ANG CHILD labor ay sakit ng ating lipunang tuluyang nalulugmok sa
kahirapang dulot ng pagwawalang-bahala. Ang pag-iisip na nakatuon
lamang sa sarling ikabubuti ay makasarili at hindi nararapat sa isang
bansang wika nga ay third world. Maasikasong mga kamay ang nais ng
bayan. Kailangang ibangon ang ating naghihikahos na ekonomiya, kailangang
itaas ang estado sa buhay ng ating mga mamamayan. Ang uri ng ating
pamumuhay ay kailangang baguhin.
Sa Pilipinas, bagamat third world country nga ito, ang mga nasadlak
sa kahirapan at nagpapakasasa sa pera ay magkatabi lamang. Habang
may mga magulang na nagmamaniobra ng mga bagong proyekto para mapanlad
ang kanilang negosyo, may mga magulang na umiinom ng alak dahil wala
silang mahanap na trabaho. Habang may mga magulang na nagbibigay ng
primera klaseng edukasyon sa kanilang mga anak, may mga anak na parang
wala nang magulang, walang edukasyon, at maski basic necessities ay
wala na rin.
Ito ang nagtutulak sa mga batang sumabak na parang mga sisiw sa isang
sabong o sa isang giyerang walang armas, ni panangga. Ito na nga ang
simula ng child labor.
Ang child labor ay nagsasapanganib sa buhay ng kabataan, mula nga
sa mismong depinisyon nito: ang pagkakaroon ng batang mas mababa sa
18 taong gulang ng peligrosong trabaho na pumipigil sa kanyang pisikal,mental,
moral at espiritwal na pag-unlad.
Maraming batas ang pinagtibay para protektahan ng mga bata laban
sa chid labor. Nariyan ang Child and Youth Welfare Code at ang Konstitusyon
ng Pilipinas na naglalahad sa mga karapatan ng mga bata. Nariyan din
ang Labor Code, Social Security Law, Minimum Wage Law, at iba pang
batas na ang balak ay iiwas at ilayo ang mga bata sa pang-ekonomikong
eksploytasyon, gaya ng paglalagay sa bata sa pagmimina, quarrying,
prostitusyon, manufacturing at kung anu-ano pang ibang raket na ipinagagawa
sa kanila ng mga nakakatanda. Maliban sa hindi rito makakakuha ng
edukasyon ang bata, aabusuhin pa ito at paglalaruan.
Ang minor de edad na si "Polo" ay nagtitinda noon ng shabu
sa dilim ng Quiapo. Ngayon, siya ang pinakabatang preso sa Muntinlupa.
Si "Paul" naman ay nagtatrabaho sa pagawaan ng paputok
kung saan hindi pinagsusuot ng maskara ang mga manggagawa na puro
bata pa nga.
Si "Mika" ay nagtatahi ng sako sa halagang P150 bawat isa.
Ang maximum rate niya ay isang-daan at dalawampu't limang sako.
Si "Ana" ay ni-rekrut ng isang ahensya mula sa probinsya
at pinangakuang bibigyan ng matinong trabaho sa Maynila. Sa halip,
pinapagtrabaho ito sa isang cannery. Dito, tira lamang ang ipinapakain
sa kanila. Tuwing sila'y magkakasakit, wala ni medisinang iniaabot.
Wala naman silang mapagsumbungan dahil maski ang matatandang trabahador
roon ay bawal silang kausapin.
Si "Mirna" ay pinangakuan ng edukasyon ng isang ahensya.
Sa halip, pinagtrabaho siya sa isang bleach factory. Guwantes lamang
ang proteksiyon nila mula sa chlorine na nasa tubig. Ang mga guwantes
na ito na ibinibenta sa kanila ng kanila pang amo sa halagang P40
ay tumatagal lamang nang 3 araw sa sobrang nipis.
Ilan lang iyan sa 2.2 miyong kabataang nasadlak sa mapanganib na
uri ng child labor. Paano pa kaya ng karanasan ng iba pa?
---------------
Si Zayen Go, 16, ay isang incoming freshman sa kolehiyo.