v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

MULA SA PATNUGOT
Dalawang Taon Na Ang Tinig.com

BAGAMAT UNANG nabasa sa Internet noong Pebrero 2001 ang paborito ninyong e-zine, ang aktuwal at kumpletong unang isyu ay lumabas noong Abril 2 ng taong nabanggit. Kaya naman dalawang taon na ang Tinig.com.

Mula sa isang tago at di-pansin na site sa Internet, ngayo'y masasabing kilala na patuloy na nakikilala ang Tinig.com. Kung dati'y masuwerte nang may sampung bisitang maligaw sa site sa loob ng isang buwan, ngayo'y umaabot na sa hanggang pitong libo ang visits nito sa bawat buwan. Mahigit isandaan na rin ang mga nakapag-contribute nang kahit minsan sa nakalipas na 30 isyu natin.

Subalit dahil sa kakulangan ng resources at panahon, may mga buwang hindi nasunod ang dalawang beses na paglabas ng Tinig.com. Ngayong pumapasok tayo sa ikatlong taon, pipilitin nating masunod ang regular na paglabas.

Sa ating ikalawang anibersaryo, i-welcome din natin si Francis Acero, isang mahusay na manunulat na nagtapos sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon sa UP. Sa isyung ito nagsisimula ang kanyang kolum na tatawaging Elitista.

Samantala, muli nating inihahanay ang mga layunin ng Tinig.com:

  • Maging venue for free expression kung saan maipapahayag ang sentiments ng mga kabataang Pilipino sa iba't ibang usapin;
  • Mahikayat ang mga kabataan na mag-share ng kanilang mga kaalaman, karanasan at opinyon;
  • Maisulong ang makabayang kaisipan;
  • Manawagan ng pagkilos sa mga partikular na usapin;
  • Maisulong ang pagsusulat at pagbabasa lalo na ng Panitikang Pilipino; at
  • Makatulong sa mga kabataan sa pagbubuo ng informed opinion.

Patuloy tayong nakikipagtulungan at makikipagtulungan sa mga indibidwal at pangkat na may kaparehong layunin.

Sa kasalukuyang isyu ng giyera sa Iraq at kaguluhan sa Mindanao, halimbawa, patuloy nating inaanyayahan upang maglathala ng kanilang mga pahayag at impormasyon ang mga organisasyong lumalaban sa digmaan sa Iraq, humihiling ng pagbawi ng suporta rito ng pamahalaan, at nananawagan ng kapayapaan sa Mindanao.

Ang Tinig.com din ang nagpasimula ng online campaign ng Filipino Youth for Peace, na sana ay patuloy ninyong suportahan sa pamamagitan ng paglagda sa pahayag at paglalagay ng ating button sa inyong websites.

Sa gitna ng mga pasulput-sulpot na usapin at suliranin, hindi matitinag ang Tinig.com sa pagsisikap na maging tunay na tinig ng mulat at makabayang bagong salinlahing Pilipino.

Maraming salamat sa dalawang taong suporta at sana'y maging maluwat ang ating pagsasama!


EDERIC P. EDER
Patnugot

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan