AT NAGANAP din ang ating kinatatakutan.
Ilang buwan itong tinutulan ng milyun-milyong tao sa iba't ibang
dako ng mundo. Ilang buwang naggiit ang United Nations (UN) na walang
batayan upang ito'y kanilang tangkilikin.
Datapwat bitbit ang kaarugantihang hindi masisikmurang taglayin maging
ng sanlibong Padre Damaso, sinimulan ng Estados Unidos nitong Marso
20 ang pagsalakay sa Iraq sa pakikipagsabwatan ng aso nitong Gran
Britanya at sa bisa ng pagtangkilik ng ilan pang bansang ang mga pinuno'y
pawang walang paninindigan. Sa huling bilang nang sinusulat ito, mahigit
nang limang daan ang mga sibilyang kinitlan ng buhay ng digmaang ito—kabilang
ang mga batang ni hindi alam kung ano ang digmaan at matatandang hindi
na makalalaban pa.
Bakit nangyayari ito? Ani George W. Bush ay sapagkat ang Iraq ay
nagtataglay ng mga sandatang mapaminsalang at ayaw nitong wasakin
ang mga ito, at sapagkat ang mga mamamayang Iraqi ay dapat palayain
sa tiranong si Saddam Hussein.
Subalit si Bush ay hindi kailanman nakatugon nang matino nang mapahayag
sa buong daigdig ang katotohanang ang bansa niya ang siyang bansang
may pinakamaraming mapaminsalang sandata—at bukod pa rito'y
siyang kaisa-isang bansa sa kasaysayan na gumamit ng ganitong mga
sandata. Hindi rin sinasagot ni Bush ang tanong na kung bakit gayong
demokratisasyon sa Iraq ang pakay nito ay kabilang sa mga kaalyado
nito sa nagaganap na digmaan ang Turkiya, na ang pamahalaan ay isang
diktadurang ang kalupitan ay hindi naman nahihigitan ng pamahalaang
Hussein.
Sa sinumang nakapagbasa na ng hinggil sa kasaysayan ng ugnayang ng
Estados Unidos at ng Iraq, malinaw kung bakit tila isang kahibangan
ang digmaang ito. Tila isa itong kahibangan sapagkat talaga namang
ito'y kahibangan. Nakamit ni Hussein ang katungkulan sa tulong ng
Estados Unidos, at sa gitna ng mga pagpatay sa sarili niyang mga kababayan
at sa mga mamamayan ng Iran ay tinangkilik siya nito, subalit sinimulan
siyang ituring na kalaban nang kanyang isabansa ang langis ng Iraq,
taliwas sa kagustuhan ng mga amo niyang Amerikano na hayaan silang
hawakan ito.
Maliwanag, samakatwid, na ang digmaang ito ay walang habol liban
sa makadakma ng bari-bariles na langis-mga bagay na mahalaga sa pagpapatuloy
ng hegemonya ng Estados Unidos sa buong sanlibutan. Walang masilip
sa mga pangangatwiran ni Bush liban sa walang kapantay na ipokrisya.
At ang digmaang ito ay buong pusong tinatangkilik ng pamahalaan ni
Gloria Macapagal-Arroyo. Tinatangkilik ng kanyang pamahalaan ang ipokritong
digmaang itong walang pakundangang nagbubuhos ng dugo kapalit ng "itim
na gintong" binabanggit sa isang tula ni Dr. Bienvenido Lumbera.
Malinaw na kahibangan ang digmaang ito. Kaya naman ang pagtangkilik
sa digmaang ito ay isang katarantaduhang ikahihiya marahil maging
ng mga pinakawalang-konsensiyang taksil sa ating kasaysayan.
Kailangang tumigil ang kahibangan at ang katarantaduhan.
Alexander Martin Remollino
Kapatnugot, Tinig.com
---------------