TAUN-TAON
AY ipinagkakaloob ang Gawad Ka Amado sa pinakamahuhusay na tula, maikling
kuwento, dula, awit, at maging likhang-biswal na tumatalakay sa mga
karanasan ng uring manggagawa.
Subalit sino ba ang taong ginugunita ng gawad na ito? Sino ba si
Ka Amado V. Hernandez?
Isinilang si Ka Amado sa Tundo sa Tundo noong Setyembre 13, 1903.
Lumaki siya sa karukhaan, katulad ng karaniwang taga-Tundo. Nakatuntong
siya sa Manila High School, subalit hindi nakatapos ng kolehiyo. Sinikap
niyang punan ang kakulangang ito sa pamamagitan ng isang kurso sa
American Correspondence School.
Bagama't hindi nga nakatapos ng kolehiyo, hindi mapasusubalian ang
kanyang pagtataglay ng katalinuhan ng isang henyo at mataas na antas
ng karunungan. Sa napakabatang gulang na 22 ay nakilala siyang isang
napakalalim na makata. Bukod sa pagiging makata, si Ka Amado ay isa
ring peryodista, kuwentista, nobelista, at mandudula. Ang kanyang
mga akda ay nahihiwatigan ng malalim na pilosopiya at malawak na pagkakapagbasa.
Sa kanyang mga akda, mapangahas na dinuro ni Ka Amado ang puwersang
tatawagin niyang "mga ibong mandaragit" sa isa sa kanyang
mga nobela, bilang wari'y paggunita sa maalingasngas na editoryal
ng El Renacimiento na "Aves de Rapiña" ni Fidel Reyes—paghahari
ng Estados Unidos at ng kasabwat nilang iilang masalaping Pilipino
sa kabuhayan, pulitika, at lipunan ng Pilipinas. Walang takot niyang
isinulong ang kalayaan at pagkakapantay.
Naging patnugot siya ng Mabuhay bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong pinagtatalunan ang Batas sa Kasarinlan, nagpasya siyang kailanma'y
hindi siya susulat ng editoryal laban sa pagsasarili ng Pilipinas—kahit
na sa gayo'y maaari siyang mawalan ng trabaho.
Nang sakupin ng Hapon ang Pilipinas, tumanggi siyang makipagsabwatan
sa mga kaaway. Namundok siya at sa sumunod na mga taon ay namuhay
bilang kasapi at, sa kalaunan, opisyal ng Anderson Guerillas.
Nagbalik siya sa peryodismo matapos ang digmaan. Naging isa siya
sa mga tagapagtatag ng Philippine Newspaper Guild, isang unyon ng
mga peryodista at iba pang mga manggagawa sa mga pahayagan. Ang mga
kasapi ng unyong ito rin ang nagpasimuno ng pagtatatag ng Congress
of Labor Organizations, na pinanguluhan ni Ka Amado. Makalawa siyang
naging Konsehal ng Maynila.
Dinakip si Ka Amado noong 1951, kaugnay ng pagsugpo ng pamahalaang
Quirino at ng Estados Unidos sa mga militanteng organisasyon, sa Partido
Komunista ng Pilipinas, at sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Isinakdal
siya sa salang "rebellion complexed with other crimes."
Nabilanggo siya sa Muntinlupa hanggang noong 1956. Pinawalang-sala
siya noong 1964.
Sa mga huling taon ng kanyang buhay, nagbalik si Ka Amado sa pagsusulat,
at siya'y naging patnugot ng Ang Masa. Nagturo rin siya ng Pilipino
sa Unibersidad ng Pilipinas at sa Ateneo de Manila University. Ipinagpatuloy
niya ang pakikisangkot sa kilusang aktibista sa kabila ng noo'y pahina
na nang pahinang kalusugan.
Pumanaw si Ka Amado noong Marso 24, 1970.
Hinirang siyang Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973.
Kabilang sa mga bantog niyang akda ang epikong tulang Bayang Malaya,
ang Isang Dipang Langit-isang antolohiya ng daan-daang tulang sinulat
sa iba't ibang panahon, ang maikling kuwentong "Panata ni Pilar"at
"Langaw sa Isang Basong Gatas," ang dulang "Magkabilang
Mukha ng Isang Bagol," at ang mga nobelang Mga Ibong Mandaragit
at Luha ng Buwaya.
Hindi gaanong nagtagal ang buhay ni Ka Amado V. Hernandez. Subalit
patuloy siyang nabubuhay sa lahat ng manunulat na sumunod sa kanyang
mga yapak, mga manunulat na tulad niya'y nagpasyang tumalunton sa
landas ng makabayan at makalipunang pakikisangkot.
---------------