v27-28
Pebrero 15-Marso 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

MAIKLING KUWENTO
Bakit Ba Napakalayo ng Maynila?

BAGAMA'T NAKATITIYAK sa kalusugan ng katawan, bihirang kumain ng dinuguan si Ben kahit na paborito niya ito; hindi niya pinahihigit sa makaitlo sa isang buwan. "Buti na'ng sigurado," palagi niyang sinasabi sa mga kaopisina. "Hirap yatang magka-high blood."

Bukod pa rito, batid niyang ang anumang putahe kung bihirang matikman ay sumasarap pa nang higit sa talagang kasarapan nito.

At ito nga ang isa sa mga pagkakataong kumakain siya ng dinuguan. Ay, ang sarap nga naman ng dinuguan, naiisip niya.

Nakararagdag pa sa sarap ng kanyang kinakain ang magandang tanawin sa may pintuan ng otel na katapat ng kanyang kinakainan—isang magandang babaeng tila nakatawid na sa hanggahan ng pagkamusmos ngunit wala pa sa ikadalawampung taong gulang. Pasilip-silip ang pusod nito mula sa maikling pang-itaas, habang halos hindi tinatakpan ng palda nito ang mga hita. Makapal ang make-up nito. Sa ayos ng babaeng ito, wari ni Ben, isa siya sa maraming babae sa kung saan-saang dako ng Maynila na handa kang dalhin sa rurok ng saglit na aliw kapalit ng "tamang" halaga. Oo nga't hindi lahat ng babaeng gayon mag-ayos ay gayon, batid ni Ben, ngunit karamihan sa kanila'y ganoon.

Ngunit may napansin pang iba si Ben sa babaeng iyon. May nakakahawig siya—ang mga matang iyon, ang tabas ng mukha...

Si Melang! parang kidlat na biglang tumama sa kanyang kamalayan. Kahawig ni Melang ang babaeng iyon. Hindi si Melang iyon—si Melang ay higit na matangkad at higit na mahaba ang buhok.

Bumalik sa kanyang isip ang kung paano sila nagkakilala ni Melang. Nauna lamang nang ilang buwan ang pagkakakilala nila ni Melang sa kanyang pagkakapagtapos ng kolehiyo. Si Melang at ang dalawa nitong kapatid ay hindi talagang taga-San Lucas; tagaroon sila sa katabing lalawigan, at kaya lamang napunta roon ay nang ampunin ng matandang binatang tiyong si Ka Lucas matapos na ang mga magulang at ang kanilang nakatatandang kapatid ay mapatay dahil sa pandarahas ng militar sa mga magsasakang nagbuklod upang labanan ang malawakang pang-aagaw ng lupa.

Bahagya niyang napupusuan si Melang, datapwat di pa niya ito nililigawan—bagama't madalas-dalas din niyang maisip na kung siya'y mag-aasawa, ang pipiliin niya'y katulad nito.

Ngunit paano kung si Melang ay napatulad sa babaeng iyon? Ay! ayaw niyang isipin. Kung bakit ba niya biglang naisip ang kahindik-hindik na tanong na iyon. May mga pagkakataong higit mong gugustuhin, naiisip niya, ang wala kang isip.

Bumabagal ang pagkain ni Ben. Ang kanginang napakasarap na dinuguan ay parang tumatabang nang tumatabang at lumalabnaw nang lumalabnaw.

Maya-maya'y may lalaking lumapit sa babaeng nasa may pintuan ng otel. Hindi ito tinitingnan niyaong babae. Ngunit sinagi nito ang babae sa siko. Kumapit sa kanya ang babae at silang dalawa'y pumasok sa otel.

Nakumpirma ang hinala ni Ben tungkol sa babaeng iyon. Nababasa niya sa ilang magasin na isa iyon sa mga paraan upang makakuha ng panandaliang aliw.

Ngunit kahawig ni Melang ang babaeng iyon.

Di pa man ubos ang kanyang kinakain, tumayo si Ben at agad niyang binayaran ito. Sa pagmamadaling umalis, hindi na niya narinig ang sigaw niyaong bantay ng karinderya, "Mama, sukli n'yo!"

Sa isang tindahang naraanan ni Ben habang siya'y naglalakad pauwi, kumakanta ang isang patpating binatilyong tumitipa sa isang gitara: "Malamig ang simoy ng hangin/Kaysaya ng bawat damdamin/Ang tibok ng puso sa dibdib/Para bang hulog na ng langit..."

Nakaramdam si Ben ng pagnanasang umuwi sa kanilang nayon. Magpa-Pasko na sa loob ng dalawang linggo, at napapanahon nang umuwi siya roon kahit ilang araw lamang. Hindi siya nakauuwi pa roon sa loob ng magwawalong buwan na mula nang siya'y magkatrabaho rito sa Maynila matapos ang halos dalawang taong pagbibilang ng mga langaw kung araw at ng mga bituin kung gabi kahit na siya'y nakatapos ng kolehiyo at hindi naman katawa-tawa ang natamo niyang mga marka. Magwawalong buwan na rin niyang di nakikita ang mga magulang at kapatid. Magwalong buwan na rin silang hindi nagkikita ng kanayong si Melang. Nagsusulatan sila, ngunit bibihira dahil madalas siyang abala sa kanyang trabaho, bukod pa sa talaga namang may kabagalan ang serbisyo ng koreo—naaalaala niya tuloy ang ilang taludtod sa isa sa mga kanta sa isang album ni Gary Granada na nahiram niya sa isang kaopisina: "Ugaliing mag-ZIP Code/Singbilis ng time machine/Pebrero nang ihulog/Enero nang dumating."

Kumusta na kaya ngayon si Melang?

Sa bisperas ng unang araw ng Misa de Gallo ay uuwi siya. Hindi na niya hihintayin ang pagdaraos ng kanilang Christmas party, na ayon sa mga usapan nilang magkakaopisina ay sa ika-18 o ika-19 pa.

Ngunit marami-rami pa ang trabahong kailangang tapusin sa opisina, at kung hindi matatapos agad ang mga ito'y hindi siya gaanong matagal na makapagbabakasyon sapagkat kakailanganin siya sa opisina at malamang na hindi siya payagang magbakasyon nang mahaba.


Kaya naman kanyang pinaspasan ang pagtatrabaho. Sa mga sumunod na araw ay si Ben ang nauunang pumasok—yaong diyanitor na siyang nagbubukas ng kanilang opisina sa ikapito't kalahati pa lamang ng umaga ay nagpasyang ibigay sa kanya ang susi rito matapos na mapansing nitong huling mga araw ay laging kalahating oras nang naghihintay si Ben sa tuwing darating siya. Si Ben din ang kahuli-hulihang umaalis ng opisina; laging mag-iikawalo na kung siya'y umalis, at kaya lamang niya naiisipang umalis ay kung nararamdaman niyang malapit na siyang malipasan ng gutom.

Pagkakuha ng kanyang suweldo ay nagpaalam siyang magbabakasyon na.

"Sige," sabi ng puno ng kanilang departamento. "Pero ang aga naman yata. Di mo man lang ba hihintayin ang Christmas party? Sa San Lucas lang naman kayo, di ba?"

"E, Bos, medyo excited na po kasi 'kong umuwi. Isipin n'yo naman, mag-e-eight months na 'kong di nakakauwi."

"Okey lang naman kahit na hindi mo hintayin ang Christmas party, kaya lang, mami-miss ka namin do'n," pangiti ngunit halatang may kalungkutan nitong sagot. "Kelan ang balik mo? Sa San Lucas ka lang naman, di ba, mga three hours lang from Manila?"

"Kung p'wede po sana, pagkalipas na ng Bagong Taon."

"Puwede naman. Ang dami na namang natapos sa department natin, e. Kaya pala palagi kang nag-o-overtime lately, ha."

Nagkatawanan sila.

"O, sige, merry Christmas na lang, Ben. Happy New Year na rin."

"Sige, Bos, merry Christmas, happy New Year din po. See you after the holidays na lang po."

Pagkakain ng hapunan ay dali-daling inimpake ni Ben ang kanyang mga gamit. Dumiretso siya sa himpilan ng mga bus na patungong San Lucas. Doon na siya magsi-Simbang Gabi. Sana'y maisama niya si Melang sa pagdalo sa mga misa.

Sa radyo ng bus, masuyo bagama't may kaunting kalungkutan ang tinutugtog na awit: "You're all I want for Christmas..." Naiisip ni Ben na sana'y siya ang lumikha ng kantang iyon.

Sa kung aling bahagi ng expressway, nakatulog si Ben matapos ang mahigit sa sampung minutong minutong pagbubulong ng mga mura sa kabagalan ng trapik. Ang gumising sa kanya ay ang sunud-sunod na pangangalabit ng kunduktor na nagsasabing San Lucas na, San Lucas na. Tiningnan niya ang kanyang relo; may apat at kalahating oras din ang lumipas mula nang siya'y sumakay sa bus.

San Lucas na! Walong buwan din siyang hindi nagawi rito. Oo nga't nakasusulat siya sa mga tagarito, ngunit madalang nga at may kabagalan ang pagpapalitan ng mga liham, at sabihin pa'y iba ang makasama mo nang personal ang mga taong malapit sa iyo. Makakasama na rin niya ang mga magulang at kapatid. Makakasama na rin niya si Melang.

A, bagama't ilang araw pa bago mag-Pasko'y natitiyak na niyang magiging masaya ang Pasko niya. Lalo na kung magkakasama silang dumalo sa panghatinggabing misa sa bisperas. A, gabi man ngayo'y pupuntahan niya sa dampa si Melang, at yayayain niya itong magsimba sila mamayang madaling-araw.

Nakaramdam siya ng pagkagutom at pagkauhaw. Tinalunton niya ang kalsadang kinaroroonan ng paborito niyang kainan sa San Lucas, ang gotohan ni Mang Tonyo, na ang kahanay ay matatanda't malalaking bahay. Sa tapat ng isa sa mga bahay na ito'y huminto at bumusina ang isang magarang awto, na walang tinte ang mga bintana. Nakasindi ang ilaw sa loob, at hinding-hindi siya maaaring magkamali—si Melang ang babaeng katabi niyaong may kagulangan nang lalaking nasa likod.

"Melang!"sigaw niya, na dahilan kung kaya marami ang naglabasan ng gotohan. Subalit paano siya maririnig niyaong nasa loob?

May nagbukas ng tarangkahan, at ang awto'y pumasok na sa bakuran.

Tumakbo si Ben, at nakasapit siya sa tapat niyaong bahay pagkasarang-pagkasara niyaong tarangkahan. Sumilip siya sa tatlong magkakatabing maliliit na butas na ginawa hindi upang masilipan ng mga panauhin kundi upang masilip ng mga alila roon kung sino yaong tumitimbre at nang malaman kung papapasukin o hindi. Nakapulupot ang bisig niyaong lalaki sa balakang ni Melang, na pinupupog nito ng halik sa pisngi, sa tainga, sa leeg. Mula sa balakang ay dumako pataas ang kamay niyaong lalaki.

"Melang!"

Nakita niyang mula sa loob ay tumingin si Melang sa dakong tarangkahan, datapwat inakay na ito niyaong lalaki papasok sa bahay, at silang dalawa'y naglaho sa kanyang paningin.

Pinagtatadyakan ni Ben ang tarangkahan. "Melang, Melang!" Tadyak, tadyak, suntok, patalong paghampas ng balikat. "Melang, lumabas ka rito!"

Tumama ang biglang bumukas na tarangkahan sa katawan ni Ben, at siya'y nabuwal sa aspalto. Pagtingala niya'y bunganga ng pistola ang una niyang nakita.

"Putang ina mo, sabog ang mukha mo pag di ka tumigil d'yan!" wika ng may katipunuang lalaking may hawak ng pistola.

Tahimik na dinampot ni Ben ang kanyang bitbit na bag. Tumitig siya sa lalaking may pistola, na pamaya-maya'y pumasok sa bakuran at padabog na isinara ang tarangkahan.

Sa isang beerhouse na katapat ng gusali ng pamahalaang-bayan at halos ay katabi niyaong himpilan ng pulisya, humahagulhol na nagtungo si Ben upang doon lunurin sa kalasingan ang sama ng kanyang loob. Sa simula'y tatlong boteng serbesa ang kanyang hiniling, na naging lima, pito, walo, siyam.

Umiikot na ang paningin ni Ben. Yaong mga babaeng unti-unting naghuhubad habang marahang sumasayaw sa saliw ng "Magdalena" ni Freddie Aguilar ay paraparang kamukha ni Melang.

Naglabas siya ng ilang pirasong perang papel na hindi niya binilang kung magkano, at pinapatid nang pinapatid ng di-nakikitang mga paa, lumabas siya sa kalsada.

"Sukli mo, Pare," narinig niyang sigaw sa bandang likuran niya.

"Hhoy, syukli mo rhaw," wika niya sa isang nasalubong na pulubing paslit.

Kahima't naglalaho ang paningin, hindi nalingid sa kanya ang hitsura niyaong babaeng lumitaw sa kalsadang kanyang pinanggalingan ilang oras na ang nakararaan. "Mheelaaaang!"

Tumingin sa kanya si Melang, datapwat dagling nabawi ang tinging iyon. Sumakay si Melang sa unang traysikel na pumara sa harapan nito.

Sa bandang likuran, si Ben ay nakarinig ng isang traysikel. Humarang siya sa dinaraanan nito, at nang ito'y magsimulang lumikong bahagya ay sinundan niya ang liko nito. Huminto ang tsuper. Tinangka niyang sumakay, subalit itinulak siya ng dalawang malakas na bisig.

"'Tang ina mo, pag iinom ka, sa t'yan ang tuloy, 'wag sa ulo," wika ng isang tinig na di niya kilala.

"E thang inah mo rhin, ano baaang phakhelam moh kung phaaanoh kho umhinohm?" Muli siyang nagtangkang pumasok, at siya'y biglang naduwal sa damit niyaong mama sa loob. Nakaramdam muli siya ng isang malakas na tulak. Sa paningin niyang wari'y nakalublob sa tubig, nakita niyang bumaba yaong mamang nagsasabing putang ina, putang ina talagang buhay naman ito, oo.

Inupan niya ang nalikha niyang kalat-kalat na suka sa loob ng traysikel. Itinuro niya sa tsuper ang pupuntahan.

Pagbaba niya sa harap ng dampa nina Ka Isko, agad niyang napansing wala ang kalabaw na ginagamit nito sa pagsasaka. May narinig siyang walang patid na pagdahak ng isang hindi na batang lalaki mula sa loob. Lumapit siya sa gilid niyaong dampa at sa pamamagitan ng mga daliring iba ang nais na ikilos kaysa sa gusto niyang ikilos ng mga ito, lumikha siya ng isang munting siwang sa pawid. Sa paglapit ng mga mata niya'y napansin niya ang napakalaking ipinayat ni Ka Iskong walang patid ang pagdahak na para bang butas na ang mga baga.

Umikot ang kanyang paningin at siya'y nabuwal sa lupa. Ngunit malinaw niyang narinig sa loob ang tinig ni Melang: "Sige na po, T'yo Isko, pahinga na po kayo, bukas, bibili na po ako ng gamot n'yo, may pambili na po tayong gamot sa tibi n'yo, pahinga na po kayo." Wala pa ring patid ang pagdahak ni Ka Isko.

Sa madilim na yungib ng kalasingan ni Ben, may sumulpot na isang sinag ng kaliwanagan. Putang ina talaga, gusto niyang isigaw. Putang ina talaga.

"Ano ba, Bos, di ka pa ba magbabayad? Sinukahan mo na 'tong sasakyan ko, ang tagal mo pa d'yan. Mahiya ka naman."

Sumakay na muli sa traysikel si Ben. "Dhon thayo sya theerminal ng pha-Mhaynhilah. Dhon nah kho mhagbhabhayad."

Nagsisimula pa lamang umalis ng San Lucas ang bus na sinakyan ni Ben ay tanong na siya nang tanong, malakas, dinig ng lahat ng pasahero, kung bakit ba, putang ina, bakit ba napakalayo ng Maynila, putang ina talaga, bakit ba ang layo.

---------------
Si Alex isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan