_____Papaano kung kayang itaboy ng mga
alon ang alaala?
Pagtatangkaan mo kaya silang habulin?
Uupo ka kaya sa dalampasigan gabi-gabi't
mangingilag sa mahapding paghagupit ng hangin?
Isusulat mo kaya sa buhangin ang aking mga salita,
susubukan mo kayang iguhit ang aking mukha,
dadampi kaya sa pampang ang iyong daliring
pinagaspang ng tubig-alat at gunita?
Titigil ka ba kung matuklasang ang mga alon
ay dala lamang ng simoy na pumapalaot?
_____Kung hindi, papaano sa tuwing
umaga?
Nanakawin din ng dagat ang anumang naiukit.
Habambuhay ka bang magpapabalik-balik
upang maghabol, sumulat, gumuhit nang paulit-ulit?
Tatanungin mo siguro ang dagat
kung saan nito tinatangay ang iyong bakas sa dalampasigan.
Tatanungin mo siguro ang dagat
kung bakit may kailangan pang lumisan.
_____At papaano kung kaya tayong anurin
ng mg alon
Patungo sa isa't isa? Magpapatangay ba sa kanila
sa pagtatangkang lunasan ang pagkaulila't
pangungulila? Magpapakalunod ba, sinta,
sa pag-asang muli tayong magkikita?
---------------
Ikalawang gantimpala, LOVE OUT LOUD, isang poetry reading contest
na bahagi ng Bukambibig sa UP (proyekto ng National Commission for
Culture and the Arts at ng UP Writers Club), 21 Pebrero 2003.