ISANG ARAW matapos na mapatalsik ang rehimeng Marcos, isa sa mga
pangunahing lumaban sa diktadura ang nagdiwang ng kanyang ika-64 na
kaarawan: si Jose Wright Diokno. Ka Pepe kung tawagin ng mga nagmamahal
sa kanya, nakatala siya sa aklat ng ating kasaysayan bilang isang
makabayan, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at tagapagsulong ng
makatarungang kapayapaan.
Apo
siya ni Ananias Diokno, isang bantog na heneral sa rebolusyonaryong
hukbo noong mga digmaan laban sa Espanya at Estados Unidos. Ang ama
niyang si Ramon Diokno ay isang hukom na kasal sa mestisang Amerikanang
si Leonor Wright.
Bukod sa pagtataglay ng lubhang pambihirang talino, naging napakahusay
na mag-aaral si Ka Pepe.
Nanguna siya sa kanyang mga klase sa elementarya at haiskul.
Tinapos niya ang Komersiyo sa De La Salle College bilang summa cum
laude sa gulang na 18. Nagtamo siya ng pinakamataas na marka sa pagsusulit
ng mga may nasang maging certified public accountant sa taon ding
nagtapos siya, subalit sapagkat siyang itinatadhana ng batas, kinailangan
niyang hintayin ang kanyang ika-21 kaarawan bago niya makamit ang
kanyang lisensiya.
Sa Unibersidad ng Santo Tomas, saglit siyang kumuha ng mga kurso
sa abugasya. Ngunit ang kanyang pag-aaral ng batas ay ipinagpatuloy
niya sa tanggapan ng kanyang ama, kung saan siya naglingkod bilang
mananaliksik. Sa bisa ng isang natatanging pahintulot mula sa Kataas-taasang
Hukuman (maaaring kumuha nito noon), nakakuha siya ng pagsusulit ukol
sa pag-aabugado. Nakamit niya ang markang 95.3%; kahati niya sa pinakamataas
na marka si Jovito Salonga, na may apat na taong nag-aral ng abugasya
sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ang pambihirang talino at mataas na pinag-aralan ni Ka Pepe ay iniukol
sa paglilingkod sa bayan.
Sa panahon ng mga dating Pangulong Ramon Magsaysay at Carlos Garcia,
nanguna si Ka Pepe sa mga imbestigasyon sa mga anumalya sa pamahalaan.
Naging Kalihim ng Katarungan si Ka Pepe sa panahon ng pagka-Pangulo
ni Diosdado Macapagal. Bilang Kalihim ng Katarungan, nanguna siya
sa pag-usig kay Harry Stonehill, na napabalitang nanunuhol sa mga
opisyal ng pamahalaan kapalit ng paglikha at pagpapatupad ng mga patakarang
taliwas sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Nahalal si Ka Pepe sa pagka-Senador noong 1963, at muling nahalal
sa katungkulan ding ito noong 1968. Bilang Senador, masugid niyang
tinutulan ang pagpapapanatili sa mga base militar ng Estados Unidos
sa Pilipinas at ang sabwatan ng mga kumpanya ng langis.
Bago pa man nagpahayag ng batas militar si Ferdinand Marcos ay paulit-ulit
siyang nagbabala laban sa unti-unting paggapang ng pasismo. Nang suspindihin
ang pribilehiyo ng kasulatan ng habeas corpus noong 1971, tumiwalag
siya mula sa Partido Nacionalista—ang partido nila ng noo'y
Pangulong Marcos—at siya'y sumapi sa Movement of Concerned Citizens
for Civil Liberties at lumahok sa mga kilos-protesta laban sa awtoritaryanismo.
Nang ipahayag ang batas militar, isa si Ka Pepe sa mga unang dinakip.
Dalawang taon siyang nabilanggo.
Matapos siyang palayain, agad niyang itinatag ang Free Legal Assistance
Group, isang pangkat ng mga abugadong nagbibigay ng walang bayad na
tulong-ligal sa mga dukha at mga biktima ng paglabag sa karapatang
pantao.
Samantala, ipinagpatuloy niya ang paglahok sa mga pagkilos laban
sa rehimeng Marcos.
Noong 1986, itinalaga siya bilang pinuno ng Presidential Committee
on Human Rights at negotiating panel ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas
(GRP) sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng Communist Party
of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front. Bilang
pinuno ng negotiating panel ng GRP, binalangkas niya ang isang programa
sa kapayapaang nakabatay sa tunay na kalayaan, katarungang panlipunan,
at paggalang sa karapatang pantao. Di magtatagal ay bibitiwan niya
ang dalawang katungkulang ito bilang pagtutol sa mga paglabag sa karapatang
pantao, lalo na sa Masaker sa Mendiola, sa ilalim ng pamahalaang Aquino.
Si Ka Pepe ay kinitil ng kakila-kilabot na kanser noong 1987.
Sa susunod na mga halalan, kapag may kandidatong lumapit sa atin
at nag-aalok ng ilang daang piso kapalit ng ating boto, isipin natin
ang mga tulad ni Jose "Ka Pepe" Wright Diokno. Isipin natin
kung kapag naluklok kaya sila'y gagawin nila ang mga ginawa ni Ka
Pepe alang-alang sa ating bayan.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.