v27-28
Pebrero 15-Marso 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Uwian

MAG-A-ALAS KWATRO na. Maya maya'y tutunog na ang higanteng orasan sa city hall ng Manila. Hapon na at dumadami na ang mga bus, FX, at jeep sa kalsada. Rush hour na. Puno narin ng usok ang lansangan. Ang ibang mga estudyante ay nag-uuwian na.
Pero shet. Andito pa ako, pababa palang sa City Hall. Late na ko. Nasabi ko sa sarili ko. Late na naman. Patay na naman ako sa prof ko. Pero sige lang. Mabait naman ang prof ko na yun. Dati siyang madre. Makukuha naman cguro sa lambing ko yun. Wish ko lang. Nagmadali ako, mejo patakbo na maglakad. At sa wakas, nakita ko na ang gate ng Mapua. Napa-buntong hininga ako. 15 minutes late. Grace period pa naman yun di ba? Konti na lang. Apat na floors nalang naman ang aakyatin ko. Grrrr!

"Hulaan mo kung sino 'ko!" Napatigil ako sa paglalakad ko. May humila sa'kin at tinakpan ang mga mata ko. Sa dinami dami ba naman ng mga araw bat ngayon pa? Kinapa ko ang mga kamay ng humila sakin.

"Hindi ko alam," ang malamya kong sagot. Hindi ko rin nabosesan ang lalake, kaya ayun nagmukha akong tanga.

"Hulaan mo cge na," isa pang hirit nya. Isa pang buntong hininga. Hindi na ako makakapasok, naisip ko.

"Mai." Jackpot. Siya nga. Sino nga ba naman ang tumatamabay sa yosihan na kilala ko? Si Mai lang naman talaga. Binitawan niya ko, at pumunta sa harap ko. Ayun siya, pinagmamalaki ang clean look na attire nya: white t-shirt, plain baggy jeans and sneakers. Clean look na ba yun? Eh sa mahaba pa lang nyang buhok, malamang tawagin na siyang adik ng mga magulang ko. Ang tagal ko narin siyang hindi nakakausap. Kaya dahil sa rason na 'to, tuluyan na kong hindi nakapasok. Ano nga ba naman ang mas importante? Pagkakaibigan o isang minor subject? Nagkwentuhan nalang kami. Tama ba yun? Tumambay at nag-ikot sa buong Intramuros na parang mga turista. May kasama pa kami noong isa pang adik-looking na barkada namin, si Romeo. Walang pakialam sa mundo. Nagliwaliw na parang wala kaming plates na gagawin. Sige lang. Sa tatlong subjects na dapat pasukan, ni isa'y walang nasiputan. Mabait na bata!

Ang tagal naring panahon nun. Anim na buwan narin. Parang kelan lang ang pakiramdam ko immortal ako sa eskwelahan ko. Na kahit anong gawin ko, hindi nila ako kayang paalisin. Hindi nila ko kaya. Ilang beses na nga naman ba kong nalagay sa final probation? Hay buhay nga naman. Kung kelan ang laki na ng tiwala mo sa sarili, saka ka nagkakamali. Si Mai, well, nauna siyang ma-out sakin (ma-out para hindi masama pakinggan masyado). One semester earlier. At si Romeo, kasabay kong nasipa. Ewan ko kung ano nangyayari sa kanila ngayon. Si Mai nasa Bataan na alam ko, nag e-email siya sa'kin minsan. Katulad ko na isang OSY. Ang sama pakinggan. Three months na kong hindi nag-aaral, isang bum na walang ginawa kundi mag surf sa net at mag-chat. Walang kabuhay-buhay.

Pero kelan lang, nagpunta ko ng Manila. Dumaan na rin sa mahal kong eskwela. Walang pinagbago. Ang tanging nagbago lang ay hindi na ko isa sa kanila. Inisip ko rin 'to dati. What if...? Inisip ko din ang pakiramdam ng mga kaibigan kong unang na-out sa'kin. Ngayon alam ko na. Ganun pa rin ang mga estudyante, katulad ko dati. Minsan naiisip ko swertihan lang siguro. Pero sinong niloko ko diba? Hayyy!

Ang bawat bagay na dati ay binabalewala ko lang, ngayon ko lang napapansin. Pati ang mga fetus boys na namamalimos sa harap ng Mcdo ay nami-miss ko narin. Ang saklap ng buhay. Namimiss ko nang bumili ng tracing paper at snow white sa Adams. Namimiss ko ang mag swipe ng ID ko sa may guard. Biruin mo pati ang mga paninita nila sa sandals ko ay nami-miss ko na. Masyado na yatang pathetic. Pero ganun lang talaga siguro. Ang mahabang daan galing City Hall papuntang Mapua, pati ngayon ay naaalala ko na lang na may ngiti sa mukha.

Umuwi ako nun ng around 7pm. Baka mapagalitan ako ng nanay ko, sabihan pa kong lakwatsera.

Umuwi ako na puno ang isip. Ang daming nangyari. Ang daming nagbago. Ang lungkot isipin na wala na ko para maranasan ang mga pagbabagong yun. Ang daming alaala ang bumalik sakin. Ngayon ko lang nadama ang pagsisisi. Pero huli na ang lahat. Hindi tayo pwedeng bumalik sa nakaraan.

Umakyat ako ng Park&Ride pauwi. Pumila sa sakayan at nang pababa na ang fx sa may rampa, naisip ko na lang, "Hay pati etong rampang 'to ay nami-miss ko na."

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan