MATAPOS NA sumali sa maghapong rali sa Luneta noong Pebrero 28, dumiretso
ako at ilang kasama sa Likha-Diwa, isang kainan malapit sa Krus na
Ligas, upang dumalo sa huling gabi ng Bukambibig sa UP. Nangako kasi
akong magbibigkas ng tula nang gabing iyon.
Ang dinaluhan ko noon sa Likha-Diwa ay ang Bukambibig, ang cultural
summit ng Bukambibig sa UP. Ito ang huling bahagi ng nabanggit na
serye ng mga gawaing tumagal nang may isang buwan, na inorganisa ng
UP Writers Club, UP Ugnayan ng Manunulat (UP Ugat), at UP Quill sa
pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts
(NCCA). Ang Bukambibig sa UP ay may layuning palaganapin ang higit
na pagpapahalaga sa panitikan at sining.
 |
| Si Ronalyn Olea of the College Editors
Guild of the Philippines ang nagwagio ng unang gantimpala saLove
Out Loud. |
May apat na bahagi ang seryeng itong tumagal nang may isang buwan.
Una'y ang paglalabas ng mga tinatawag na literary zine, maliliit
na publikasyong limbag na naglalaman ng maiikling kuwento mula sa
UP Ugat at UP Quill. Ang inilabas ng UP Ugat ay pinamagatang Ambisyoso,
isang pagpapakilala ng nalalapit na nilang ilabas na literary folio;
ito ay may dalawampung pahinang naglalaman ng labintatlong tula at
dalawang maikling kuwento. Ang sa UP Quill naman ay pinamagatang Talula,
na may walong pahinang naglalaman ng dalawang tula sa Pilipino at
tatlong tula sa Ingles. Ipinamahagi nang walang bayad ang mga ito
at ipinamigay sa iba pang mga programa ng Bukambibig sa UP.
 |
| Eksibit ng maikling kuwentong
"Nasaan si Maya Andrada?" |
Ikalawang bahagi sa seryeng ito ang Love Out Loud, isang timpalak
sa pagbigkas ng mga tulang tungkol sa pag-ibig. Ginanap ito sa Crowded
House noong Pebrero 21. Labing-apat na makata mula sa UP, Ateneo de
Manila, PUP, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), UP Manga-Anime
Enthusiasts, at iba pang organisasyon at institusyon ang lumahok sa
timpalak na ito. Nagbigay rin ng pagtatanghal si Adam David ng UP
Writers Club, si Ricardo Fernando ng Linangan ng Imahen, Retorika
at Anyo (LIRA), si Marlon Villegas ng PUP, at ang Luneta Freedom Collective.
Ang timpalak na ito'y umakit ng mga manonood mula sa iba't ibang kolehiyo
ng UP, gaya ng College of Education, College of Social Sciences and
Philosophy, at College of Business Administration; at mula rin sa
iba't ibang pamantasan tulad ng Ateneo at PUP. Nagwagi ng unang gantimpala
ang kaibigan ng Tinig.com na si Ronalyn Olea, Pambansang Tagapangulo
ng CEGP at manunulat sa Bulatlat.com; ang nagwagi ng ikalawang gantimpala
ay si Mikael Co, at ang ikatlong gantimpala nama'y napunta kay Don
Clarence Cruz.
Ang ikatlong bahagi ng Bukambibig sa UP ay ang eksibit ng maikling
kuwentong "Nasaan si Maya Andrada?" na tungkol sa isang
piksiyunal na tauhang nagngangalang Maya Andrada, isang estudyante
ng Kolehiyo ng Inhinyeriya sa UP na dinukot ng mga armadong lalaki
noong Enero 2003, sa Bulwagang Rizal ng UP. Ang kuwento ay nabuo sa
anyo ng pinapagsama-samang "testimonya" mula sa mga taong
nakakikilala kay Maya Andrada. Bawat "testimonya" ay nilakipan
ng magagandang guhit at larawan ng mga tauhang nagsasalita. Ang eksibit
ay nagtampok ng mga likha ng mga manunulat at alagad ng sining-biswal
mula sa UP, UST, at Tinig.com. Pinalad ang inyong lingkod na mapasama
ang kanyang akda sa eksibit na ito, kahanay ng mga akda nina Vlad
Gonzales, Mykel Andrada, Christine Ongpin, Anna Felicia Sanchez, at
Adam David.
At huli ngang bahagi ng seryeng ito ang Bukambibig. Isa itong gabi
ng pagtatanghal ng mga tula at kanta mula sa iba't ibang kabataang
makata, kuwentista, at manunugtog. Lumahok dito ang mga institusyon
at pangkat na gaya ng LIRA, CEGP, Tinig.com, Thomasian Writers Guild,
Dramatis Personae, Alay Sining, at mga banda at indibidwal na manunulat
at musikero. Mayroon pang dumalo mula sa Karapatan, isang alyansa
ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao.
 |
| Ilan sa mga dumalo sa Bukambibig sa Likha
Diwa. |
Isang buwan ngang tumagal ang Bukambibig sa UP. Nagtagumpay ito sa
layuning palaganapin ang higit na pagpapahalaga sa panitikan at sining.
Bagama't mga organisasyon sa UP ang nagpasimuno nito sa pakikipagtulungan
sa NCCA, nakahatak ito ng mga manonood mula sa iba pang mga pamantasan
tulad ng Ateneo, La Salle, UST, at PUP. Malawak ang naabot ng mensahe
nitong ang panitikan at ang sining ay bagay na dapat paglaanan ng
panahon.
Natutuwa ako't naging bahagi ako ng Bukambibig sa UP.
---------------
Si Alex isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat
sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan
at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.