v26
Pebrero 1-15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

TULA
May Pitong Taon Ka Nang Namahinga

May pitong taon ka nang
namahinga,
kaibigang Jhaymez Asuncion, lider-estudyante,
taga-Bangkal, Carmona, Cavite.
Hinangad mong mas tulungan
ang kapwa
hanggang sa
di sinasadya na
mabundol ka sa sinasakyan mong dyip pauwi,
noong ika-13 ng Enero, 1996 isang umaga.

Habang nagpipiyesta ang mga ganid na kapitalista-edukador
kasabwat ng mga kolaboreytor
sa pinagpasasaang dambuhalang tubo
na tinuligsa mo noon-
ang luhang itinulo ng mga kaeskuwela mo
ay mabilis na natutuyo
at naninikit sa nagsisikip naming dibdib
sa kawalan ng kinabukasan.

May dalawang taon nang mahigit
nang ang pananaw mo sa lumalalang kalagayan
ng kolonyal at elitistang edukasyon
ay humihiwa at tumatarak sa aming kuru-kuro,
bumabayo at pumapalo
sa pangangailangang maisambulat.

Habang inaakay kami sa nakasusulasok
na layon ng mapagsamantalang uri
patungo sa bilangguan ng mga api
na tinutulan mo noon-
ang damdamin ng mga kaklase mo
ay tutugunin ng hamon na
panindigan naming para sa ganap
na pagtutuwid sa kinamulatang landas.

Kailan mo ba itinanong sa amin
kung gaya mo'y handa na rin kaming
makibaka?
Kailan ba?

May dalawang taon ka nang nabuwal-
sa tinindig mong prinsipyo'y kami nagtatanong:
kung ang laman at buto mong nadurog ay
magsisilbing matabang lupa para sa
ipinunla mong ideyang
dapat na kaming kumilos.
Habang ang ala-ala mo'y pilit binubura ng mga
nakangising walang batid na balita
at bulag na sa pera
na kinamumuhian mo noon-
hindi nabalewala ang lahat,
hindi nawalan ng pag-asa
sapagkat
naririto kami't nagpasya nang
pagliyabin ang apoy tungo sa nilayon mong
kalayaan
upang sa bandang huli'y
lulubusin ang tunggalian.


---------------
Sa alaala ni Jaime "Jhaymez" Asuncion, lider estudyante at tagapangulo ng Political Science Society ng University of Perpetual Help System-Laguna (SY 1995-96)

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan