| Alipato |
 |
| Alexander
Martin Remollino |
SA ISA sa pinakabago niyang mga artikulo, ipinanawagan ng kolumnista
ng Philippine Daily Inquirer na si Conrad de Quiros na ang
aPngulong Gloria Macapagal-Arroyo ay tanggalan ng tungkulin sa pamamagitan
ng impeachment.
Sang-ayon kami sa kanyang panawagan, at ngayo'y tahasan naming idinaragdag
sa kanyang panawagan ang aming tinig.
Matatandaang noong mga huling bahagi ng taong nagdaan ay nagpahayag
si Macapagal na siyamnapu't lima sa bawat isang daang Pilipino ay
tutol sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno
ng Republika ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines-New
People's Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Di tulad ng
madalas niyang gawin, hindi siya nagbanggit ng anumang institusyong
nagsagawa ng sarbey; basta't lumabas daw sa isang sarbey na siyamnapu't
lima sa bawat isang daang Pilipino ay sang-ayon sa panukalang all-out
war laban sa CPP-NPA-NDF. Ginamit niya ang sarbey na ito upang pangatwiranan
ang hindi pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Hindi pa lubusang napapawi ang alingasngas na dulot ng usaping ito,
hayun at ang napakagiting at napakatalinong Pangulo ay nagpahayag
sa harap ng buong sanlibutan na kung didigmain ng Estados Unidos ang
Iraq ay handa siyang ipagamit sa mga sundalong Amerikano ang ating
himpapawid. Dahil sa pagtutol ng iba't ibang sektor ay napilitan siyang
bawiin ang alok na ito, ngunit nagsabi pa rin siyang nakahanda ang
kanyang pamahalaan na tumulong sa pakikidigma ng Estados Unidos sa
pandaigdigang terorismo—kung saan itinuturing na bahagi ang
ipinagpipilitang panukalang lusubin ang Iraq.
Nagkaroon sa Pilipinas at maging sa ibang bahagi ng daigdig kung
saan may mga Pilipino ng iba't ibang kampanya upang tutulan ang panukalang
all-out war laban sa CPP-NPA-NDF. Marami ang kumilala sa pagkalehitimo
ng ipinaglalaban ng CPP-NPA-NDF at nanawagan sa mapayapang paglutas
sa mga ugat ng insurhensiya. Napilitan ang pamahalaan na magdeklarang
pinag-aaralan nila ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Ngunit hindi binabawi ang pagbansag sa CPP-NPA-NDF bilang isang grupong
"terorista," at ipinipilit ng pamahalaang ito'y pumirma
sa isang "kasunduang pangkapayapaang" walang nilalaman kundi
ang pagsusuko ng sandata, at walang tadhana sa paglutas sa mga ugat
ng labanan.
Samantala, sa gitna ng halatang kawalan ng katibayan ng pagkakaroon
ng Iraq ng mapaminsalang mga sandata, na siyang pangunahing ikinakatwiran
ng Esdados Unidos sa panukalang lusubin ang bansang nasabi, nagpahayag
si Macapagal na ang Iraq ay dapat na magdis-arma—isang kapahayagan
ng tahasang pagtangkilik sa pakikidigmang ninanasa ng Estados Unidos.
Sa Cotabato noong kalagitnaan ng Pebrero ay nagsimulang sumalakay
ang militar sa Pikit, North Cotabato upang diumano'y tugisin ang grupong
bandidong Pentagon. Ngunit walang nahuhuling kasapi ng Pentagon at
sa halip ay mga kinaroroonan ng Moro Islamic Liberation Front ang
sinasalakay sa kabila ng pag-iral ng tigil-putukan sa pagitan nito
at ng pamahalaan. Sa kabila ng kanyang kapangyarihang pigilin ang
kaguluhan ay walang ginagawa ang napakagiting at napakatalinong Pangulo,
at ginagatungan pa niya ang sigalot.
Bukod pa rito, ang pamahalaan ay walang salaping mailaan sa serbisyong
panlipunan tulad ng kalusugan at edukasyon, ngunit may napakaraming
perang naipalalamon sa militar na walang magawa kundi umutas ng mga
taong hindi kaaway ng bayan.
Ang lahat nito'y labag sa Artikulo II, Seksiyon 2 ng Saligang Batas,
na nagsasabing: "Ang Pilipinas ay nagtatatwa sa digmaan bilang
kasangkapan ng patakarang pambansa, kumikilala sa malawakang tinatanggap
na mga simulain ng pandaigdigang batas bilang bahagi ng batas ng bansa
at naninindigan sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay,
katarungan, kalayaan, pagtutulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat
ng bansa." Ang sadyang paglabag sa Saligang Batas ay isa sa mga
batayan ng pagsasalang sa isang Pangulo sa tribunang impeachment.
Matibay ang batayan upang ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay
isalang sa tribunang impeachment.