NSapagkat simpleng kabataan tayong nangangarap
ng mga hindi simpleng bagay,
sinusuong natin ang komplikadong pagsisikap
sa daan ng paglilingkod at pag-aalay.
Nais nating bigyang tinig
ang laksa-laksang pinagkaitang makapagsalita,
nais nating bigyang hugis
ang libu-libong mukhang sa kawalan ikinubli.
Inaararo natin ang tigang na lupa ng kamangmangan,
tinatagpas ang mga dawag at tinik ng pagsasamantala
upang maipunla sa bawat puso ang binhi
ng tunay na dunong at pag-asa,
at nang lumago sa bawat isipan ang diwa ng tunay na paglaya.
Tiyak na aanihin natin ang maunlad at matatag na lipunan
kung saan sabay ang pag-iral ng kasaganaan at katarungan.
---------------