| Daluyong |
 |
| Mong
Palatino |
KAPAG MAY nakakausap akong beterano ng First Quarter Storm (FQS),
ang una kong tinatanong ay kung naging bahagi ba siya ng makasaysayang
Diliman Commune noong 1971. Sa tingin ko'y hindi pa ito nahihigitan
kung pag-uusapan ang militansiya ng mga kabataan. Sa katunayan,
nananatili itong inspirasyon ng mga aktibista ngayon sa pagsusulong
ng mga mapangahas na aksyon sa mga paaralan.
Sariwain natin ang mga nangyari sa loob ng kampus ng UP Diliman
noong unang linggo ng Pebrero 1971 kung saan tinangkang tumbasan
ng mga UP "communards" ang ginawa ng mga manggagawa sa
Paris isang daan taon na ang nakalipas.
Pamana ng FQS ang malalimang pagsuporta ng mga kabataan sa laban
ng ibang sektor ng lipunan. Kaya bilang pakikiisa sa welga ng mga
drayber ng jeepney noong Enero 11, 1971 dahil sa pagtaas ng presyo
ng langis, nagtayo ang mahigit tatlong daang mag-aaral ng UP ng
isang human barricade sa University Avenue upang pigilan ang pagpasok
ng mga sasakyan sa kampus. Naging matagumpay ang aksyong ito at
inulit noong Pebrero 1 nang magpasya ang mga unyon ng mga drayber
na ipagpatuloy ang kanilang welga.
Mas maraming mag-aaral ang lumahok sa naturang barikada. Naglagay
din ng harang sa Katipunan gate ng UP. Isang propesor ng Matematika,
si Prof. Inocente Campos, kilalang kaaway ng mga aktibista, ang
pilit na gustong ipasok ang kanyang sasakyan. Napahinto lamang siya
nang may pillbox na binato sa direksiyong pupuntahan ng kanyang
kotse. Bilang reaksiyon ay sinuot niya ang kanyang vest, kinuha
ang kanyang baril at pinaputukan ang mga mag-aaral. Tinamaan at
namatay agad ang isang estudyanteng si Pastor Mesina Jr.
Sinunog ng mga estudyante ang kotse ni Campos. Inaresto ang huli
ng UP Security Force at dinala sa QC Police Department. Binaling
ng mga mag-aaral ang kanilang galit kay Presidente Salvador Lopez
ng UP kung kaya't sinugod nila ang Quezon Hall.
Bandang alas-kuwatro ng hapon nang sumugod ang pulis at Metrocom
sa UP. Binuwag nila ang barikada at hinuli ang mahigit labing-walong
estudyante. Mula sa panahong ito ay hindi na pagtaas ng presyo ng
langis ang isyu kundi panghihimasok ng militar sa loob ng kampus.
Hindi nagpadala sa takot ang mga estudyante at nagtayo pa sila
ng mas malaki at maraming barikada sa harapan ng kampus kinabukasan.
Marahas na tinangkang buwagin ng Metrocom ang barikada. Nagsimula
ang karahasan at kaguluhan. Umatras ang mga mag-aaral sa Palma Hall
habang tinutugis sila ng mga pulis. Naglagay sila ng mga upuan,
mesa at bulletin board sa paligid ng gusali upang di makapasok ang
militar. Ang mga kalalakihan ay nagtago sa dormitoryo ng mga babae
(Sampaguita at Kamia Residence Hall) pero hinabol pa rin sila ng
mga pulis na may dalang mga tear gas cannister at nakasuot ng gas
mask. Mahigit 50 estudyante ang nahuli.
Isang pagpupulong ng buong komunidad ng UP ang pinatawag ni Pangulong
Lopez sa harapan ng Palma Hall kinabukasan. Nagpasya ang kapulungan
na ituloy ang barikada bilang pagpapakita ng pagsalungat sa panghihimasok
ng militar sa malayang kampus ng UP. Sumugod ulit ang mga pulis
sa UP subalit umatras din sila pagkatapos ng negosasyon. Inutos
din ni Pangulong Marcos ang pagkalas ng militar sa kampus basta't
ang administrasyon ng UP ang aako ng responsibilidad sa sitwasyon.
Nagpatuloy ang Diliman Commune mula ika-apat hanggang ika-siyam
ng Pebrero. Nagkaroon ng sistematisasyon ng mga gawain sa loob ng
pinalayang Repuplika ng Diliman. Malawakang teach-in at pulong masa
ang isinasagawa araw-araw sa hanay ng barikada.
Gumamit ang mga estudyante ng mga bocaue rocket at kwitis sa ibabaw
ng main library para itaboy ang mga helicopter ng militar. Pinasok
ang Chemistry department, laboratoryo at store room para sa mga
kemikal at glassware na kailangan sa paggawa ng mga molotov cocktail
at pillbox.
Ang Presidente ng UP Woman's Club at Kamia Residence Hall Student
Organization Body ang nanguna sa food committee. May libreng pagkain
para sa lahat ng kalahok ng Commune.
"Pinalaya" ng mga estudyante ang maraming gusali sa kampus.
Nilagyan nila ito ng pulang bandila at binigyan ng bagong pangalan.
Ang Faculty Center ay naging Sison Hall. Ang Palma Hall ay tinawag
na Dante Hall at ang Gonzales Hall ay kinilala bilang Amado Guerrero
Hall. Nakuha din ng mga mag-aaral ang DZUP. Pinapatugtog nila tuwing
umaga ang Internationale at susundan ito ng Dovie Beams tape ni
Marcos. Naging bahagi din ng Commune ang UP Press at naglabas ito
ng maraming isyu ng Bandilang Pula. Sa huling araw ng barikada ay
binuhusan nila ng pulang pintura ang Oblation.
Inalis ng mga mag-aaral ang barikada hindi dahil wala na silang
suporta sa akademya. Sa katunayan, kaagapay nila ang kanilang mga
guro at empleyado ng pamantasan. Napagkaisahan nila na kahit malaya
na ang UP, nananatiling bihag ng lumang sistema ang buong lipunan.
Ang paglaya ng sambayanan ang dapat nilang pagtuunan ng pansin bago
ang paglaya ng eskuwelahan.
Marami sa mga miyembro ng Commune ang naging lider ng rebolusyonaryong
kilusan pagkatapos ng deklarasyon ng batas militar.
Niyanig ng Diliman Commune ang buong bansa. Dito muling napatunayan
ang radikal na katangian ng mga mag-aaral ng UP. Sinubukan itong
pantayan ng mga estudyante noong dekada otsenta at nobenta subalit
hindi nila ito nakamit nang buong-buo. Kahit ang matapang at mapangahas
na pagkilos ng UP sa dalawang EDSA ay hindi kayang tumbasan ang
rurok ng militansiya ng Diliman Commune.
Sa tuwing nakakausap ko ang mga beterano ng Diliman Commune ay
lumalaki ang aking tiwala sa kakayahan ng mga kabataan. Nagawa nila
ito sa kabila ng pasistang banta ng estado at napalaya ang isang
pamantasang pinagmumulan ng mga reaksiyonaryo at burges na ideya.