LUMALANGOY NA naman ang anak ko. Araw-araw na lang siyang nagpapalutang-lutang
sa inaagnas na tubig ng ilog. Hindi pa dati masangsang ang ilog, hindi
pa amoy bulok at patay ang tubig. Pero may lumason yata sa tubig,
naglutangan ang lahat ng isda at dahan-dahang natunaw sa sariling
kabulukan. Kahit nawala na ang mga patay na isda, humalo na sa tubig,
hindi na nawala ang amoy agnas.
Malapit lang ang parte namin ng ilog sa dagat na hinuhulihan ng
isda na nilalata ng tatay ng anak ko. Napapaligiran ang ilog ng mga
bahay, ospital, simbahan, sementeryo, at pagawaan. Sumulpot sila sa
paligid ng ilog na parang langib na tumatakip sa gilid ng sugat, hinihinto
ang daloy ng dugo. Napuno ng dumi ng tao, nabubulok na mga bangkay
na isda, at lason ang ilog hanggang sa nabarahan na ang daloy nito
papuntang dagat at naging isang mabahong kanal na lamang na umaapaw
tuwing tag-ulan.
Langoy nang langoy ang anak ko. Hindi niya alintana ang baho ng
tubig o ang galit ng tatay niya. Ayaw kasi ng tatay niya na lumalangoy
siya, dapat daw na nasa lupa lang siya nang hindi mangamoy patay ang
buong bahay. Habang nagtatrabaho ang tatay niya sa may isdaan sa tabi
ng dagat, saka lumalabas para lumangoy ang anak ko. Kapag umuwi na
ang tatay niya, lumalangoy pa rin siya pero patago. Amoy patay na
isda ang buong bahay. Hindi nawawala ang lansa. Nakadikit na ang ito
sa katawan ng anak kong nagbababad sa sangsang, sa mga kamay ng tatay
niyang araw-araw nagtatanggal ng lamang-loob ng isda bago ilata, sa
mga dingding na naging saksi ng lahat, at sa buong pagkatao ko.
Nag-uwi dati ang tatay ng anak ko ng isda sa supot. Buhay pa, nahuli
sa lambat pero hindi nilata, ibang klaseng isda kasi. Kulay asul at
dilaw, malapad ang katawan at nakausli ang labi na parang nagtatampo.
Alagaan daw namin, sabi ng tatay niya, habang naghahanap pa siya ng
bibili sa isda, mahal daw kasi iyon. Nilinis ng tatay niya ang matagal
nang nakatambak na liguan ng bata na hindi ginamit ng anak ko dahil
mas gusto niya ang ilog, pinuno ng masangsang na tubig, at hinulog
ang isda sa loob. Lumuhod ako para makita ang isda. Biglang tumaas
ang ulo niya at tumingin sa akin ang isang mata sa isang gilid ng
mukha. Hindi, mali ang tubig na nilagay mo, sabi ko sa tatay ng anak
ko, sa dagat galing ang isda, hindi siya puwede sa ilog. Pero hindi
siya umalis sa pagkakatayo niya, parang may ngiti pang namuo sa labi
niya. Masyadong mabilis ang paggalaw ng hasang ng isda, masyadong
malakas ang paghampas ng mga palikpik nito sa mabahong tubig na walang
alat. Nakatutok pa rin ang natatarantang mata nito sa mga mata ko,
namumula ang mga gilid at naghahanap ng tulong sa akin. Pumikit ako.
Pagdilat ko, nakalutang na sa gilid nito ang isda, namamaga ang maputlang
katawan at mabagal na ang paggalaw ng hasang. Hindi pa rin natatanggal
ang nanghuhusgang titig nito sa akin. Iniwas ko ang mga mata ko at
naglakad paalis sa titig ng namamatay na isda at sa ngiti ng tatay
ng anak ko. Ilang araw na nakalutang ang patay na isda sa gilid nito,
namamaho sa sariling katas, bago itinapon ang magang bangkay nito
sa ilog.
Malapit nang umuwi ang tatay ng anak ko galing sa paghihiwa at pagtatanggal
ng bituka ng mga isdang kumikibit at humahampas pa sa metal na mesa
sa pagpipilit na makabalik sa dagat. Kinuha at binuhat ko ang aking
anak galing sa ilog at niyakap ang hubad niyang katawan. Sinipsip
ng manipis na tela ng damit ko ang mabahong tubig na nakadikit sa
katawan niya, ang amoy kalawang at agnas na kumakapit sa balat naming
lahat. Hinaplos ko ang makinis na balat niyang hindi kumukulubot kahit
buong araw nakababad sa tubig. Hinaplos ko ang mukha niyang hindi
nawawalan ng payapang ngiti, pinadaan ko ang mga daliri ko sa talukap
ng nakapikit niyang mga mata, at hinalikan ang noo niyang makinis
at tila walang balat sa pagkapino ng kutis. Wala ni isang kulubot
sa katawan ng anak ko, para bang imbis na kumulubot sa tubig ay sinisipsip
ng katawan niya ito. Paminsan-minsan ko lang siyang nayayakap ng ganito,
tuwing wala lang ang tatay niyang ayaw makita ang basa niyang katawang
nabubuhay sa patay na ilog.
Kumakaskas na ang tsinelas ng tatay ng anak ko sa lupa papunta sa
pinto ng bahay. Niyakap ko uli ang maliit na katawan ng anak ko. Nandito
na ang tatay mo, bulong ko sa kanya. Lumangoy ka uli, pero wag kang
magpakita. Payapang ngiti ang sinagot sa akin ng makinis niyang mukha.
Binalik ko ang katawan niyang nakapulupot at nakayakap sa sariling
tuhod at binalik siya sa maamoy na tubig. Naglalakad na ang tatay
niya sa loob ng bahay. Agad kong binalik ang takip sa salaming mundo
ng anak ko at tinago sa madilim na kuweba ng tokador. Hindi sana mainip
ang anak ko sa kakalangoy sa malansang tubig ng garapong matris. Hindi
na ako naghugas o nagpalit ng damit na nabasa ng katawan ng anak ko,
alam ko namang hindi kailanman mawawala ang sangsang.
---------------