Namimintog ang iyong mga ugat
sa matitipunong braso.
Halos pumutok ang iyong mga bisig
sa ehersisyo ng pagmamaneho.
Hawak mo ang buhay ko
sa mahabang biyaheng lansangan,
inaabangan ang bawat kurba,
alintana ang paspas ng iba.
Sabi mo, nagtatampo ang iyong asawa.
Wala ka sa kanyang piling
nang magluwal siya ng uha.
Ibinabiyahe mo pa kasi
ang pambayad sa ospital.
Babae ang inyong bunso.
Ipaglalaba ng iyong misis
ang sususuhin ng sanggol.
Nakatali ka sa manibela ng iba.
Kabisado mo ang bituka ng Maynila
pero kailanma'y di nasumpungang
tawaging hari ng lansangan.
Umaalingasngas ang mga gulong
sa pakikiapid sa lansangan.
Maliligaw ka, sabi mo,
pag pumanaw ang alinsangan.
---------------
Si Mykel ay bokalista ng bandang "Petroleum Kelly." Dati
siyang Kultura Editor ng Philippine
Collegian. Mahilig siya sa Pusa.