LALONG
UMIINIT ang panahon habang pumapasok ang tag-araw. Kasabay ng pagtaas
ng temperatura, umapoy naman ang digmaan sa Mindanao at nagbabadya
ang atakeng agresyon ng United States sa Iraq.
Araw na lamang daw ang binibilang at sisiklab na ang digmaan sa Gitnang
Silangan, ayon sa mga balita. Habang naghahanda at patuloy ang agitation
ng kampo nina US President Dubya Bush at British Prime Minister Tony
Blair, walang tigil din sa pagiging cheer leader nila sa Asya si Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo.
Samantala, dahil sa patuloy na pagsuporta sa panunuba ng US at pagpapaigting
ng operasyong militar sa Mindanao, lalo namang ginagatungan ng gobyerno
ang karahasan doon.
Sa kabila nito, tuluy-tuloy, lumalawak, at lalong umiinit naman ang
protesta laban sa digmaan sa buong daigdig. Dito sa Pilipinas, halos
araw-araw ay may mga gawain laban sa digmaan sa Iraq at sa Mindanao.
Sa isyung ito, ibinabahagi namin sa inyo mga pagkilos at pahayag
ng iba't ibang sektor na nananawagan para sa kapayapaan. Pinararangalan
din natin ang alaala ng dating Senador Pepe Diokno, isang makabayan
at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ginugunita rin natin ang mga
pumanaw na mandirigma ng digmang bayan—silang mga naghangad
ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at nabulid sa gitna ng
labanan. Nawa'y muling maglagablab at mag-alab ang diwa ng kanilang
ideyalismo sa ating mga kabataan ng kasalukuyang panahon, alinmang
daan tungo sa pagbabago ang piliin nating tahakin.
Inaanyayahan din namin kayong makilahok sa kampanya ng Filipino Youth
for Peace sa pamamagitan ng paglagda
sa ating pahayag.
At sa tag-init na ito, nawa'y sumikat ang katarungan at kapayapaan.

EDERIC P. EDER
Patnugot
At siyanga pala, noong Pebrero 14 ay nakunan kami ng
kamera ng Arkibo
ng Bayan habang nakikilahok sa pandaigdigang pagkilos para sa
kapayapaan.
---------------