BUWAN DAW ng pagmamahalan ang Pebrero. Isa itong selebrasyon ng ating
pag-ibig sa mga tao, bagay, lugar, pangyayari, at maging ang mga prinsipyong
ating pinaniniwalaan.
Kaya habang ang karamihan sa atin ay nagpaplano ng date (at nag-iipon
ng pera) para sa kani-kaniya nating kinakarir, ang ibang mga tao rito
sa ating munting arkipelago at sa ibang bahagi ng mundo'y ipinagdiriwang
ang kani-kanilang pagmamahal para sa mga bagay tulad ng kalayaan,
pagkakapantay-pantay at ang walang kamatayang kapayapaan. May mga
nagdasal, may mga nagtirik ng kandila, nagsayaw, nagpalipad ng kalapati,
tumakbo, nag-concert, mayroon pa ngang naghubad sa ngalan ng kapayapaan.
Sa bawat balita sa diyaryo, telebisyon at radyo, makakasagap tayo
ng napakaraming demonstrasyon ng pagmamahal para sa pagkakaroon ng
pagkakaisa at pag-iwas sa nakapipinsalang tunggalian.
At ito'y angkop na angkop lamang sa kasalukuyang sitwasyon. Sa mga
oras tulad ngayon, kung saan ang mga pinuno pa natin ang gumagawa
ng away imbes na pumigil pa sa pagkalat nito, sa panahong ginagawang
kasangkapan ang isyu ng terorismo upang magsagawa ng panibagong gera,
sa mga sandaling hinahayaan ang mga mamamayang maging kasangkapan
ng mga malalakas na puwersang may pansariling interes, napapanahon
lamang na magpamalas ang bawat isa sa atin ng ating pagmamahal para
sa ating kapwa, sa ating bansa at sa mga kaibigan natin sa iba't ibang
panig ng mundo.
Kaya naman iniaalay ng mapagmahal na patnugutan ng Tinig.com ang
koleksyon ng mga artikulo't sanaysay, mga tula, kuwento at iba pang
malikhaing akda para sa inyo, aming minamahal na mambabasa, bilang
selebrasyon ng buwan ng pagmamahalan. Ito'y dahil sa naniniwala kami
sa kapangyarihan ng panulat na makapagmulat at mag-udyok ng positibong
pagbabago, at dahil naniniwala kami na hindi pa naman outdated at
baduy ang kapayapaan at pag-ibig. Gaya nang mga nakalipas na isyu,
pinilit naming gawing balanse ang koleksyon ng mga akda, kaya asahan
ninyong magiging masaya, mabunga at kawili-wili ang paglilipat-lipat
ninyo sa bawat balita, sanaysay, tula at kuwento ng isyung ito.
Iniaalay din ang isyung ito sa mga taong dahil sa matinding pag-ibig
sa kapwa'y nagamit ang kani-kanilang disiplina sa pagpapayaman ng
kanilang sarili, ng kanilang mga kamag-anak, kakilala at kaibigan,
at ng kanilang lipunan. Habang pumapasyal tayo rito sa Tinig.com,
isipin natin ang mga mukhang nagsilbing inspirasyon sa atin na hanapan
ng linaw at saysay ang magulo at masalimuot na mundong ito. Buhay
man o pumanaw na, kasama man natin ngayon o nasa malayong lugar na,
pasalamatan natin ang mga taong naging bahagi ng ating puso. Para
sa kanila ito.
Masyado na yata akong madrama. Dala siguro ito ng buwang ito, o kaya'y
dala ng pagmamahal ko sa mga mas matalinghagang laman at mga mas malamang
talinghaga. Tunay ngang sa pagsusulat, o sa anumang larangan, hindi
lang utak ang mahalaga. Sa pagsasabuhay ng iba't ibang mithi't karanasan,
matimbang na matimbang din ang nilalaman ng puso.
Isang mapagmahal at mapagpalayang buwan para sa inyong lahat.

Vladimeir Bautista Gonzales
Patnugot sa Panitikan
---------------