Pitik-bulag sa Pikit-sarap,
'pag pikit ba'y kumukurap?
Pitik-bulag sa Pikit-sarap,
pag-ibig ba'y sadyang bulag?
Gusto ko sanang makaraos ka nang dilat
para kita mo ang lahat.
Pero naghahalikan pa lang tayo, nakapikit ka na.
Kaya siguro kahit bumababa na ang ulo ko,
naiiwan ka pa ring nakadila
o kaya'y nakanguso.
Napakadalang kong masulyapan
na dumilat ka—kapag hindi mo lang
nararamdaman ang haplos ng aking
kamay, bibig, at dila.
Siguro, sinisilip mo kung bakit ako natigilan.
Minsan kasi, hindi ko makapa ang lock ng iyong bra,
o kaya'y hindi ko matanggal ang butones ng iyong pantalon.
Pero pagkadamping-pagkadampi ko lang, pumipikit ka na ulit.
Sige na, dumilat ka.
Pumapangit ka pag umuungol ka nang nakatirik ang iyong mga mata.
Sige na, dumilat ka.
Sumigaw ka, magwala ka, basta't dumilat ka.
Sige na, dumilat ka.
Dapat mong makita
na ang sarap ay may kasamang hirap,
at ang luwalhati, may pighati.
Sige na... dumilat ka.
Pero, paano ba?
Makalawa, makatatlo, makailang ulit man tayo,
nakapikit ka pa rin.
Paano mo mapapansin ang aking lungkot
kapag aalisin ko na ang iyong yakap
—'pagkat kailangan ko na'ng bumangon 'pagkat kailangan ko pang
kumayod -
kung ikaw ay nakatulog na sa pagod?
---------------
Ikatlong gantimpala, LOVE OUT LOUD, isang poetry reading contest na
bahagi ng Bukambibig sa UP (proyekto ng National Commission for Culture
and the Arts at ng UP Writers Club), 21 Pebrero 2003.