HABANG binabasa ninyo ito, maaaring nagwawala na—kundi man
natapos nang tuluyan at nakalipol na ng maraming inosenteng buhay—ang
digmaang mapandahas ng Estados Unidos sa Iraq, habang malamang ay
patuloy pa rin ang isa pang mapandahas na digmaan, yaong digmaang
ipinananalanta ng pamahalaang Macapagal-Arroyo at ng napakagiting
na Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Mindanao, na sinimulang ilunsad
sa gitna ng isang pakikipagtigil-putukan sa Moro Islamic Liberation
Front.
Datapwat ngayon ay kailanman ay nararapat na pag-usapan ang paksa
ng kung ang isang alagad ng pabatirang madla ay nararapat bang maging
niyutral o dapat bang pumanig. Nauungkat ang paksang ito kaugnay ng
isang kampanyang isinasagawa ng Media for Peace.
Kagaya ng aking sinabi nang basahin ko ang pahayag ng Media for Peace
bilang isang kalatas ng pakikipagkaisa sa isang pagtitipon ng Artists
for Peace noong Marso 6, ang Media for Peace ay isang malapad na pormasyon
ng mga mamamahayag at iba pang alagad ng pabatirang madla na tumututol
sa mga digmaan sa Iraq at sa Mindanao na binuo kamakailan sapagkat
noo'y may tumitibay na paninindigan sa hanay ng pabatirang madla na
ang mga peryodista at ang mga manggagawa sa mga ahensiyang tagapagbalita
ay di dapat na manatiling parang mga bato habang nagaganap ang mga
walang habag at walang katuturang pagpatay sa ating paligid.
Isa ako sa mga nakasaksi sa pagsisimula ng kampanyang ito. Kung kaya
naman napakasaya ko sa tuwing makikibalita ako tungkol sa naabot na
ng kampanya at malalaman kong sa bawat araw ay marami ang nadaragdag
sa mga pangalang nakalagda sa pahayag ng Media for Peace.
Marami-rami ang pumirma sa pahayag na ito na mga patnugot ng mga
publikasyon at mga produser sa mga himpilan, subalit karamihan sa
kanila'y mga tagaulat. Ilan sa mga natatandaan kong pumirma sa pahayag
na ito sina Prestoline Syuat at Ilang-Ilang Quijano ng Pinoy Weekly;
Kara David, Richelle Sy, Jay Taruc, Mark Salazar, Gilbert Ordiales,
at Melchor Quintos ng GMA-7; Jovy Francisco, Sonny Fernandez, Hazel
Recheta, at Karen Lim ng ABC 5; Christian Esguerra at Sonny Mallari
ng Philippine Daily Inquirer; Hetty Alcuitas ng People's Media Center;
Carlito Parungo at Felicisimo Manalansan ng Ibon features; Perry Calara
at Alfonso Villamora ng Kaiba News and Features; Mayo Uno Martin ng
Malaya; at ang mga batikang kolumnistang sina Luis Teodoro at Pete
Lacaba. Sa aking pagkakabalita, noong Marso 27 ay lumampas na sa 460
ang mga lumagda rito sa buong Pilipinas.
Labis akong humahanga sa mga peryodista at iba pang alagad ng pabatirang
madla na nakiisa sa kampanya naming ito. Batid kong marami ang bumabatikos
sa kanila—lalo na yaong may katagalan na sa propesyong kanilang
kinalalagyan—dahil sa pag-uugnay nila ng kanilang mga pangalan
sa isang pahayag na hayagang nagsusulong ng isang adhikain, bagay
na sa karaniwang akala'y taliwas sa obhetibidad na dapat ay taglay
ng isang peryodista.
Ngunit ano ba ang obhetibidad? Ito ay ang pagsasaalang-alang sa magkabilang
mukha ng isang usapin. Sa obhetibidad ay hindi ipinagbabawal ang pumanig
sa katwiran matapos na mailahad nang maliwanag kung ano ang matwid
at ano ang di matwid. Ang ipinagbabawal sa obhetibidad ay ang walang
batayang pagpanig, pagpanig na dulot lamang ng emosyon at hindi nakabatay
sa katotohanan, sapagkat ang ganitong pagpanig ay hindi nakatutulong
sa pagsusulong ng tama—o ng ipinagpapalagay na tama.
Maliwanag na nailahad sa pahayag ng Media for Peace ang dahilan kung
kaya ipinagpapalagay ng mga nagpasimuno nito na dapat nang magsalita
ang mga alagad ng pabatirang madla hinggil sa mga usaping naglalagablab
nang ito'y palaganapin: ang mga digmaan sa Iraq at sa Mindanao. Puno
ng ipokrisya at salawahang pamantayan ang digmaang isinusulong ng
Estados Unidos, habang ang digmaan sa Mindanao ay malinaw na walang
naidudulot kundi ang pagkasira ng mga tahanan at buhay.
Sa harap ng ganitong mga katotohanan, nararapat na ang sinuma'y magpahayag
ng pinakamatinding pagtutol sa nabanggit na mga digmaan. Kaya naman
talagang nararapat na pagpugayan ang mga nakiisa sa kampanyang ito,
na nangahas na sumalunga sa laganap ding pananaw na ang obhetibidad
at ang niyutralidad ay iisa. Higit pa silang karapat-dapat na saluduhan
kung iisiping sa kalagayang ang pagpipiliian lamang ay buhay at kamatayan
ng mga kapwa tao, hindi maaari ang maging niyutral.
Mahalaga ang papel ng mga alagad ng pabatiran sa lipunan. Tinatawag
silang Ikaapat na Estado—isang katawagang nakabatay sa balangkas
ng lipunang Pranses bago maganap ang Rebolusyon ng 1789, kung saan
itinuturing na mga makapangyarihan sa lipunan ang simbahan, ang nobilidad,
at ang gitnang uri—sapagkat bilang mga tagapagsiwalat ng katotohanan
ay naiimpluwensiyahan nila ang mga kapasyahang pampulitika ng mga
mamamayang nakikinabang sa kanilang mga serbisyo.
Kaya naman kung ang katotohanan na ang nagtatakdang dapat na hayagang
tumutol ang pabatirang madla isang partikular na panukala ay hindi
ito dapat na mangiming magpahayag ng pagtutol. Sa ganito'y maaari
nilang maimpluwensiyahan ang mga mamamayan na kumilos tungo sa ikapaghahari
ng katwiran.
Dahil sa mga nakikiisa sa kampanya ng Media for Peace, malaki ang
pag-asang hindi mauuwi sa kawalang-saysay ang mga pagsisikap na papanatilihing
buhay ang diwa ng mga dakilang peryodistang sina Marcelo del Pilar,
Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, Amado Hernandez, Hernando Abaya,
Renato Constantino, Liliosa Hilao, Tony Tagamolila, Chino Roces, Ditto
Sarmiento, Antonio Zumel, at Beng Hernandez—na pawang nanindigan
sa panig ng kalayaan, katarungang panlipunan, at karapatang pantao.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.