v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

MAIKLING KUWENTO
Masokista

TIK. TAK. Tik.

Tatlong minuto bago mag-alas-onse ng gabi. Nasaan na ba 'yung unan? Ayun! Hihiga ako nang pabalibag. Sa ganitong oras, gabi-gabi, bumabangon ang patalim sa aking dibdib. Bumabaon sa aking puso, hanggang sa hindi na halos ako makahinga. Saka ako iiyak nang tahimik.

Isang tili ang pupunit sa katahimikan ng gabi. Tili na galing na naman sa kanya. Kay Marcela. Susundan ng mga paghingal, pagmamakaawa, pag-ungol, mahahabang pag-ungol.

Baliw siya! sabi ko sa sarili. Gusto niya ang ginagawa ni Ikito. Gusto niya maging sa iba pang lalaking nagdaan na sa kanya. Sa loob ng sampung taon, ganoon siya.

"Marco, parang-awa mo na, buntis ako! Hu—agh! Agh! Huwag,ang bata! Parang-awa mo na!"

Una si Marco, ang lalaking puno ng lahat. Bago nito pakasalan si Marcela akala mo 'y maamong tupa. Isang di-makabasag pinggan, subalit matapos ang kasal pinalitan nito ang maskarang suot. Ang mukha nitong waring itinapyas sa anghel ay nagtataglay ng kaloobang tulad ng kay Satanas!

Isang taon matapos ang malagim na pagkamatay ng mga magulang ni Marcela—tumungo 't nagpalipas ng gabi sa tiyahin niya sa kabilang baryo noon samantalang siya'y nasa Maynila 't nag-aaral sa kolehiyo'y sinunog at pinagbabaril ng mga rebelde ang buong baryo bilang pataw-parusa sa kataksilang inaakusa dahil sa pagtulong ng mga ito sa mga militar—ay nakilala niya si Marco. Janitor sa pinapasukan niyang outlet store sa isang mall bilang promo girl. Huminto na siya noon sa pag-aaral na isang taon na lang sana dahil sa wala nang aasahan. Katulad sa mga lumang istorya 't pelikula 'y nabihag siya ni Marco at di-naglipat taon sila 'yikinasal.

"M-Marco, t-tama na,masakit. Kapapanganak ko lang, "

"Ano ka ba, paso lang ito ng sigarilyo, o, ito pa," gimbal na tinabig ni Marcela ang kamay ni Marco sa tangka nitong pagpaso sa mismong pagkababae niya. At sa bugbog na katawan ay tinakbo ang pintuan subalit mabilis na nahablot ni Marco ang buhok niya.

"Talagang matigas ka, ha! Pinapainit mo'ng ulo ko, heto'ng sa 'yo! "

Paano malilimot ni Marcela ang mga tagpong iyon? Ang mga tagpong halos hindi na niya makilala ang sarili. Na pakiwari niya 'y inililipad patungong impiyerno ang katawan niya. Ang bawat sampal, tadyak, suntok, at paso ng sigarilyo ay totoong malaon nang nagpamanhid sa kanya, at maging ang marahas nitong pakikipagtalik na wari bang siya'y isang puta. At hindi niya iyon matatakasan dahil may mapapahamak, bukod pa sa hayop ang Marcong 'yon. Sinasaktan siya, gabi-gabi, sa ganitong oras. Lasing man o hindi.

"Marcela! Marcela! Ang asawa mo, napatay,napatay,! "

Kung pagkagulat o pagkatuwa ang nadama ni Marcela nang marinig ang balitang iyon mula kay Aling Pacing, isang kapit-bahay, ay hindi ko tiyak. Marahil gulat dahil nanlaki ang mga mata niya at namuo doon ang mga brilyante't nabasag. At siguro 'y pagkatuwa dahil maya-maya 'y pumalo sa buong bahay ang matunog na paghalakhak. Halakhak na noon lang nito isinatinig. Nakaaawa, nakapangingilabot.

Isang riot (hindi na bago rito sa iskwater) ang kumitil sa kademonyohan ni Marco (sampung taon na ang nakararaan at siyam ako noon) na kumitil din sa impiyernong buhay na pinayakap nito kay Marcela. Pero, doon ako nagkamali.

"Marcela, mahal kita. Noon pa nang magkaklase tayo sa high school."

Pangalawa si Herardo, matapos mamatay ni Marco, niligawan agad nito si Marcela. Ilang buwan makaraan tinanggap naman ito ng huli at dalawang taon mula noon sila 'y nagpakasal. Wala akong ideya kung bakit at wala rin akong balak alamin. Dahil iba si Herardo kay Marco. Responsable, mabait, tapat, kahit ano yatang sabihin mong magandang katangian ay si Herardo iyon. Kaya nitong tanggapin si Marcela't ang nakaraan. Ang lahat? Hindi pala, maliban sa isa.

Ang isang alaalang iniwan pala ni Marco na tulad sa mikrobyo 'y hindi agad mapapansin kay Marcela. Alaalang hindi kailanman matanggap at maatim ni Herardo.

"Sundin mo ako, Herardo, sundin mo ako," halos pahisteryang daing ni Marcela.

"Ano bang nangyayari sa 'yo? Alam mong mahal kita, hindi ko magagawa ang sinasabi mo," nanggigilalas na tanong ng lalaki kay Marcela. Tumayo't inabot ang switch ng malaking ilaw. Para lamang kumalat ang kilabot sa mukha ni Herardo ng tumambad ang katawan ng babaeng nadadamitan ng sari-saring, maliliit at malalaking, pilat!

"Sinong baboy ang gumawa niyan sa 'yo?"

Mahigpit na pinagsalikop ni Marcela ang kumot sa hubad na katawan. "Hindi na mahalaga kung sino, Herardo, at hindi ko rin alam kung anong nangyayari sa katawan ko, talagang hindi ko alam. Basta gusto ko, Herardo, naiintindihan mo, gusto kong saktan mo muna ako!"

Subalit hindi tuminag si Herardo sa kinauupuan. Makaraa'y marahas na bumangon si Marcela. Sa panlilisik ng mga mata ni Marcela at mabilis ring pagbangon kasabay ng pag-abot sa ashtray sa tokador at pagbato niyon sa likod ni Herardo. "Hindi mo ako iiwan nang ganito! Sinungaling! Hindi mo ako mahal. Kung mahal mo ako susundin mo ang gusto ko!"

At sa pagkagulat ni Marcela 'y wala pang isang segundo 'y nasa leeg na niya ang mga kamay ng lalaki. Ang mukha 'y halos hindi na niya makilala sa galit na bumalatay roon.

Sinasaktan na siya nito. Tulad ng nais niya, sa ganitong oras, gabi-gabi. Ang sakalin hangga't maaari bago ang pagtatalik, ang mahahabang pag-ungol. Sapat, upang ang pangakong pagsasamang habambuhay ay tumumbas lamang sa limang buwan. Animo 'y manipis na ulap ay iniwan siya ni Herardo, sa kabila na malalim ang damdamin nito para sa babae.

At ang pagkatuklas na iyon ni Marcela sa obsesyon ng katawan ay ang naging daan para sa marumi't pinakamatandang propesyon sa balat ng lupa 'y ibalot niya sa pagkatao. Na kahit ilang beses ko mang tutulan ay wala akong magagawa. Wala. Kahit ba—wala.

"Tutulungan kita, Marcela. Sasamahan kita sa Psychiatrist, iyon ang makatutulong sa 'yo. That 's acquired masochism."

"Hindi ako baliw! At wala akong sakit, hindi ito sakit, Ricky, gusto ko 'to, gusto ng katawan ko! "

Pangatlo si Ricky. Live-in sila. Isang bank manager na nain-love sa babae nang minsang magkainuman sampu ng barkada sa club na noon ay pinapasukan ni Marcela. Una pa lang ramdam ko nang hindi lang laman ang habol niya kay Marcela kundi iyong damdaming walang eksaktong kahulugan. Sa madaling salita, seryoso si Ricky kay Marcela. Seryosong umabot pa nga sa puntong gusto niyang tulungan si Marcela. Ubusin ang lahat ng ipon para lang maipagamot siya. Ngunit mariin itong tinanggihan ng babae. Dahilan upang maramdaman din ni Ricky ang awa sa babae at pagkasuklam sa lalaking tumanim niyon kay Marcela. Pero ang hindi ko inaasahan ay ang pag-abot sa usaping, pagpapakamatay.

"Ricky! Diyos ko, bakit Ricky? Bakit?"

Saksi ako sa ga-drum na iniluha ni Marcela. Sa pait na pagsisising lumukob sa mukha nito habang nakatingala sa nakabinbing bulto ng lalaki. Sa nagbigting si Ricky.

Lima pang mga lalaki ang sumunod. Parang videong ini-rewind na tulad ni Ricardo't Herardo'y agad ding nagsiwala, hindi nakatagal. Dahil sa mga panahong iyon, gumon na si Marcela sa karamdaman.

Hanggang sa dumating si Ikito, isang Hapones na nakilala ni Marcela sa kasalukuyang pinapasukang club.

"Bakero!

Napabalikwas ako sa higaan. Naputol ang pag-iisip. Hindi na bago ang salitang iyon na si Ikito ang may sabi mula sa kanilang silid. Subalit may kung anong sapal na humarang sa aking lalamunan, kakaibang kabang sumalakay sa akin. Anong nangyayari?

"Huwag, Ikito! Huwag mong gagawin 'yan! Hu—"

Mabilis akong napatakbo sa kanilang silid. Tinabig ko ang pintuan. Upang matakot at hayaang gapangan ng gimbal ang buo kong sistema sa aking nasaksihan!

Hindi! Batid kong inusal ko ang salitang iyon subalit may kung anong umipit sa aking tinig. At sa nanginginig na mga tuhod, bumagsak ako sa sahig. Habang malayang nababasag at naglalandas sa aking mukha ang mga luha mula sa aking mata at higit ang pagdurog ng puso sa nakita. Saka ko tiningnan si Ikito. Galit ang nakakalat sa itsura. Wala akong maaninag ni konting awa, pag-aalala o pagsisisi sa ginawa. Habang hawak nito ang mahabang patalim. At noon ako nakapagsalita.

"Hayop ka, hayop ka, pinatay mo si Marcela! Hayop ka pinatay mo ang aking ina!"

Kung kinain man ng kadiliman ng gabi ang aking tinig, hindi ko matiyak. Ang alam ko, narinig iyon ni Marcela. Ng kanyang kaluluwa.

Tik. Tak. Tik.

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan