GAANO KA-EXCITING ang sumasalisi? Nagkuwento ang isang kaibigan,
interesante 'ika nga. May girlfriend siya, smooth daw ang kanilang
relasyon, mga pangkaraniwang samu't saring pangyayari na regular sa
isang pag-iibigan. Hanggang dumako sa pagtatapat ng isang maalamat
na lihim, ewan kung totoo o hindi—bahala na.
Umano, kadalasan bago sumapit ang hatinggabi, kung tulog na o malagihay
lang ang mga magulang ng kanyang girlfriend, walang nakakaalam, sumasalisi
si lalake sa kuwarto ni babae. Dumadaan daw siya sa bintana, kung
gaano kataas ang naturang bintana o paanong istilo ang pag-akyat mala-Romeo
ba o ala-Jim Morrison sa pelikulang The Doors, eh hindi na naisama
sa detalye.
Hmmm, mukhang masaya ito, parang nakikinita ko na ang kanyang hitsura,
magkahalong tuwa't-kaba at mumunting ingat sa pagmamadali.
Ang siste, hindi niya binanggit ang mga naganap pagkapasok sa loob,
bitin! Sinabing censored daw iyun. Ok I respect your privacy ek-ek.
Basta those were the wonderful times daw, kasama na ang ngiting abot
hanggang tenga. He-he-he. Kaya lang, may kasabihan nga lahat ng masarap
ngunit bawal panandalian lang, bawal kase nga hindi sila "kasal,"
or whatever.
Isang araw, walang particular kung kailan, as usual, mukhang didiskarte
na naman daw siya, at huwag ka nagbitbit pa ng pasalubong, donut!
Walang ibang iniisip na aberya maliban sa masakote ng parents ng babae,
pero okey lang daw iyun, tiwala siya sa buong sistema. Pasilip pa
lang siya sa bintana, halos mabiyak na ang itim ng kanyang mga mata
sa nakita, may ibang lalake sa kuwarto ng babae! Pareho rin ng ginagawa
niya! Nagkagulatan na lang, oo nga naman ito kasing si lalake eh wala
'ata sa sked ayun bulilyaso tuloy si babae.
Tutal andun na, kahiyaan na, pumasok na rin siya sa kuwarto. Kailangang
maibangon ang kanyang nadungisang "dangal!" Hinamon niya
ng manu-mano ang mantotorotot, although di natin talaga alam kung
sino ang legal, hehehe. Sige kung sige, nagkabirahan lang ng mangilan-ngilang
upak, inawat na sila ng babae at sinabing kung di sila titigil malamang
pumasok sa eksena ang matatanda. Sa kuwentahan lugi si lalake ng tatlo
hanggang limang bigwas. Balewala sana 'yun, alcohol at alaxan lang
ang katapat nun. Ngunit ang pinakamasakit, sa tingin ko walang kasing-sakit,
sa "other boy" nakisimpatiya ang babae. Siya ang nakaranas
ng mga haplos ng pag-aalala, ng mga salitang humihilom ng pasa.
Ganoon pala, sa sine raw kapag ganitong tagpo parang wala lang,
iba sa totoong buhay, mistulang tinutusok ng libong karayom ang dibdib
mo. Kahit ga-langit ang himutok, ipinasya niyang umuwi, tanda ng pagsuko,
para sa kanya, nilunok na ng bulkan ang lugar na ito. Hindi niya raw
kinalimutan ang donut.
Sumakay siya ng jeep, lulugu-lugo, di rin nabigay kung anong ruta,
basta sumakay daw siya pauwi. Oo bibihira na sa mga jeep ang may stereo,
may ganito ang nasakyan niya. Romantic ang tugtog, lovesong nga eh,
kaya lang pang-broken hearted bagay sa kanya at that moment; sapul
talaga, "Love Hurts" ng Nazareth. Bagamat nagkadurug-durog
na, tinanggap ng kanyang puso ang kanta at pabulong pa raw siyang
nakisabay ditto. Walan siyang karamay sa tagpong iyon kundi ang kanyang
donut na nasa plastic, hinawakan niya ito nang mahigpit, parang sinasabing
"dito ka lang huwag mo akong iiwan."
Diretso higa pagdating sa bahay. Siyanga naman, sino'ng makakaramdam
ng gutom sa ganitong kondisyon? Tsk. tsk. tsk malas lang. Dulot ng
matinding depresyon at sakit ng suntok, nakatulugan na lang niya ang
lahat. Ganyan nga siguro ang pinakamadaling paraan kung may dumadapong
alat. Lalo't mabigat na hindi mo alam kung paano bubuhatin, daanin
na lang sa tulog.
Kinabukasan dahil tinanghali ng gising, wala na raw siyang inabutang
pagkain. Lagot paano ito eh gutum na gutom pa naman siya—hangin
pa ang laman ng kanyang bulsa. Biglang pumasok sa eksena ang donut!
Nakupo, panalung-panalo! Nagtimpla siya ng kape, binuksan ang plastic,
ngumiti ang tatlong donut, buo pa, malamig nga lang pero lamang-tiyan
pa rin.
Hay naku, ang donut nga naman!
---------------
Hindi nakatingala pero nag-aabang si Paquito ng wishing star habang
naglalakad. Natalisod tuloy siya ng nakausling bato. Sumubsob sa putikan!
Itinaas niya ang dalawang paa para hindi marumihan. Muling siyang
tumayo at umalis.