CURFEW. CURFEW. Tama, curfew nga. Nakasasawang pakinggan kung sunud-sunod
babanggitin, ano? Malamang ay maraming nakaaalam ng tungkol sa curfew,
lalo na sa mga umuupa ng lugar na matitigilan. Ang curfew dun ay ang
itinatalagang panahong dapat ay nasa loob na ng kani-kanilang mga
tinitirahan ang tao bago siya mapagsarhan.
Sa mga nabuhay nung panahon ng mapanglaw na daigdig ng Batas Militar,
iba ang naabot nilang curfew. Noong namamayagpag ang pamumuno ng mapanlinlang
na Haring Marcos sa mala-perlas na palasyo ay ipinagbabawal na lumampas
ng ikasiyam ng gabi na nasa labas ang sinuman, maging siya'y babae
o lalaki, o bading, o tomboy; maski yata aso o pusa bawal makita sa
labas at huhulihin ng mga masasamang elemento—este, mga "kagalang-galang
na tagapagtaguyod ng batas." (Kawawa naman ang mga aso't pusang
nahuhuli nila kung gayon, baka nagiging pulutan na lang.)
Sa mga nakapanood (o nakabasa) ng "Dekada '70", maaalala
na ang isa sa mga anak ng mag-asawang Bartolome ay hinuli at pinaslang
dahil lumampas siya sa itinakdang curfew. (Ang "Dekada '70"
ay isang nobela—na kamakailan ay ginawa ring pelikula—tungkol
sa makapanindig-balahibong panahon ng Batas Militar. Ipinapakita ng
"Dekada '70" ang mga buhay ng mga tao nung panahong iyon.)
Kamakailan ay nagtalaga ng curfew sa lunsod ng Maynila. Ayon sa mga
nagtalaga, ito ay upang mabawasan ang lumalalang kalagayan ng krimen
sa Pilipinas.
Inutusan kasi ng Ginagalang na Pangulo ang mga pulis na babaaan ang
antas ng krimen sa Metro Manila, na tumaas ng 20 porsiyento. (Teka,
bakit ang laki ng itinaas ng krimen simula nang naging Pangulo siya?)
Ayon kay Mayor Lito Atienza, malaki ang maitutulong ng curfew na
ito sa pagbabawas ng krimen sa Maynila. Nagbigay siya ng mga halimbawa:
1) Maiiwasan ang pagpili ng mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot
ng mga kabataan bilang mga pusher.
2) Maiiwasan ang sagupaan ng mga kapatirang pangkabataan, na madalas
nangyayari tuwing gabi.
Magbigay naman tayo ng pantapat na mga halimbawa ngayong naipatupad
na ang curfew:
1) Mga magulang naman nung dating mga bata na pusher ang pipiliin
ng sindikato.
2) Titindi ang sagupaan ng mga kapatiran ng mga matatanda.
3) Kung ang dahilan ng mga kabataan na manatili sa labas ay dahil
sa masamang ugali ng kanilang mga magulang, madaragdagan ang mga kaso
ng domestic violence ngayong kinakailangan na nilang manatili sa tinitirhan.
4) Kapag nagkaroon ng malubhang aksidente ang kanilang mga magulang
ay hindi sila makalalabas upang humingi ng saklolo. Malamang ay maraming
sasakabilangbuhay na mga magulang at tataas ang bilang ng mga kasong
homicide.
5) Kapag nagkaroon ng sunog, tuluy-tuloy na pagbahaba, malakas na
lindol, at iba pang suliranin ay mamatay ang lahat ng mga batang naiwan
sa bahay dahil pinilit silang sundin ang itinalagang curfew. Makakasuhan
ng homicide ang mga nagtakda ng curfew.
6) Ang mga kabataang tuluyan nang naligaw ng landas at naging mamatay-tao
ay makakasuhan ng karagdagan dahil sa pagpaslang sa kanilang mga magulang.
Ang problema ngayon ng mga nagtatalaga at nagrerekomenda ng curfew,
tulad ng dating Gobernador ng aking bayan ng Lagunang si Jose Lina
, ay mukhang hindi yata nila alam na nilalabag nito ang isang artikulo
sa konstitusyon (tsk, tsk, hindi kayo nag-aaral nang mabuti). Ayon
sa Art. 3 Sec. 6, na isusulat ko na lang sa Wikang Ingles dahil tinatamad
akong isalin sa Wikang Filipino (sana naman ay nakapag-aral ng matinong
Ingles sina Gob. Lina, atbp): "The liberty of abode and of changing
the same within the limits prescribed by the law shall not be impaired
except upon lawful order of the court. Neither shall the right to
travel be impaired except in the interest of national security, public
safety, or public health, as may be provided by law."
...
Sige na nga't ipaliliwanag ko.
Katulad ng sinasabi sa itaas, walang ibang tao o samahan na maaaring
magtalaga ng isang batas o probisyong pumipigil sa karapatang mamili
ng tao ng kaniyang titigilan (sa mga lugar na maaari naman silang
tumigil) o titirhan, pati ng karapatang maglabay kundi ang korte lamang.
Hindi maaaring ipataw ang probisyon na ito nang hindi binibigyan ng
kaukulang pag-aaral ng korte, at ang korte lamang ang may karapatang
ipataw ito. Hindi ang mga lokal na pamahalaan, o mga pulis.
Wala nang iba pang salitang masasabi tungkol sa bagay na ito kundi
ang mga magkahawig na pananaw ng mga Mayor na sina Feliciano Belmonte
at Reynaldo Malonzo: "Ang pagtatalaga ng curfew ay pag-amin ng
pulisya sa kanilang kawalan ng kakayahang kontrolin o pigilan ang
lumalalang antas ng krimen sa bansa."
---------------