"POWDER O lotion?"
Dati-rati, sa mga palabas sa TV o kaya'y sa mga pelikula ko lang
naririnig ang mga salitang ito. Ang pinakatumatak na eksena nga sa
utak ko ay yung karakter ni Herbert Baustista sa Bagets. Pero ngayon,
totoo na tong narinig ko. Hindi na mula sa 14" inch naming de
pukpok na telebisyon o kaya'y sa mantsadong puting telon ng mga SM
cinema, kung di sa loob ng isang makitid na kwartong ang tanging mga
laman ay isang kamang walang unan na amoy chlorox na parang kani-kanina
lang nabuhusan. May dalawang hanger na nakasabit sa pader na plywood
na nagsisilbing divider sa kabilang kwarto. Hindi ko sinabit ang damit
at pantalon ko't pinatong ko lang ang mga ito sa may maliit na mesa.
Sa may dulo sa tapat ng pintuang de kurtina't kulay makopa, may maliit
na banyo. Pula ang ilaw ng kwarto. Parang darkroom. Iba nga lang ang
nade-debelop. Hindi mga imahe sa photo paper kundi init na unti-unting
kumukulo't nagbabadya ng pagsabog. Pero sa mga oras na ito, lamig
ang bumabalot sa katawan kong brief lamang ang saplot dulot ng pinaghalong
kaba sa dibdib at aircon na naka-high cool. Sa kanto ng paningin ko'y
isang babaeng nakadamit ng puti't naghihintay ng sagot ko.
"Lotion?" sabi ko nang hindi sigurado sa sagot.
Inumpisahan ng babaeng di ko man lang sinilayan ang mukha na magpahid
ng kanyang baby lotion sa'king likuran. Dahan-dahan niyang kinalat
ang malapot na likidong may pambatang amoy na nagpapaalala sa'kin
ng mga oras na nanunuod ako ng X-rated na betamax sa kwarto ng tatay
ko. Pakiramdam ko'y isa akong malaking piraso ng arina na minamasa
hanggang sa lumambot para gawing tinapay. Pero may isang bahagi ng
katawan ko ang tila kabaligtaran ang nangyari. Unti-unting napalitan
ng init ang nangangatog kong katawan. Biglang naglaro ang isipan ko
na tila may napindot siyang switch sa bandang puwetan ko. Magkakahalong
larawan ang lumitaw sa paningin ko na tila isang TV na palipat-lipat
ng channel. Iba-ibang imahe na nakakapagpatulo ng laway at iisa lamang
ang layunin.
"Anung pangalan mo?"
"Lab. Kaw?" Sabi niya na parang binubulong ang sagot.
"Ha? Alex. Ilang taon ka na?"
"Pipti-eyt."
Biglang tumigil ang mundo ko. Fifty-eight ba kamo? Hindi naman edad
ng lola niya ang tinanong ko. Tinanong ko ulit siya kung ilang taon
na siya. Pipti-eyt talaga. Gusto ko sanang lumingon para tignan kung
kulubutin na talaga siya pero hindi ko rin ito nagawa dahil sa kabang
baka nga totoong gurang na siya. O baka naman isa siyang "hot
lola?" Hindi ko maaninag sa kanyang boses ang tunay niyang edad
dahil pabulong siya kung magsalita. Hindi ako dumilat. Pero parang
wala ring bisa dahil kahit anung pilit kong magpanggap na magtago
sa malaking espasyo ng kadiliman, hindi na kaya dahil sinapawan na
ito ng imahe ng isang lolang binudburan ng makapal na foundation,
gray ang buhok, kulubot ang pisngi't halos pumaloob na ang labi sa
bibig. Natapos na si Lab sa likod. Sinunod niya ang kanang kamay ko.
Inuna niya ang palad ko. Naramdaman ko ang gaspang ng kanyang mga
kamay. Nakakapagtaka dahil lagi namang nakababad sa powder o lotion
ang mga kamay niya pero kasinggaspang pa rin ng papel de liha ang
mga ito. Lalo lang akong napaniwala na baka nga nag-aalaga na ng mga
apo itong napunta sa'kin.
"So, ilan, a-ilan na po ang apo niyo?"
"Isang daan."
Nang marinig ko ang sagot niya'y bumalik ako sa'king tunay na sarili.
Imposibleng ang babaeng may pinakamaraming apo sa buong Pilipinas
ay nagtatrabaho sa ganitong lugar. Hindi na ako nag-alangang tumayo
sa kinahihigaan ko para tignan kung ano ba talaga si Lab. Nagulat
siya't napaatras sa ikinilos ko. Natakpan ng kanyang mahabang buhok
ang kanyang mukha. Inabangan kong ayusin niya ito. Yumuko siya't dinampot
ang kanyang hairclip sanhi ng pagkakagulat sa bigla kong pagtayo sa
kama. Inayos niya ang kanyang buhok gamit ang dalawang kamay. Inipit
niya ang kanyang koronang itim at dahan-dahan niyang inangat ang ulo
na para bang slow motion sa isang pelikula. Nagkita ang aming mga
mata sa unang pagkakataon. Sa wakas, nakita ko na rin ang mukha niyang
itinatago ng dilim.
"Wag kang malikot. Higa na ulet." Sabi niya, sabay sampal
sa kanang pisngi na para bang muli akong kinumpilan. Bumalik ako sa
pagkakadapa ko. Pero mulat na ang mga mata ko't halos di na kumukurap.
Hindi lola si Lab-dalaga. Baka nga dalaginding pa. Maamo ang mukha
niya. Mahaba ang mga pilik-mata, matangos ang ilong, manipis ang labi,
makinis ang balat at kahit pula ang ilaw sa loob ng kwarto'y kitang-kita
pa rin ang mala-labanos niyang kulay. Pero malungkot ang kanyang mga
mata. Tila ang mga ito ang napapagod sa tuwing siya'y pumipisil ng
parte ng aking katawan. At kung oras-oras, araw-araw, gabi-gabi niya
itong ginagawa, malamang ay matagal-tagal na ring di nararanasan ng
kanyang mga mata ang maginhawang pakiramdam.
Sa matagal-tagal na sandali, nanaig ang katahimikan sa loob ng kwarto
maliban lang sa pigil na ungol ng isang lalaki sa kabilang hawla.
Mula nang makita ko si Lab, nawala bigla sa isipan ko ang lahat ng
mga plano ko sa gabing iyon.. Para akong napipi. Nakatitig lang ako
sa pader at tila malalim ang iniisip pero ang sa totoo ay blangko
ang utak. Nasa paanan ko na si Lab. Sinimulan niyang pisil-pisilin
ang mga binti ko kung saan napakalakas ng kiliti ko. Pero wala man
lang akong naramdaman. Pakiramdam ko nga'y hindi ko na kayang tumayo.
Gumapang ang kanyang mga kamay mula sa binti ko papuntang hita hanggang
sa umabot sa aking puwet. Pero manhid pa rin ako. Paralisado na siguro
ako.
"Uy, magsalita ka naman."
Buti na lang gumagana pa ang pandinig ko. Nahalata rin pala ni Lab
ang biglaan kong pananahimik. Nagpalusot na lang ako na maginaw kasi
kaya't mahirap magsalita. Sabay kinurot niya ako sa bilbil ko't parang
sinasabi na "palusot ka pa!" o kaya'y "bad trip ka't
ako ang napunta sa'yo no?" Kung pwede lang sabihin ang totoo
na kaya ako napatahimik dahil sa hindi ko akalaing may mala-Birheng
Mariang papasok sa ganitong uri ng trabaho, sasabihin ko. Pero hindi
lang talaga mabigkas ng aking bibig. Baka kasi isipin niya na ginagamit
ko pa ang ina ni Hesus para lang makapambola nang makalibre ng sensation.
Hindi ko alam. Maya-maya'y pinagpapalo niya ang buong katawan ko.
Masarap. Sa wakas ay nakakaramdam na ulit ako. Pagkatapos nito'y hinimas
niya ang ulo ko na nagpapahiwatig na tapos na ang kanyang masahe.
Hindi pa tumutunog ang buzzer. Marami pang oras. Bumangon ako sa kinahihigaan
ko't naabutan ko siyang nag-aayos ng buhok sa harap ng salamin sa
may banyo. Nakita niya ako sa salamin kaya't bumalik siya sa kama't
umupo. Kinuha niya ang kanyang lotion at dahan-dahang naglagay sa
kanyang mga kamay sabay tumingin sa'kin. Nag-iba ang hugis ng kanyang
mga mata. Bigla itong naging mapang-akit ngunit naghahalo pa rin ang
lungkot na kani-kanina lang ay bumabalot sa kanyang mapupungay na
mga mata.
"Bakit ang bilis?"
"E, ganun e. Anu pa bang gusto mo?"
Hindi ako nakasagot sa kanyang tanong. Marahil hinihintay na niya
ang "magic words" na sabihin ko para magsimula ng pumatak
ang kanyang metro't makuha na niya ang kanyang tip. Pero wala akong
nasagot. Sinampal na naman niya ako na parang ginigising ako sa pananaginip
ng gising. Napatingin ako sa kanya. Hinihintay niya ang sagot ko.
Sa akin nakasalalay ang kikitain niya sa mga oras na yon. Sa wakas
ay may ibubuga ng mga sagot ang bibig ko.
"Kwentuhan tayo."
Ilang segundo siyang napatingin sa taas at inisip kung tama ang
narinig niya. Siguro'y nalilito siya kung kwentutan o kwentuhan ba
ang narinig niya. Sabay tumingin siya sa'kin, nangurot sa dibdib at
ngumiti. Doon ko lang siya nakitang ngumiti, at mukhang natural ito't
hindi isang pagpapanggap. Matamis ito't maaring ilaban sa mga sopistikadong
kolehiyalang nananalo sa mga Close-Up Smile Of The Day. Tinanong niya
ako nang nakatatak pa rin ang kanyang ngiti kung anong gusto kong
pag-usapan. Ang sabi ko kahit ano basta tungkol sa buhay at huwag
lamang tungkol sa patay. Kinurot na naman niya ako sa bilbil na may
kasamang panggigigil. Hindi na nabura ang matamis na ngiti sa kanyang
mukha. At ang kanyang mga mata'y tila nagbibigay liwanag sa aking
paningin.
Umupo si Lab sa kama't tumabi sa akin. Sumandal kami sa pader. Naririnig
namin ang dalawang boses sa kabilang kwarto na parang mga manok na
nagsasabong. Nakakailang itong marinig. Tinignan ko si Lab at unti-unting
kumukupas ang sigla sa kanyang mukha habang naririnig ang mga ungol.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isipan ko pero pakiramdam ko'y
kailangan kong gumawa ng paraan para manatili ang kanyang tunay na
anyo.
"Ilang taon ka na ba talaga? Yung mas mababa sa fifty-eight
ha?"
Muli siyang ngumiti at pinalo naman ako sa balikat. Tatawa-tawa
siya ng mahina. Naalala niya siguro yung oras na sinabi niya sa'kin
na limampu't walong taong gulang na siya't kung paano ako nag-react.
"Sibentin."
Nang marinig ko ang sagot niya, ako naman ang biglang nawalan ng
ngiti sa'king mukha. Pero hindi ito nahalata ni Lab dahil sa tatawa-tawa
pa rin siya sa naaalala niya. Sinabi ko rin ang edad ko. Anim na taon
ang tanda ko sa kanya. Hindi ko lubos maisip na sa mura niyang edad
ay papasok siya sa ganitong uri ng trabaho. Alam ko naman na may eksistensiya
talaga ng mga menor de edad na nagtatrabaho sa mga pugad ng mga babaeng
mababa ang lipad pero iba pa rin ang pakiramdam kapag personal mo
nang nasasaksihan ang mga bagay na sa balita o kwentuhan mo lang naririnig.
Hindi ko alam kung awa ba ang nararamdaman ko kay Lab o panghihinayang
dahil sa tingin ko'y may kinabukasan pa siya sa ibang larangan. Siguro
pareho lang.
"Anung trabaho mo?" tanong ni Lab sa'kin habang nililinis
ang kanyang mga kuko sa kamay.
"Music Teacher ako. Sa elementary." Sabay pilit na ngumiti
para mapagtakpan ang tunay kong nararamdaman sa mga oras na yon.
Nanlaki ang kanyang mga mata sa sagot ko. Punong-puno ito ng saya.
Ngumiti siyang abot tenga't hinawakan ang mga kamay ko. Lumapit ang
kanyang mukha sa mukha ko. Dumampi sa'king ilong ang kanyang hininga.
Ang lamig nito't sariwa ang amoy. Hinigpitan niya ang kanyang hawak.
"Talaga? Alam mo ba, pangarap ko talaga e maging singer?"
Sabi niya sa'kin na para bang nagpaparinig na ako ang pag-asa niya
para matupad ang kanyang pangarap na maging sikat na singer.
Sinagot siya ng aking ngiti. Biglang may nagbubuong mga palaisipan
sa aking utak na nagbigay sa akin ng mga hinala kung bakit at paano
napunta si Lab sa ganitong uri ng trabaho sa kanyang murang edad.
Pagkakataon ko na siyang tanungin ng mga bagay na magbubunyag ng kanyang
tunay na pagkatao. Pakiramdam ko'y magsasalita naman siya tungkol
sa kanyang buhay dahil nakuha ko na ang kanyang kiliti. Para sigurado,
pinaalala ko na naman ang "fifty-eight years old" isyu.
Natawa na naman siya rito't muli akong sinampal. Sampal ng paglalambing
na ang dating nito sa pisngi ko. Hindi ko alam kung ano ang kongkretong
dahilan kung bakit ako nag-aala-Imbestigador pero may matinding kutob
sa aking dibdib na kailangan kong mapasok ang kaluluwa ni Lab. Sisimulan
ko na sana siyang paulanan ng mga tanong nang biglang may malakas
na ingay ang pumasok sa aming pandinig.
Tapos na ang oras namin.
Binitawan niya ang aking mga kamay. Umalis siya sa kama't nag-ayos
ng buhok. Binalik niya ang kanyang lotion sa loob ng kanyang leather
bag. Kinuha ko naman ang aking damit at pantalon at nagbihis. Tinanong
niya ako kung kailan ako babalik. Sinabi ko kay Lab na hindi ko pa
alam. Dumukot siya sa kanyang bag at nilabas ang kanyang cellphone.
Tinanong niya ang cellphone number ko. Binigay ko naman ito. Ite-text
na lang daw niya ako sa umaga. Umaga na non. Pero ayoko namang mamilosopo.
Tumango ako. Sa text na lang daw kami magge-"getting to know
each other." Tumango lang ulit ako. Nang nakabihis na ako, nilabas
ko ang wallet ko't kumuha ng 200 pesos. Inabot ko ang pera kay Lab.
Tinignan niya ito sabay tingin sa'kin. Kinuha niya ito't pinasok sa
kanyang bag. Nagpasalamat siya sa'kin at nilampasan ako. Nang makarating
sa may pintuan, huminto siya't tumingin sa'kin. Nakuha naman niya
ang aking atensyon at tumingin din ako sa kanya. Nginitian niya akong
muli at kumaway.
"Salamat. Anu nga ulit pangalan mo?" pahabol ni Lab.
Nakalimutan na niya agad ang panagalan ko. Anong pangalan kaya ang
sinulat niya sa cellphone niya? O baka naman nagloloko lang siya't
naghuhuli kung nag-iimbento lang ako kanina ng pangalan at baka ibang
pangalan naman ang mabanggit ko ngayon.
"Alex. Alex." Sabay kaway sa kanya.
"Sige." Sabi niya't pagkatapos ay tumalikod at sinimulang
humakbang papaalis. Pero bago tuluyang makaapak ang kanyang kaliwang
paa sa labas ng kwarto, lumingon siyang muli at nginitian ako, na
marahil ay ang huli niyang ngiti na masisilayan ko.
"Oo nga pala, ako si Lea."
Kumaway siya para magpaalam at tuluyan na siyang sinapawan ng kurtinang
kulay makopa.
---------------