NITONG NAGDAANG Pebrero 6 ay inilunsad ang bagong edisyon ng Days
of Disquiet, Nights of Rage ni Jose F. Lacaba. Ang aklat na ito'y
unang inilabas ng Salinlahi Publishing House noong 1982. Ang ikalawang
naglabas nito ay ang Asphodel Books, pagkaraan ng apat na taon.
Sinulat sa wikang tinatawag na "Bagong Peryodismo," "pampanitikang
peryodismo," at "malikhaing di-katha," itinatala ng
Days of Disquiet, Nights of Rage ang mahahalagang kaganapan sa
kabanata ng ating kasaysayang kung tawagin ngayon ay ang Unang Sikapat
o First Quarter Storm (FQS) ng 1970. Ang aklat ay koleksiyon ng mga
artikulong nalathala sa iba't ibang panahon sa Philippines Free Press
at sa Asia-Philippines Leader, kung saan ang may-akda'y nagtrabaho
bilang kagawad na manunulat at pagkatapos ay patnugot.
Sa unang tatlong buwan ng 1970, ang Kamaynilaan ay niyanig ng sunud-sunod
na mga dambuhalang demonstrasyon-kung saan ang karamihan sa mga lumahok
ay mga kabataang babae't lalaking itinuturing ng may-akda na "pinakamakikinang
na talino" ng kanyang henerasyon, na karamihan ay binahiran ng
karahasan. Panahon iyon ng pinakamaiigting na pagtutol sa mga tendensiyang
pasista ng rehimeng Marcos—na noo'y masigasig na tinatangkilik
ng Estados Unidos—sa walang habas na katiwalian sa pamahalaan,
at sa malawakang inhistusyang panlipunang kinatatampukan ng di-patas
na pagbabahagihan ng yaman at ng piyudal na pagsasamantala sa masa.
Ang paghingi ng sambayanan ng tunay na kalayaan at katarungang panlipunan
at ng isang tunay na makamamamayang pamahalaan ay sinalubong ng kapulisan
ng pinakamalalang kahayupan. Karaniwan sa mga demonstrador na walang
sandata ang paluin ng truncheon o, higit pa, ang paputukan. Ang paglusob
sa Mendiola noong Enero 30, 1970—na ibinunsod ng isang lubhang
makatarungang pagkapoot ng mga kabataang babae't lalaki—ay nag-iwan
ng apat na raliyistang patay at dose-dosenang halos nalamog sa pagkakagulpi.
Lahat nito'y naitala ng aklat ni Lacaba—at sa napakaeksaktong
paraan, pagkat sinulat ito ng isang hindi nagmamasid lamang mula sa
mga bangketa kundi nasa kakapalan ng mga pangyayari.
Ang may-akda noo'y laging nasa hanay ng mga demonstrador: nakikinig
sa kanila, nakikipag-usap sa kanila. Hindi niya itinali ang kanyang
sarili sa paghihintay ng matutunog na pangungusap mula sa mga tagapagsalita;
hinayaan niya ang mga di-kilalang demonstrador na ipaliwanag sa mundo
kung bakit inilalagay nila sa panganib ang kanilang mahahalagang buhay
sa pamamagitan ng pagsama sa mga demonstrasyon. Sapagkat siya noo'y
nasa kakapalan ng mga pangyayari, malinaw ring nakita ni Lacaba kung
ano ang hitsura ng mga demonstrador, kung paano sila umasal, at kahit
kung paano sila magbihis; at malinaw niyang narinig kung paano sila
magsalita—at sinulat niya ang lahat nito kung paano niya nakita
at narinig. Kung kaya't ayon nga kay Quijano de Manila, na sumulat
ng paunang salita, "Nakikita mo ang mga mukha, naririnig mo ang
mga tinig."
Kakaunting manunulat ang nagtagumpay na tulad ni Lacaba sa mga artikulo
sa aklat na ito sa paglalarawan ng kahayupan ng kapulisan. Ang mga
artikulo'y walang pangimi sa pagpapakita ng kung kung paano gulpihin
ng mga pulis ang mga demonstrador kahit na wala nang kakayahang magtanggol
pa ang mga ito. May bahaging nagsasalaysay ng kung paanong ang isang
binatilyong nagngangalang Enrique Sta. Brigida ay napalibutan ng ilang
pulis at, walang sandata at walang kakayahang magtanggol, ay pinagpapalo
hanggang sa mamatay.
Datapwat kung ang aklat ay walang pakundangan sa paglalahad ng lupit
ng dinanas ng mga naninindigan sa ngalan ng kalayaan at katarungan
sa kamay ng mga dapat na magtaguyod ng mga ito, matapat din ito sa
pagpapakita ng kung paanong ang mga tinutugis ng mga alagad ng batas
dahil sa ligal na paggamit ng kanilang mga karapatan ay nagkamit ng
pagdamay mula sa mga taong ni hindi na nila nakuhang itanong ang mga
pangalan—yaong mga nasa mga bahay sa paligid ng mga demonstrasyon.
Madalas na ang mga kabataang tinutugis ng mga pulis ay nakatatagpo
ng mga pintong bukas sa kanila.
Hindi nanahimik ang aklat tungkol sa mga kalabisang nagawa ng ilang
nasa hanay ng mga demonstrador, lalo na ang pangingikil sa mga maglalako
sa lansangan at ang paninira ng ari-arian ng mga walang kinalaman
sa kanilang mga nilalabanan. Subalit ang may-akda ay hindi naging
padalus-dalos sa paghuhusga; hinayaan niyang magpaliwanag ang mga
demostrador, at sa pamamagitan nito'y nalaman niyang ang ganitong
mga gawain, kundi man kagagawan ng mga elementong nagnanasang siraan
ang kilusang aktibista, ay gawa niyaong nakakita na ng maraming paniniil
at, di pa gaanong mataas ang pampulitikang kamulatan, ay nakakita
sa mga demonstrasyon ng pagbubuhusan ng kanilang makatarungan namang
pagkapoot.
Isinasalaysay rin ng aklat ang ilang pangyayari bago ang FQs at pagkatapos
nito, tulad ng mga witch hunt ng Kongreso sa mga aktibista, ng mga
pagkilos laban sa pagkakasangkot ng Pilipinas sa Digmaang Biyetnam,
ng pagpatay sa organisador-manggagawang si Lisa Balando, at ng panggugulpi
sa mga demonstrador sa Kalookan.
Ang tanging kapintasan ng aklat ay isang bagay na makailan nang inamin
ni Lacaba—at muli niyang inamin sa kanyang talumpati nang ilunsad
ito—ang "di-patas" na pagtingin sa kabataang martir
na si ERdgar Jopson, na mula sa pagiging isang di-radikal na lider-estudyante
ay naging isang radikal na organisador-manggagawa, dinakip at pinahirapan
nang husto, at napaslang bilang isang mataas na opisyal ng rebolusyonaryong
kilusang lihim.
Ang Days of Disquiet, Nights of Rage ay isang napakainam na sanggunian
sa kabanatang iyon ng ating kasaysayang kung tawagin ay ang FQS.
Walang pagkakaiba ang ikatlong edisyon sa una at ikalawang edisyon,
liban sa pagkakaroon ng mga litrato at mga pasasalamat na noo'y "di
inintindi" ng may-akda.
Lubhang napapanahon ang pagdating ng edisyong ito. Maraming kabataan
ng ating panahon ang nag-aakalang ang bansa nati'y nangangailangan
ng isa pang Ferdinand Marcos, walang alam kung paano ang buhay noong
panahon niya. Ipinakikita ng aklat na ito ang ilang bahagi ng buhay
noong panahong iyon.
---------------
Salin ng isang artikulong lumabas sa BNext noong Pebrero 10-15, 2002.