Kilala
n'yo ba si Shaider, ang pulis pangkalawakan?
Noong maliit pa ako, dahil wala kaming sariling TV ay nakikipangapit-bahay
ako para lamang mapanood ang pakikipaglaban ni Shaider sa mga tauhan
ni Phuma Lear, at para na rin masilip ang panty ni Annie. Para sa
akin, ang galing-galing ni Shaider (o Alexis kapag hindi pa nagta-transform)
at ang ganda-ganda ni Annie.
Tinuruan din ako ng ilang mahahalagang bagay nina Shaider at Annie,
gaya ng mahigpit na pagkapit sa katuwiran at ang pagtataguyod ng kalayaan.
Buong giting nilang ipinagtanggol ang daigdig mula sa mga dayuhang—as
in aliens from outer space—mananakop. Siguro partly responsible
sina Shaider at Annie kung bakit naging anti-imperialist ako at tuwang
tuwa sa nakikita ko ngayong pagtayo ng milyun-milyong taga-daigdig
laban sa di-makatarungang plano ni Lear, este, ni G.W. Bush pala!
Kamakaila'y nalungkot ako sa natanggap kong e-mail na nagbabalitang
patay na raw si Shaider. Nang binasa ko ang Google-translated
site na binabanggit sa e-mail, nalaman kong noong Hulyo 24, 2001
pa pala pumanaw sa edad na 37 dahil sa kanser sa atay si Hiroshi Tsuburaya,
ang artistang Hapon na gumanap na Shaider.
Sabagay, hindi mismong si Shaider o Alexis ang namatay—pagkat
ang karakter ay maaaring gampanan ng iba—pero nakalulungkot
pa ring isipin na yung "idol" mo dati ay tepok na pala.
Gayunpaman, ang magiting na si Alexis/Shaider ay mananatiling buhay
sa alaala ng mga tagahangang kagaya ko.
---------------
Si Ederic, 24, Patnugot ng Tinig.com, ay nagtapos ng Journalism sa
UP Diliman at ngayo'y part-time reporter sa Kyodo News.