Kanina pa akong nilalandi ni Sierra Madre.
Nariyang dilaan niya ng hangin ang aking pisngi,
at halukayin ang kaluob-looban
ng aking bibig, sinisipsip ang aking dila,
tinatamnan ng pangingilig
ang ugat ng aking teynga,
ang leeg, ang balikat,
nanunuot ang kanyang mga kamay sa aking kamiseta,
bumababa ang daliri niya sa hita,
pinalalamig ang talampakan,
papanhik ng tuhod,
at doon ay bubuhayin niya ang nakahigang tuod
sa dako pa roon ng aking balakang,
itatayo,
hahawakan ng kanyang malamig na palad.
Isasayaw,
sa sipol ng nagtatakip-silim na kapatagan.
Hanggang lumuha ang bahagi ng laman kong iyon
ng malapot
na hamog.
ngunit sa hubad na ulirat ko,
ikaw ang nais kong kapiling,
nais kong ikaw ang magdampi ng halik sa akin.
Nagpapapayapa sa pagod ang tahimik
niyang anino sa ulan at hamog,
ngunit mas mapapayapa ako ng mga yakap mo,
o kung katabi kitang maglalakad,
sa anino ng ulan at hamog.
Nagpapaikot sa puson ang ginaw,
at anung berde man ang isip ng kabundukang ito
na nang-aakit sa akin, ikaw lamang ang mgay palad
na maaaring magdampi sa akin ng init
upang ihele ang nahihilo kong pananabik.
Iyon nga lang ay wala ka rito sa Quirino,
kaya isasara ko na lang ang bintana upang
hindi kaladyain ng panlalamig,
at ipipikit na lang ang mga mata
nang di na makita ang hubad na kagandahan
ng kabundukang hindi ko maaaring makatalik.
6 Marso 2001
Villa Caridad, Madella Quirino
---------------