NAALALA KO y'ong isang lider-estudyante.
Sumulpot siya sa klase namin at hinihingan kami ng tigpipiso na para
kaming kinokotongan.
Pero may dala siyang maliit na kahon ng chalk. May nakasulat na “piso-piso
para sa kaso.” Iaambag pala iyon sa inaasahang TRO ng labindalawang
lider-estudyante na idinismis, dahil din sa pag-oorganisa at pagtitipon
ng mga mag-aaral noong panahong hindi pa kami estudyante sa pamantasan.
Hunyo pa kasi noon, medyo bago lang nagbukas ang klase. Marso kasi
ng nakaraang semestre naganap ang malawakang piket.
Y'ong lider-estudyante naman, ibinahagi sa amin kung bakit nag-martsa
sa lansangan ang umabot sa libong mag-aaral. Hindi umano pagtaas ng
matrikula o ano pa man kundi ang walang kamatayang represyon sa loob
ng kampus. Ang panunupil ng kalayaan sa pamamahayag, patunay ito ang
pagsara ng opisyal na pahayagan ng mag-aaral at pagsuspindi sa staff
nito; di pa nga nakuntento ang administrasyon, pinagtatanggal sila
at pinalitan ng kung sinong gusto nila; ang katiwalian na hindi pawang
ispekulasyon dahil nasuri nang positibo ng COA; pagtanggal sa propesor
na nag-request sa auditor; at marami pang harassment sa mga guro at
estudyante. Talamak pala ito sa iskuwelahang aking pinasukan.
Naisip ko noon, kung tama nga ba ang lumipat na lang. E di para akong
makasariling tumatakas sa suliraning dapat sana'y pakilaman ko rin.
Parang sa bansang ito, pag napagod lang sa mga problema e ihahanda
na ang sariling pumasok sa butas ng karayom para lang maging ganap
na citizen ng ibang bansa. Pamantasan kami ng estado, kaya pera ng
bayan ang usapan dito. Hindi nagtagal, lalo kong nakilala ang lider-estudyanteng
may chalk box. Naging magkaibigan kami at marami pa siyang kuwentong
lipunan. Marami na rin akong nabasa tungkol sa mga binanggit niya
at lalo akong namulat sa mga nangyayari.
Ang usapan ay umaabot sa pagbabatikos sa mga hakbang ukol sa pagsasamantala
sa mga pabrika at pang-aalipin sa mga magsasaka. Sumapi ako sa organisasyon
na kinabilangan niya at buong taon ko siyang nakasama. Sa sumunod
na taon, hindi na siya nag-enroll. Nabalitaan ko na lang, siya na'y
armadong nakikibaka. Ikinuwento ng dating propesor niya na noo'y tahimik
naman siya. Napakaordinaryo na tipong pumupunta sa iskuwela, nanananghalian,
nag-aaral ulit at umuuwi pag hapon. Tipikal din, na nag-aaral at nangangarap
umasenso't yumaman pag nagtapos sa kolehiyo. Ang maliwanag daw ay
ang represyon sa pamantasan ang nag-udyok sakanya sa lahat. Ang administrasyon
ng eskwelahan ang pangunahing recruiter niya sa kilusan. Malapit nang
mag-isang taon noon, hindi pa rin siya bumababa para makumusta namin
o mangumusta. Gusto ko na rin siyang makita at hingan ng kuwento tungkol
sa buhay kasama ang mga pesante.
Dumating ang araw, ako na at isa pang kasama ang naglilibot, piso-piso
para kay Jenny, nakasulat sa empty chalk box na dala namin.
Ang may-akda ay nalulungkot subalit hindi pinanghinaan ng loob sa
nangyari kay Yuana. Sa halip, naging matatag at dinakila ang sakripisyong
higit na pinahalagahan kaysa luhong maaari niyang makamit kung gugustuhin.
Lalaya ang ating pamantasan, pag lumaya din ang bayan. Hindi na mahalaga
kung abutin pa ito ng ating huling hininga. Basta't darating din ang
araw, huwag lang tayo mawalan ng pag-asa.
---------------