MULING LUMILIPAD si Darna, ang Pilipinang superhero na nilikha ni
Mars Ravelo at namayagpag sa daigdig ng komiks, pelikula, at telebisyon
mula pa dekada 50.
"Dumarating ako sa ngalan ng kapayapaan at katarungan... Pumarito
ako upang labanan ang kadiliman," ang pahayag ni Darna sa pinakabagong
komiks na nagtatampok sa kanya, ang "Mars
Ravelo's Darna Golden Anniversary Book" ng Mango
Comics.
Ang "Mars Ravelo's Darna" ay isang serye na may tatlong
bahagi, at nilikha para sa bagong salinlahi ng mga mambabasa. Si Boboy
Yonzon ang smulat ng kuwento at ang mga larawan ay iginuhit naman
nina Ryan Orosco at Gilbert Monsanto. Inilalarawan ng bagong komiks—na
sa kasamaang palad ay nasusulat sa wikang English, ngunit may pailan-ilang
tilamsik ng Tagalog mula sa mga terorista at alalay—sina Darna
at Narda bilang makabago, maganda, matalino, at seksi ngunit matapang
at palabang babae.
Ibinabalik din si Valentina, ang babaeng may buhok na maliliit na
ahas at tradisyunal na kalaban ni Darna. Ngunit dahil nasa lungsod
na si Narda at nag-aaral bilang isang iskolar, sa unang bahagi ng
serye ay nakita na lamang ang kapatid at sidekick niyang si Ding sa
flashback. Hindi na rin kailangang lunukin pa ni Narda ang mahiwagang
bato bago siya sumigaw ng Narda.
Hindi katulad ng mga lumang komiks, makintab at makulay ang "Mars
Ravelo's Darna," at mabibili ito sa halagang P120 (US$2.50) sa
mga tindahan ng aklat at babasahin. Mataas ang kalidad nito at anumang
oras ay hindi ka mahihiyang itapat sa alinmang komiks na likha sa
United States. Kaya nga lamang, kapuna-puna rin ang masyadong Westernized
na estilo ng komiks. Kung hindi mo kilala si Darna o kaya'y ang makita
mo'y isang pahinang wala siya sa eksena, hindi mo aakalaing Pinoy
ang komiks na ito.
Sa kanyang mensahe, ipinagtanggol ni Boboy Yonzon, publisher ng Mango
Comics at kaibigan ng pamilya ni Mars Ravelo, ang paggamit ng English:
"But I am sure he (Ravelo) would have agreed that Darna now belongs
to the world which, whether you agree or not, has become more and
more Anglicized."
Bagamat hindi sang-ayon ang manunulat na ito sa pahayag ni Yonzon—sapagkat
ang bayan ni Darna ay Pilipinas, at mas malawak pa rin ang paggamit
ng wikang katutubo sa bayang ito, idagdag pang si Darna, o si Narda,
ay Pilipina at sa istorya ay nasa Pilipinas pa rin , mas dapat siyang
nagsasalita ng Tagalog o Filipino—kinikilala natin ang kagustuhan
ni Yonzon at ng kanyang mga kasama na paliparin si Darna sa isang
mas malawak na papawirin.
Kapuripuri ang pagpapakilala kay Darna na isama sa bagong komiks.
Sa halip na basta na lamang siya isabak sa bagong kalaban, siniguro
ng mga may-akda na may tamang background ang mga mambabasa—lalo
na 'yung mga nakababata o kaya'y di pa nakakikilala sa ating superhero.
Nakatutulong din ang mga historical na tala tungkol kay Darna, at
ang pagpupugay kay Ravelo, na tunay na dapat pasalamatan at alalahanin
sa kanyang pagkakalikha sa isang bayaning umugit sa kultura ng bansa.
Ang "Mars Ravelo's Darna ay isang salubungan ng luma at bago.
Ibinabalik nito ang luma—ngunit hindi kailanman malalaos—na
karakter sa pamamagitan ng modernong sining. Ang salubungang ito'y
dapat nating salubungin ng mainit na pagtanggap.
Tanggapin natin si Darna sa kanyang muling paglipad.
---------------
Narito ang ilang links tungkol kay Darna: