PALAGI AKONG nawawala sa sarili.
Mula nang magkamuwang ako, lagi ko itong hinahanap. Ito ang dahilan
kung bakit ako naging lagalag—kung bakit ako naglalakbay. Sa
aking mga pakikipagsapalaran, marami akong nasaksihan. Nang iniwan
ko ang kanayunan, nasilayan ko ang mga dampang naging abo't uling
pagkat nilamon ng apoy; mga katawang nakahandusay sa putik at bilad
sa araw; mga taong nakasuot ng kulay ahas na bigla na lang darating
at lilimasin ang lahat mong pag-aari, pagpapasasaan pati ang iyong
asawa, kapatid, pinsan o di kaya'y anak.
Nagpatuloy ako sa paglalakbay upang hanapin ang sarili. Araw-araw,
gabi-gabi wala ng likat ang malilikot kong paa sa paghahanap kahit
sa mga videoke bar at mga nightclub. Pero lahat na pinagtanungan ko
doon ay katulad ko ring naghahanap ng kani-kanilang mga sarili—hindi
pala ako nag-iisa.
Nang lumaon, naisip kong baka naglalakbay din ang aking sarili kaya
di ko ito masumpungan. Dahil dito, nagkonduktor ako ng dyip. Nagbabakasakali
na matagpuan ko ito sa mga lugar kung saan ako mapadpad. Subalit sa
tagal ng aking paghahanap hindi ko pa rin ito nakita.
Isang araw, may narinig akong tsismis sa mga kapitbahay na ang sarili
ko raw ay nag-aaral. Kumalat ang tsismis na ito kahit sa radyo, dyaryo
at telebisyon. May nagpadala pa sa akin ng mga sulat mula sa iba't
ibang pamantasan na naroroon daw sa kanila ang aking sarili. May isang
sulat pa na dumating, galing ito sa akademya ng mga nakasuot ng kulay-ahas,
naroon daw ang sarili ko. Sa dami ng mga sulat na dumating sa akin
pinili kong subukan kung ang sarili ko ba'y nasa pamantasang ipinamamandila
ang katagang "paglingkuran ang sambayanan." Ang pamantasang
sa kalauna'y natuklasan ko ring bukal ng mga bayani't diktador, balon
ng mga pasista't martir, moog ng mga rebolusyunaryo't lunsaran ng
mga reaksyunaryo. Ang pamantasang pilit ikinakahon ng mga nagkukunwaring
pantas na komportableng nakaupo sa naka-aircon nilang silid.
Sabi ng aking kaklase, nakita na nya ang sarili ko. Nag-aaral daw
ito ng puspusan, topnotcher lagi sa exam at matataas ang marka. Sumang-ayon
naman ang barkada kong kalbo, nakita nya raw ito at nakausap pa. Gagradweyt
na raw at siguradong magiging magaling na inhinyero. Dumagdag pa ang
isang tsismosa, pag-aagawan daw ito ng mga malalaking multinasyunal
na kompanya, mataas ang sahod at matiwasay ang pamumuhay.
Subalit sa kanilang mga sinabi, parang lalong sumikip ang apat na
sulok ng pamantasan. Kahungkagan ang nakikita ko sa mga gusaling pilit
na itinatago ang nanlilimahid na katotohanan sa maskara ng pinturang
puti. Kaya nga di ko mapigilan ang sarili kong isatitik sa pinturang
pula ang mga impit na daing at hiyaw ng mga kabalat kong katulad ko
ring nakagapos sa mapang-aliping amo ng kapital.
Sa paglipas ng mga araw at gabing ginugol sa pag-ugat ng mga suliraning
hindi magkasya sa utak ng bawat ordinaryong Juan, naisip ko sila.
Silang mga kinalyo ang palad sa pagbungkal ng lupa, silang mga pagal
sa paghulma't paglikha, silang mga namamalimos sa kalye, silang mga
nakahandusay ang katawan sa putik, mga dampang tinutupok ng apoy,
mga kabahayang dinidemolis at marami pang hindi ko na kayang banggitin.
Nakakahon ako sa pamantasan. Masikip at halos di ako makagalaw. Pinilit
kong kumawala at magbalikwas upang palayain ang sarili. At muli akong
naglakbay. Muli kong nasilayan ang malalagim na eksena. Poot ang nararamdaman
ko sa mga sandaling iyon. Hindi ko na kayang sikmurain pa ang kababuyang
umiiral sa lipunang ang inilalakong demokrasya'y di kayang palamunin
ng tatlong beses sa isang araw ang kanyang mamamayan.
Nagpatuloy ako sa paglalakbay, sa mga daang semento't aspalto ng
mga kuyom na kamao. Hanggang marating ko ang daang-putik ng mga yapak
na paang nagngingitngit sa mapangamkam na budhi ng mga naghaharing-uring
ipinagtatanggol ng mga nakasuot ng kulay-ahas. Narating ko ang daang-putik
na moog ng mga bisig na nagbabalikwas sa ganid na sistemang kinukubabawan
ng mapang-aliping amo ng kapital.
Naging malinaw na sa akin ang aking patutunguhan. Tumulay ako sa
mga pilapil, tinalunton ang mga daang-kalabaw, tinugaygay ang mga
ilog at inakyat ang kabundukan. At dahil sa panganib na dulot ng mga
nakasuot ng kulay ahas, may bitbit na akong armalayt. Nang ako'y lumingon
nakita ko ang marami pang sumusunod sa aking yapak. Nang ibaling ko
ang paningin sa unahan, nakita kong marami na ang aking sinusundan.
At katulad ko, lahat sila'y may hawak na armas.
Sa aking pagbabalik sa kanayunan—natagpuan ko ang aking sarili.
---------------
Tala: Halaw sa isang liham ng isang mag-aaral ng UP na nagpasyang
tumungo sa kanayunan hindi para magtanim ng kamote. Magpapraktikum
daw siya doon sa subject na Serve The People (STP) 11a at doon na
niya tatapusin ang kanyang ROTC. Mas maganda raw mag-ROTC doon dahil
walang gaddemit cadet at kung marunong ka umakyat ng niyog may libre
ka pang buko!