"KWARTA NA naman!" nakangiting patutsada ni Francburt sa
sarili. Sasapit na kasi ang pinakahihintay na mga araw ng mga residente
sa North Cemetery. Palapit pa lamang ang buwan ng Nobyembre, abalang-abala
na ang mga ito sa pag-aayos at paghahanda ng mga kung anu-anong mga
paninda at mga "gimik" upang kumita ng pera. Tuwing araw
ng mga patay lang kasi nagiging puno ng buhay ang naaagnas at nagsisikip
na sementeryo. Ang nakakabinging pananahimik sa mga karaniwang araw
ay siyang kabaliktaran ng ingay tuwing bisperas at araw ng mga patay.
Para sa mga naninirahan sa North Cemetery, "Pasko" ang turing
nila sa araw ng mga patay.
Bata pa lamang si Francburt ay kumikita na siya ng pera tuwing darating
ang mga araw ng "kasaganahan." Mula sa pag-iipon ng mga
tulo ng kandila at paglilinis ng mga lapida, nakalilikom siya ng kapital
upang makapagbenta ng mga bulaklak, inumin, at pagkain. Alam na alam
na niya ang mga diskarte sa pagkita ng pera sa sementeryo. Marami
talagang tao sa sementeryo tuwing araw ng mga patay, kaya kahit na
ang mga musmos ay nakakahanap ng paraan upang magkapera.
Dalawang dekada nang naninirahan si Francburt sa sementeryo. Dito
na siya lumaki at nagkamalay. At simula't sapul sa pagkabata, pati
ang pagkapangalan sa kanya, "Francburt" ay tampulan ng kuwentu-kwentuhan
at biro. Lumaki kasi siya nang hindi kilala ang kanyang mga magulang.
Sabi kasi ni Aling Teresa, ang tumayong ina sa kanya, nakita na lamang
siya na pumapalahaw ng iyak sa loob ng karton na nakapatong sa puntod
ng heneral na si Francis Burton Harrison—naging gobernador ng
Pilipinas noong panahon ng okupasyon ng mga Amerikano, sabi raw sa
lapida.
Kung bakit naman pinagtiyap ng pagkakataon na maipapalagay na may
dugong Kano itong si Francburt, matingkad-tingkad ang pagkaputi bagamat
nangingibabaw ang pagkaitim ng buhok. Malayo kay Brad Pitt si Francburt:
hindi guwapo, hindi pangit, pero "kuwatog." Sabi raw, naiwan
siguro sa airport o barko ang ina ni Francburt, baka biktima ng "mail
order bride" o baka raw nalusutan ng marino noong narito pa ang
mga base-militar ng Kano sa Pilipinas. Pero walang sama ng loob si
Francburt sa kanyang mga tunay na magulang o sa ina kaya, naging normal
naman ang kanyang buhay sa ilalim ng pamilya ni Aling Teresa.
Wala nang mairereklamo pa si Francburt sa buhay sa loob ng sementeryo.
Ang tanging problema lamang ng mga naninirahan dito ay ang kanilang
pagkain sa araw-araw. Maliban dito ay libre na sa kanila ang lahat.
Marahil ang pinakadahilan kung bakit halos limang libo ang residente
dito ay ang libreng pabahay. Sino ba ang mag-aakala na pwedeng gawing
bahay ang mga puntod at musoleo dito?
"Inom ka ng gatas, may libreng pabahay! Part 2."
Natawa si Francburt nang makita niya ang pakulong ito sa isang karton
ng gatas. Maswerte siya at ang iba pang residente, may matibay na
matitirhan. Sa hirap ng buhay, hindi na biro ang magkaroon ng sementadong
silong.
Ang bawat pamilya na naninirahan sa loob ng North Cemetery ay may
kanya-kanyang teritoryo na inuukupahan. Ang ibang pamilya ay nagkusa
namang magpaalam sa may mga may-ari ng mga musoleo na doon sila titira,
kapalit ng pangangalaga sa mga ito. Marami naman sa pamilya ay tumira
na lamang sa mga bakante at nakabukas na mga musoleo. Kung papasukin
ang isang tipikal na musoleo, ang mga kagamitang pambahay ay narito
na lahat. Ang mga puntod na isang metro ang taas ang nagsisilbing
mga kama. Parang "double deck" nga ang mga ito tuwing gabi,
may natutulog sa taas at may nagpapahinga sa ibaba. Ang mga sinusuwerte
ay makapag-aangkin ng higit sa isang puntod. Ang mga ito ay nagsisilbi
na ring hapag-kainan, upuan, kabinet, lalagyan, at kung ano-ano pa.
Minsan ito na rin ang nagiging kubeta ng ilan sa mga residente. At
kung gabi naman, dito naman naglalampungan ang mga magsing-irog, na
hindi na inaaligata ang pamamahinga ng mga nasa lupa.
Ang mga musoleo ay may mga kandado at gate, na parang tunay na bahay.
Pero samu't sari ang mga "bahay" sa sementeryo: may magarbo,
makulay, istilong Pagoda, maliit, maraming palapag at kung anu-ano
pa. Kung tutuusin, parang itong isang maliit na subdibisyon: may mga
"kalsada," eskinita, transportasyong de-padyak o traysikel,
kapilya, tindahan, vendor, barangay-tanod, kasama na marahil ang mga
naliligaw na kawatan, reypis, at "akyat-bahay."
Maswerte naman si Francburt dahil kasya naman sila sa naangking
musoleo ni Aling Teresa. May dalawang puntod na kanilang kama at hapag-kainan.
Maayos naman ang apat na poste, bubong at ilang bintana.
"Ang namatayan ay dapat tulungan, hindi dapat pagsamantalahan."
Naging palaisipan na ito kay Francburt. Tuwing kasi siya ay mapapadaan
sa opisina sa harap ng sementeryo, mababasa niya ito at parang may
mga boses na naririnig siya na nagpapasikip ng kanyang puso. Totoo
bang pinagsasamantalahan nilang mga residente ang mga patay at namatayan?
Hindi naman siguro, tutal, inaalagaan nga nila ang sementeryo at wala
naman silang ginagawang masama.
Walang ginagawang masama? Sigurado ka ba Francburt? Kung tutuusin,
marami-rami rin ang walang pakundangan sa loob ng sementeryo. Kahit
na sabihin na "libre" na ang pabahay dito ay kulang pa rin.
Mahirap talaga ang buhay. Mahirap umaasa na lamang tuwing Nobyembre.
Marami ang pwedeng ibenta sa loob ng sementeryo at 'yan ang pinakakakitaan
ng mga ilang sira-ulo sa komunidad sa North Cemetery. Ang mga pilak
at tansong letra sa lapida, mga mamahaling ilaw, mga bakal at kahit
ano pang pwedeng ibenta ay pinagkakainteresan ng ilan. Sa dis-oras
ng gabi, nakakatiyempo pa rin ngayon ang mga "panggabing"
sepulturero sa paghuhukay ng mga lumang puntod—mga bungong may
ngiping ginto o pilak, antigong alahas—at sa mga bagong puntod
kaya, bago pa man tumigas ang semento, ay bago ring mga kasuotan na
puwedeng ibenta sa ukay-ukay o wag-wag.
Pinipili naman ng mga nagnanakaw ang kanilang nanakawin upang ibenta.
Mga ilang taon na ring nariyan ang mga tansong letra ng mga nangamatay
sa Sulpicio Tragedy. Walang mga pangalan ang mga namatay dito, puro
letra at numero lang. Isang mass grave ito kaya ganoon na lamang ang
mga respeto ng mga residente dito. Ang ilan namang lapida na pinakikita
ang kanilang yaman ay ang paboritong nakawan ng mga walang pera.
"Ang namatayan ay hindi dapat tulungan, dapat pagsamantalahan."
Paano kung baliktarin ang sinasabi sa opisina ng sementeryo? Tanong
ni Francburt sa sarili. Totoo bang kailangang tulungan ang mga namatayan
at mga patay. Ano ba ang silbi ng mga patay? Kailangan pa bang gawan
ng mga pantyon o gusali ang mga ito? Ang lahat ba ng namatay ay dapat
galangin?
Napataas na lamang ang kilay ni Francburt habang pinagmamasdan ang
nakangiting si Sergio Osmena sa kanyang hawak na singkwenta pesos.
Ano ba ang nagawa ng taong ito at ngayon ay nasa pera pa? Tama bang
bigyan ng malaki at magarbong libingan ang taong ito? Ano ba ang nagawa
niya kasama ang ilan pang mataas na opisyal sa bayan? Hindi naman
kalayuan dito ang puntod ni Francis Burton Harrison, ang puntod na
kinatagpuan niya. Napakamot na lamang siya sa kanyang ulo tuwing napapadaan
siya rito. Sa dinami-dami ng mga puntod na narito, bakit pa napiling
iwan siya sa puntod ng isang Amerikano? Palaging naninikip ang kanyang
dibdib sa mga alaala ng katagang "bastardo," "anak
sa labas," "hijo de puta" at kung anu-ano pa. Kung
bakit naman nabuhay muli ng "Balikatan Exercises" ang panaginip
ni Francburt—na hinahanap o hahanapin siya ng kanyang Kanong
ama. Bubuti ang buhay niya, malayo sa buhay sa mga patay. Siguro,
mataas na opisyal na ng Green Berets ang kanyang tatay. O siguro,
kasama ang tatay niya sa nakikipaglaban sa Abu Sayaff o di kaya'y
sa Al Qaeda sa Afghanistan. "Suntok sa buwang pangangarap!"
himutok niya.
Nang mahimasmasan, inihayag ni Francburt sa kanyang sarili na tama
lang siguro na manirahan doon. Wala naman kasing nagrereklamo sa mga
"namamahinga" sa sementeryo.
"Luluwas na ako sa walang kwentang lugar na ito." Yan
ang sinabi ng anak ni Aling Teresa na si Aweng kay Francburt. Para
kay Francburt, isang tunay na kapatid si Aweng. Siya ang naging kuya
niya at nagturo sa kanya upang makapagbasa at makapagsulat nang kaunti.
Magaling si Aweng dahil nakapagtapos siya ng kolehiyo, kursong edukasyon.
Talagang ipinagmamalaki siya ni Aling Teresa dahil nagbunga rin ang
ilang taong paghihirap upang makapag-aral siya.
Mga ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang umalis si Aweng.
Bago siya umalis, naitanong ni Francburt kay Aweng kung saan siya
pupunta. Hindi niya mawari ang sagot nito: pupunta siya sa bandera
ng mga tala.
Kapus-palad na wala nang magtuturo kay Francburt at sa mga iba pang
kabataan sa loob ng sementeryo ng kaunting basa, sulat, at kwenta.
Kaya pinangatawanan ni Francburt na siya na lamang ang magtuturo sa
mga bata, gamit ang kanyang kaunti at kapos na kaalaman.
"Magkakaroon ng pagbabago sa polisiya ng sementeryo, wala nang
maaaring tumira rito." Isang linggo bago ang pinakahihintay na
araw ng mga residente, nagkaroon ng pagpupulong ang mga lahat ng mga
residente at ang mga opisyal ng sementeryo. Nagulantang ang lahat
sa sinabi rito ng direktor. Magkakaroon na daw ng pagbabago ng pamumuno
sa sementeryo. Ibinenta na daw ng lungsod ang pagmamay-ari ng sementeryo
sa isang multinasyonal na korporasyon. Isang korporasyon na pinamuhunan
ng mga Kano na dalubhasa sa teknolohiya ng "mabilisang pag-aagnas."
Iibahin ng tatanggap na korporasyon ang patakaran sa sementeryo.
Iba na raw kasi ang panahon ng siyensa at teknolohiya at kahit ang
tradisyunal na paglilibing ay kailangan nang baguhin. Imbes na ililibing
ang patay habangbuhay, makakapili ang namatayan sa dalawang nirerekomendang
posibleng paraan ng "paglilibing": ang mabilisang pag-aagnas
o paglibing ng isang parte ng katawan lamang. Bukod sa cremation.
Ang "mabilisang pag-aagnas" ay karampatang kabayaran kada
isang taon. Ibig sabihin nito, ang namatayan ang magdedesisyon kung
gaano katagal maagnas ang bangkay. Kung nabayaran ay para sa 8 taon
lamang, mawawala na lamang ang bangkay na parang bula dahil ito ay
maagnas hanggang maging abo sa loob ng 8 taon. Ang paglibing ng isang
parte lamang ay ang pagkuha ng isang parte lamang ng bangkay. Kung
napili ang bungo ang ilibing, ito lamang ang ililibing. Hanggang isang
parte lamang ang pwedeng ilibing. Ang mga bagong serbisyo at disenyo
raw na ito sa paglilibing ay umaalinsunod sa tradisyon ng mga Pilipino.
Wala na raw magagawa ang mga opisyal. Sila ay papalitan na. Kung
hindi daw aalis ang mga residente, ay mapipilitan ang pribadong kompanya
na alisin ang limang libong residente sa pamamagitan ng dahas.
Tumayo ang mga balahibo ni Francburt nang marinig ang salitang dahas.
Dahas mula sa pribadong kumpanya na pinaglilingkuran ang mga Kano.
Mga Kano na naman, laro ng isip niya.
"Wala silang karapatan dahil dito tayo nakatira."
Lahat ng residente ay naghihimutok sa galit pagkatapos ng pulong.
Hindi maari ito, sabi ng mga matatanda dahil buong buhay na sila narito
sa sementeryo. Wala na daw makakakuha sa kanila ng kanilang tirahan.
Ang mga lalake naman ay nagpasya na lamang na lumaban. Kung sa dati
ay naghahanda ang lahat sa kanilang pagkakakitaan bago dumating ang
Nobyembre, ngayon ang lahat ay naghahanda upang ipaglaban ang kanilang
kinatitirhan.
Hindi maisip ni Francburt ang kanyang gagawin. Sila nga ba ang may
karapatan sa mga lupaing ito? May karapatan ba silang lumaban? Paano
kung matalo sila? Saan na siya pupunta?
"Babala sa lahat ng naninirahan dito: umalis na kayo o masasaktan
kayo."
Malakas na isinisigaw ito ng mga nakapula at armadong mga kalalakihan
na rumuronda sa paligid ng sementeryo. Mula nang sila ay dumating,
mga tatlong araw pagkatapos ng pulong, nag-iba ang mga nakatayong
"negosyo" ng mga naninirahan sa paligid ng sementeryo. Ang
dating mala-komunidad pero matahimik na paligid ay isa nang walang
kabuhay-buhay na paligid. Ang lahat ay takot na nagtatago na sa kani-kanilang
mga lungga.
May ilang mga residente ang nagmarahas. Hindi nila mapigil na sugurin
ang mga nagbabalang mga kalalakihan. Mga tatlong lalaki na rin ang
nasugatan at dinala sa pulis. Pinagbabato nila ang mga nagbababala
na siya namang nanghabol at nagpapalo ng batuta.
Hindi mapalagay si Francburt. Hindi na siya makatulog tulad ng dati.
Nararamdaman niya ang nagbabadyang panganib.
"Sir, bulaklak." Nakayukong tinititigan ni Francburt ang
kanyang mga paninda. Nalalanta na ang mga bulaklak na kanyang hinanda.
Maayos pa naman ang mineral water at mga kandila. Hindi niya lubos-maisip
na baka hindi na siya muli makapagtitinda. Seryoso ang banta sa mga
residente, alam niya na hindi magdadalawang-isip na gumamit ng dahas
ang mga ito. Itinago na lamang niya ang natitira niyang mga gamit
at paninda sa kanyang bag. Mabuti nang maging handa.
"Lalaban tayo mga kasama. Patay kung patay. Bahala na ang Diyos!"
Bahala na. Bahala na kung pupulutin na lamang sila kinabukasan sa
kangkungan. Bahala na kung mamatay na sila. Nariyan naman ang Diyos.
Kung dati, pinaghahandaan ng mga residente ang kanilang mga ititinda,
ngayon may mga sandatang panlaban. Itak, bolo at balisong—walang
may baril sa mga residente.
Nagdadalawang-isip si Francburt. Hindi niya alam kung naduduwag siya.
Talagang malabo lang sa kanya ang konsepto ng pagkikipaglaban. Kinabukasan
na ang araw ng pagpapasya, hinanda ni Francburt ang kanyang sarili
sa lahat ng pwedeng mangyari.
"Huling babala: Umalis na kayo."
At dumating na nga ang mga unipormadong alagad ng korporasyon. Kumpleto
sa gamit ang mga ito, baril, panangga at helmet. May mga truncheon
rin ang mga ito. Inukopa nila ang buong gate ng sementeryo. May mga
truck ng bumbero rin.
Ang lahat ay nagtayo ng moog sa kani-kanilang kalye. Handang sumalakay
makakita lamang ng mga taong nakapula.
"Ang mamatay nang dahil sa iyo."
Sa ilang iglap, nabasag ang katahimikan. Sapilitang pinasok ng mga
alagad ng korporasyon ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay.
Napakarami nila at lahat ng daanan ay kanilang tinungo. Golpe-de-gulat
ang inabot ng mga unang alagad, hindi nila naisip na sasalakay ang
mga residente. Ngunit ang lahat ng pwedeng mahuli ay hinuli at pinosasan
ng mga alagad. Ang mga bata, matatanda at babae ay hinuli at sama-samang
dinala sa harap ng geyt. Ang mga naging marahas ay nabaril o di kaya
nabugbog ng truncheon. Naging marahas ang mga alagad, lahat ng may
itak o gulok ay nabulagta ng armalayt or .45. Kinulapulan ng dugo
ang mga lupa't semento sa sementeryo.
Putok ng baril, mga iyak at sigawan, hindi ganito ang dating araw
ng patay para sa mga residente ng North Cemetery. Sa lahat ng sulok
ng sementeryo, gulo at karahasan ang mga namayani.
Patagong tumakbo si Francburt. Hindi na niya makita si Aling Teresa
at ibang kapitbahay. Aalis na siya. Pero hindi niya alam kung saan
pupunta. Binilisan na lamang niya ang pagtakbo. Bigla na lamang may
naramdaman siya sumalpok sa kanyang ulo. Nawalan siya ng malay at
hindi na niya nalaman ang sumunod na mga nangyari.
"Isang buga lamang, patay ang mga anay," ang talinghaga
ng Presidente na Pilipinas sa kanyang pag-akit sa mga dayuhang pamumuhunan.
Lumipas na ang araw ng mga patay pero walang taong nakadalaw sa
North Cemetery. Nailabas na ang mga residente sa kanilang mga bahay-bahay.
Tulad ng dati, tahimik pa rin ang sementeryo. Pero hindi tulad ng
dati, wala na ang mga taong nagkukubli sa masisikip, madidilim at
mainit na mga musoleo Wala nang mag-aalaga sa mga musoleo, hindi na
kasi kailangan.
Ang mga residente ay napalabas na parang mga anay sa kanilang bahay.
Tulad ng mga anay, ang kanilang kaharian na bunton ng lupa ay mukhang
patay sa labas. Parang walang mga naninirahan. Pero kung susuyurin
ang kalooban, narito ang libu-libong anay na nagsisipamuhay at nagkakasunduan.
Ang North Cemetery ay isang bahay ng anay, walang mag-aakala na may
nakatirang libo-libong tao sa tila malaking punso ng kalupaan.
Madaling bulabugin ang bahay ng anay. Isang matinding tapak lamang
ay lalabas na ang mga ito. Hindi makakalaban ang mga anay, ang liit
nila kumpara sa paa ng isang tao. Hindi iisipin ng tao ang mga namamatay
na anak, maging batang anay ba ito o hindi. Wala naman daw silang
karapatan upang makipanirahan.
Nauriratan na lamang si Francburt sa isang sidewalk ng Andres Bonifacio
Avenue. Nag-iisa lamang siya, hindi niya alam kung nasaan na ang iba
pang residente. Para siyang anay na napahiwalay sa kanyang tirahan.
Mag-isa lamang siya sa isang bagong mundo. Ngayon lamang nalaman ni
Francburt na malaki pala ang mundo sa labas ng sementeryo. Nais niya
pag-isahin ang mga kasama niyang maralitang-lunsod sa isang bagong
yugto ng kanilang-buhay. Anya niya sa sarili, "Hindi pa tapos
ang laban!"
---------------