v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Dalawa

VLAD?

Vlad! Kamusta? May problema ka?

Wala naman, nangangamusta lang. Gagradweyt ka na raw?

Sana. Wag lang maudlot.

Pareho pala tayo. Wag lang maudlot. Congrats.

Salamat. Congrats din.

***

Ano ang balak mo pagkatapos?

Ako? Baka sa TV. Sana.

Ganun?

Ikaw, ano'ng balak mo?

Gusto kong magturo. Magturo at magsulat ng mga kuwento.

A, ganun ba?

***

Natahimik ka ano? Alam ko namang ayaw mo sa pagtuturo.

Hindi naman ayaw, hindi lang yun ang gustong-gusto ko.

Hindi ba pareho lang yun?

Hindi. Magkaiba yun.

Ganun?

Parang ikaw, ayaw mo naman sa TV.

Ha? Hindi naman ayaw. Mas gusto ko lang ang magturo.

Ganun ba?

***

Pero alam mo, natatakot ako.

Saan?

Wala.

Hindi nga? Saan ka natatakot?

Nakakatakot.

Ang alin?

Huy! Ano yung nakakatakot?

Nakakatakot yung malaman mong wala ka naman palang magandang maituturo.

A, nakakatakot nga yun.

***

Sori ha. Napag-isip tuloy kita.

Hindi, okey lang. Maganda naman yung nag-iisip ako paminsan-minsan.

***

Hindi raw gagradweyt si X.

Oo nga e. Hindi niya natapos yung thesis niya.

Nakakalungkot ano?

Medyo.

Bakit medyo?

Wala lang. Naisip ko lang, siya rin naman ang may dahilan kung bakit hindi siya
makakatapos.

Ang sama mo naman. Baka hindi mo lang tinulungan o ano. Maraming problema si X, alam mo naman yun di ba?

E sino ba ang walang problema?

***

Sori ha, nagpapaka-objective lang ako.

Okey lang, lahat naman tayo entitled sa sarili nating opinyon.

Pero alam mo, nagi-guilty ako.

Ha? Bakit naman?

Kasi naiisip ko, responsable rin ako kahit paano. Kasi kaibigan ko yun e. Di ba pag kaibigan dapat nagtutulungan kayo paitaas? Parang hindi ko nagawa yun para kay X e. Parang wala ako noong kailangan niya ako. Parang ganun.

Mabigat masyado yan, Vlad. Hindi mo responsibilidad ang lahat ng pangangailangan ng mga kaibigan mo.

Pero minsan parang ganun ang pakiramdam.

O kung hindi man lahat, kahit yung mga bagay lang na kailangang nandoon ako, parang hindi ko nagawa o nabigay o ano. Di ba ganun dapat?

***

Basta ako, nagawa ko ang sa tingin kong dapat kong gawin. Hindi ko na sagot yung ibang bagay.

Buti ka pa, hindi ka masyadong apektado.

Apektado rin naman. Pero hindi sobra.

Hindi ko yata kaya yun.

***

Hindi pa rin sila magkasundo ni Y?

Ewan ko. Ang huling balita ko, hindi pa.

Sana magkabati na sila. Si Y naman kasi, ang kulit talaga paminsan-minsan. Kahit ako naiinis din.

E si X naman, hindi mo na maintindihan kung saan nanggagaling yung galit. Saan nga ba nagsimula yun? Hindi ko na maalala.

Natatandaan ko pa, pero ayoko nang pag-usapan. Sana nga lang magkasundo na sila agad.

Oo nga.

***

Nanonood ka ba ng balita?

Yung sa Iraq?

Oo, yung sa Iraq?

Ayoko na, nakakasawa.

Nakakasawa ang alin?

Yung patayan, yung bombahan. Saka yung pangkalahatang bulsiyet na sinasabi ng kung sino-sino riyan.

Anong bulsiyet?

Yung mga tipong magliligtas pa kuno ng kung sinong lahi at kung ano'ng bansa e ang totoo naman ay political supremacy lang talaga ang habol. Yung mga ganung bulsiyet.

A, yung mga ganung bulsiyet?

Pero paano mo nalaman yun kung hindi ka nanonood?

Ha? A, e, ano…

***

Oo na, nanonood pa rin ako. Paminsan-minsan. Para maging updated lang. Kahit naman ayoko, paglipat ko ng TV, puro yun ang nakikita ko. Kaya nga minsan, gusto ko naman magsulat ng hindi tungkol dun, yung hindi tungkol sa away o sa bombahan o sa patayan.

Ako, kung magsusulat ako, yung tungkol na sa gera. Kasi responsibilidad ko yung bilang manunulat, yung hulihin yung mga pangyayari sa panahon mo at palaganapin yun sa mga mambabasa mo.

May mambabasa ka ba?

Ewan ko. Siguro.

Ewan ko. Siguro.

O, ayan ka na naman. Nang-aaway ka na naman.

E ang kulit mo kasi e.

Ganun talaga.

Ang alin?

Basta. Alam mo na yun.

Ang alin?

Basta.

***

ANG ALIN?

***

***

Nakita ko pala si Z.

Oo, sa may Sunken Garden, naglalaro ng football.

Hindi pa rin siya nagbabago ano?

Oo, nakakatuwa pa ring panoorin.

***

Nagsisisi ka ba at hindi mo siya kinausap nang mas matagal dati, nung magkakaklase pa tayo?

Hindi naman. Ayoko naman kasing palalimin pa o ano yung pagkakakilala namin. Baka hindi lang niya ako magustuhan.

***

Ikaw, nagsisisi ka ba?

Oo, medyo.

Bakit?

Kasi sayang yung pagkakataon. Malay mo, baka kami pala talaga yung dapat na magkatuluyan. Tapos wala akong ginawa noong magkakaklase pa tayo. Tapos nawala siya.

***

Nami-miss ko siya.

***

Ako rin.

***

***

Ano ba ito, puro pampalungkot naman ang pinag-uusapan natin. Yung masayang topic naman. Kamusta ang lovelife?

Ulul!

Biro lang. Ito naman.

Pero alam mo naman sigurong gusto kong makakita ka ng taong mamahalin mo di ba?

Oo naman. Gusto ko rin yun para sa iyo. Darating yan.

Nakakainip nga lang pag iniisip mo.

Darating yan, pramis.

***

Naku, pinag-iisip mo akong masyado. Basta, congrats sa iyo, sana wag ngang maudlot yung pagtatapos mo at yung ibang mga plano mo. Pag nakita mo si A, pakibati para sa akin. Makakagradweyt din yata siya.

Salamat. Hayaan mo, sasabihin ko sa kanya kapag nagkita kami. Si B pala, naging fellow sa isang National Writers Workshop, pakisabi naman sa kanya congrats. At sa iyo rin, congrats.

Ang gagaling talaga ng mga kaibigan natin. Sina C at D nga palagi na lang naghahakot ng premyo sa mga writing contest. Si E, mukhang makakapagturo na sa eskuwelahang gusto niya. Sina E, F saka si G nagpaplano nang gumawa ng kanilang libro. At nabasa mo na ba ang mga kuwento ni H? Gumagaling na siya! Ang galing! Nakakatuwa ang mga kaibigan natin.

Talaga? Kahit na hindi ka bilib sa mga libro-libro?

Oo naman. Iba siyempre kapag sa kaibigan. Kapag masaya sila sa ginagawa nila, bakit ka naman hindi magiging masaya rin?

Alam mo, minsan naiisip ko, hindi naman talaga tayo nagkakalayo ng mga pananaw.

Ako rin. Kahit palagi tayong nag-aaway.

***

Vlad?

Bakit Vlad?

Wag mo akong iwan ha?

Oo naman. Nandito lang ako.

Salamat. Ako rin, nandito lang.

Salamat din. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka.

Amen.

 

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan