit hindi na 'ko maging
doktor, alam ko na ang gamot sa kanser ng lipunan." Hindi mo
inintindi ang pakikipaglakwatsa sa mall, pagdalo sa mga bertdey parti,
pakikipagdeyt, pag-iinom ng alak, panonood ng sine at iba pang kaluwagan
na hilig na hilig ng mga kaklase mo. Sabi mo, sanay ka sa sakripisyo.
Para kanino? Para sa sambayanan.
Oo. Hindi dahil sa ipinilit sa 'yo kundi iyon ang pinili mo. Pinili
mong maglakad sa maputik at maalikabok na daan papunta sa mga tirahang
karton ng mga maralita kaysa sa madulas at makintab na sahig ng shopping
mall. Pinili mong pagpistahan ng surot at lamok sa piketlayn ng nagwewelgang
manggagawa noong hatinggabi kaysa sa tumambay sa de-aircon na library.
Pinili mong pumasok sa paaralan ng lansangan para matutunan ang tunay
na aral ng kasaysayan, na higit sa apat na sulok ng elitistang pamantasan.
Pinili mo dahil pinaninindigan mo. Pinaninindigan mo dahil para
sa 'yo, iyon ang wasto...
At sa araw ng iyong pagtatapos, hindi namin napigilan ang umiyak
nang tawagin ang pangalan mo para umakyat sa entablado. Pinalakpakan
ka at kinamayan ng mga kamag-aral mo, ng mga guro mo. Pati na ang
mga administrador ng pamantasan (kahit pakunwari). Pero alam naming
pansamantalang pagsasaya lamang ito para sa 'yo. Dahil hindi pa tapos
ang laban. Nagpapatuloy ang pandarahas sa mamamayan kaya't nagpapatuloy
ang pangangailangang maglingkod para sa nakararami.
Anak, simula't sapul ng paglaki mo'y tinanggap ka namin kung sino
ka. Batid namin ni inay mo ang dahilan ng ipinakikipaglaban mo. Dahil
sabi mo'y para din sa amin 'yon. Para ang mga katulad naming salat
ay siyang magtamasa ng bunga ng aming pinagpawisan at para hindi makamkam
ng mapagsamantalang iilan.
Tunay ngang ikaw ang dugo at laman namin. Dahil sa ang landas na
pinili mong tahakin ay hindi ang sariling pagpapayaman sa pagsisilbi
sa mapagsamantalang uri, kundi ang landas tungo sa ganap na paglaya.
---------------