ANG TSUBIBO ay paikut-ikot, kaya't ang nakasakay rito ay pabalik-balik
sa kanyang pinanggalingan, at matapos ang ilang sandali'y walang kinahihinatnan
kundi ang kanya ring pinanggalingan.
Ganito rin ang digmaang agresyon ng Estados Unidos. Paulit-ulit ito—laging
kung anong dakilang layon ang idinadahilan sa pagsasagawa nito, ngunit
wala itong kinauuwian kundi ang pagkawala ng mga kalayaan ng mga bayan
at pagyurak sa mga dangal ng mga walang salang mamamayan saanman magnasang
manalasa ang dambuhalang limbas.
Kaya naman pinamagatang American Tsubibo ang isang palatuntunang
inorganisa nitong Marso 5 ng College Editors Guild of the Philippines
at Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) sa pakikipagtulungan
ng iba't ibang mga alagad ng musika, panitikan, at pabatirang madla.
Ang naging tema ng palatuntunang ito ay paggunita sa dekada 1970.
Sa naturang dekada naganap ang kainitan ng mga pagtutol sa digmaang
agresyon ng Estados Unidos laban sa Biyetnam, na noo'y nakikibaka
sa mga alagad ng pasistang rehimeng Ngo Dinh Diem.
Ang diwa naman ng naging palatuntunan sa Mayric's España nitong
Marso 5 ay paggunita sa Digmaang Biyetnam bilang pagtutol sa nagbabantang
digmaan sa Iraq.
Umalingawngaw nang gabing iyon sa Mayric's España ang mga
kanta ni Bob Marley, isa sa mga musikerong nakilala sa pakikibaka
alang-alang sa kalayaan at karapatang pantao noong dekada 1970. Subalit
bukod sa kanyang mga kanta, ang mga orihinal na kantang tumatalunton
din naman sa diwa ni Bob Marley ay ipinarinig ng mga musikerong nagsipagtanghal
doon.
Sari-saring grupo at banda mula sa iba't ibang pamantasan tulad ng
Unibersidad ng Pilipinas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas,
Unibersidad ng Santo Tomas, at iba pa ang nagsitugtog doon. Naroon
ang grupong Alay Sining at mga bandang Pula, Bersus, Lady Bedspacers,
Kantula, at iba pang kabataang banda. May sarili ring pagtatanghal
ang Karatula.
Datapwat di lang mga banda ang naroon.
Nagbigkas din ng tula ang iba't ibang manunulat, kabilang ang bantog
na si Richard Gappi, na mula pa sa panahon ng kanyang pag-aaral sa
Unibersidad ng Plipinas magpahanggang ngayon ay isang masigasig na
aktibista.
Ang Southern Tagalog Exposure, isang kooperatibang nagsusulong ng
pagpapalaganap ng alternatibong pabatiran sa Timog Katagalugan, ay
nagtanghal ng isang dokumentaryo tungkol sa paulit-ulit na mga kabulastugan
ng Estados Unidos mula nang sakupin nito ang Pilipinas, Cuba, at Puerto
Rico noong mga huling bahagi ng ika-19 dantaon—pati ang mga
kaakibat na iba pang paglabag sa karapatang pantao ng mga ito. Maliwanag
na naipakita ng naturang dokumentaryo, Ang Kaaway, na ang mga pananakop
ng Estados Unidos sa nakalipas na mahigit sa isang daang taon ay di
dala ng diumano'y marubdob na nasang ipagtanggol ang demokrasya kundi
dulot ng hangaring pagharian ang kabuhayan ng buong daigdig.
Ang mga artista sa mainstream kadalasa'y hindi magbabahagi ng kanilang
mga talento kundi babayaran ng halagang katumbas ng sahod ng isang
manggagawa sa sampung buwan ang pagtatanghal sa isang gabi.
Ibahin ninyo ang mga kabataang artistang naging bahagi ng American
Tsubibo nitong Marso 5. Alam nilang ang paninindigan alang-alang sa
makatarungang kapayapaan ay di dapat ipagbili.
---------------