NOONG BUWAN ng Enero, dumalo ako sa bible study. Matagal-tagal na
rin ako hindi nakakadalo. Sobra kasi akong abala sa aking mga gawain
sa iskuwela. Nahuli ako ng dating. Pagdating ko, nagsasalita na ang
guest speaker na si Bb. Virginia Lorenzo. Kilala siya sa palayaw na
Gingging. Siya ay tatlumpu't-limang taong gulang, walang asawa at
may kapansanan. Putol ang kanyang mga binti at kulang ang mga daliri
sa kanyang mga kamay.
Ang sanhi ng kanyang kapansanan ay ang pag-inom ng kanyang ina ng
gamot na pampalaglag. Samakatuwid, siya ay isang unwanted child. Sinikap
ni Ate Ging-Ging na makatapos sa kolehiyo sa San Pedro College of
Business Administration sa kursong Business Management. Ang sumuporta
sa kanyang pag-aaral ay ang kanyang mga kaibigan, kasamahan sa simbahan,
ang Pasay City Alliance Church, ang namayapang si G. Pablo Cuneta,
Mayor Fely Vierneza ng San Pedro Laguna, Bb. Lion Estrella ng Bread
of Life at sina Pastor Adrin Munoz at Bb. Jenette Yu ng Youth Gospel
Center (YGC).
Bago siya pumasok sa San Pedro College of Business Admistration,
nagaral siya sa STI- Alabang. Kumuha siya ng two-year course na Computer
Programming. Isa siyang half-scholar. Ang kalahati na binayad niya
sa kanyang tuition fee ay galing sa kanyang suweldo sa pagiging student
assistant at sa tulong mula kina Pastor Adrin Munoz at Bb. Jennette
Yu ng YGC, Gng. Betty at Gng. Elvie Sison, ang admistrator ng STI.
Hanggang ngayon ay wala pa siyang trabaho. Maraming kompanyang hindi
tumangap sa kanya dahil sa kanyang kapansanan. Kasulukuyan ay siya
ay naging volunteer worker sa Children Ministry at Single Fellowship.
Sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa kanyang buhay, hindi niya
nakakalimutan ang Panginoong Hesus. Noong taong 1999 hanggang 2001,
nagtuturo siya ng Christian Living sa Maranata Living Hope Academy.
Laging pinaalalahanan niya ang kanyang mga estyudyante na lumapit
sa Panginoong Hesus. At kahit kailan, hindi niya nakakalimutang magpasalamat
sa Panginoong Hesus sa lahat ng mga biyaya na natamo niya.
Ang kanyang tiyahin ang nagpalaki sa kanya buhat nang pinamigay
siya ng kanyang ina. Tinuruan siya ng kanyang tiyahin na maging matatag
at independent. Hinihikayat siya nito na tumulong sa mga gawaing-bahay.
Kung may nanunukso sa kanya, pinagsasabihan siya ng kanyang tiyahin
na huwag maging iyakin at huwag magpapatalo sa mga nanloloko sa kanya.
Tinanong ko si Ate Gingging kung pinatawad na niya ang kanyang mga
magulang. Ang sabi niya ay napatawad na niya ang mga ito. Ang kanyang
ama ay sa Lungsod ng Kalookan nakatira at may iba nang pamilya. Ang
kanyang ina naman ay sa Australia nakatira at may iba na ring pamilya.
Noong nag-aaral pa siya sa San Pedro High School, binigyan siya ng
parangal bilang Most Persevering Student. Sa kabila ng kanyang kapansanan,
sinikap niyang pagbutihin ang kanyang pag-aaral. Naniniwala siya na
ang lahat ng tao, may kapansanan man o wala, ay may kakayahan na bigay
ng Panginoong Hesus.
Kathy Uykiat: Ano pong mensaheng gusto n'yo iparating sa mga magulang
n'yo kung nabasa nila ang article na ito?
Virginia Lorenzo : Salamat sa inyo dahil nakita ko ang purpose ng
Panginoon sa buhay ko kung bakit nawala kayo.
KU: Ano pong mensaheng gusto n'yo iparating sa lahat ng mag-aaral
ng C.K.S.C. at sa mga iba pang kabataan na makakabasa ng article na
ito?
VL: Pagbutihin n'yo ang inyong pag-aaral. Subukan n'yo lumapit sa
Panginoon Hesus dahil may magagawa Siya sa inyo.
Sana, may natutunan kayo ngayong araw. Sa mga oras na nangangapa
tayo sa dilim, huwag nating kalimutan na may magbibigay sa atin ng
liwanag. Kung kaya ni Ate Gingging, kaya rin natin! Ang buhay ay parang
ferris wheel. Minsan, ikaw ay nasa ibaba, at minsan naman, ikaw ay
nasa itaas. Kaya huwag tayong susuko. Patuloy pa rin tayong lumaban
gaya ni Ate Gingging.
Ang mensahe ko kay Ate Gingging ay, "Buong karangalan ko na
makilala kayo. Dahil sa inyo, may natutunan akong magandang aral sa
buhay. Alay ko sa inyo ang article na ito."
Kung gusto niyo kontakin si Ate Ginging, sulatan niyo siya sa kanyang
email address na ito: real_virginia[at]yahoo[dot]com.
---------------