I.
PAKIRAMDAM NI Ricky matapos niyang isara ang pintuan ay para siyang
binuhusan ng malamig na tubig. Hinagod ng kanyang paningin ang malapad
na narang inukitan ng disenyong floral. Matalas niyang pinakiramdaman
ang paligid habang banayad na umiihip at sumisingit sa bawat tupi
ng kanyang long-sleeves na polo ang mahalumigmig na hangin.
Isinuksok niya ang kanyang kamay sa bulsa ng kanyang kaki. Hinalukay
niya ang mga susi't barya sa loob nito. Inumang niya ang kanyang tainga.
Tahimik. Ipinuslit niya ang bungkos ng mga susi at iniusli niya ang
para sa pintuan. Mahinahon niya itong ipinasak sa tansong kandado.
Pumitik ang kandado.
Nabalisa si Ricky. Hinugot niya ang susi. Tahimik pa rin. Walang
tumutugon na kaluskos o pagnguyngoy sa kanyang mga pahiwatig.
Gumala ang kanyang tanaw. Ang porch, ang garahe, ang gate. Itinaas
niya ang kanyang kamay, hawak ang mga nakalaylay na susi, at mistulang
kalembang niya itong ikinalansing sa hangin. Wala pa rin. Tuluyan
nang nilingkis ng pangamba si Ricky. Muli niyang niyugyog ang bungkos.
Wala pa rin. Itinikwas niya ang kanyang nguso at pumitse.
"Mars," sutsot niya. "Mars…"
Nagtungo siya sa garahe at sumalubong sa kanya ang mga dahong nangagkakalat
sa semento dulot ng matinding pag-ulan kagabi. Sinilip niya ang ilalim
ng kanyang itim na Civic. Wala ni bakas ng kanyang alaga. Patakbo
niyang tinunton ang groto sa likod ng bahay. Muli siyang sumutsot,
"Mars!" Hinawi niya ang mga chinese bamboo at santan, inurong
ang mga paso. "Mars!"
Bumalik siya sa porch. Sinapo niya ang doorknob subalit hindi ito
pumihit. Buong taranta niyang kinapkap ang kanyang pantalon para sa
susi. Pagbukas niya ng pinto, mabilis niya itong isinalampak sa dingding.
Hinalughog niya ang kabahayan. Baka hindi niya lamang napansin dahil
sa sobrang pagod kagabi at nakapasok na ng bahay si Mars. Hinahayaan
niya naman talaga na sumilong sa loob ang kanyang alaga lalo na kung
umuulan at malamig sa garahe. Ngunit nasaan na si Mars ngayon?
Sinuot niya ang bawat sulok ng bahay. Ang banyo, ang kusina, ang
kanyang kuwarto, maging ang master's bedroom. Umakyat siya sa ikalawang
palapag, muling bumaba ng hagdan. Wala pa rin.
Lumabas siya ng gate. Halos panghinaan siya ng loob nang mawari
niya ang lawak ng lugar na kailangan niyang suyurin. Alanganing patakbo
at pamartsa niyang nilampasan ang limang bloke tungo sa bahay ng presidente
ng Homeowners Association. Tumindig sa kanyang harapan ang dalawang
palapag na tahanan ni Mr. Paran. Pinindot niya ang doorbell, sabay
katok sa asul na gate. Ikinatang ni Ricky ang dalawang hapong braso
sa beywang at hinabol niya ang kanyang hininga. Sumilip sa awang ang
katulong ng bahay.
"Si Mr. Paran?" Hingal ni Ricky.
"Ay," bulalas ng katulong. "Eh, pumasok na ho yata.
Pero..."
"Ricky," singit ng isang tinig mula sa veranda ng bahay.
Tumingala si Ricky. "O ba't napasugod ka?" Si Aling Lydia,
kaulayaw na naman ang kanyang mga anthurium habang may hawak na isprey.
"Sandali lang, bababa ako," kumpas nito. "Lyn, sa garden."
"Aling Lydia," singhap ni Ricky. "Si Mars, wala sa
bahay."
Kumunot ang noo ng matanda. "Si Mars?"
"Oho," sundot ni Ricky. "'Yung aso ko."
Tila nagulumihanan ang matanda. "Eh, nasa'n na?"
"'Yun nga po. Di ko alam." Napaismid si Lydia.
"Hindi lumalabas ng bahay si Mars. Umaatungal na 'yon lalo
na 'pag napagsar'han ko ng gate. Hindi gala 'yon." Walang puwang
ang pagpapaliwanag ni Ricky. "Malamang may umakyat ng bahay tapos…"
"Alam mo, dumaan na rin dito sina Josie at Caring noong isang
linggo. Nawawala rin daw yung aso nila." Biglang nagsindi ang
hinala kay Ricky.
"Hindi kaya sina Inggo na naman?"
"Ewan natin, Ricky," iling ni Lydia. "'Wag na muna
tayong tumalon sa konklusyon at wala pa tayong…"
"Alam naman ng buong village na nagbabato ang mga…"
Tumikwas ang isang kilay ng matanda.
Kinurot ng hiya si Ricky. Dumudulog lamang siya sa bahay na ito
kapag may problema siya sa subdivision, tuwing may irereklamo siya
sa Homeowner's Association. Naroong pundido ang poste sa kanilang
bloke, hindi nahakot ang kanyang basura, barado na naman ang drainage,
nambulahaw na naman ang barkada ni Inggo.
"Hindi ka kasi uma-attend ng miting," sumbat ni Lydia.
"Napag-usapan na namin 'yan. Limang aso na ang nawawala sa village."
Napasulyap si Ricky sa mata ng kausap. Iginuguniguni niya kung saan
na napadpad si Mars. Napamahal na sa kanya ang asong iyon. Malago't
unat ang abuhing balahibo ni Mars. Namana niya ito sa inang shih tzu
na natiyempuhan ng isang askal nang minsang malingat ang may-ari nito.
Bigay iyon sa kanya ni Marie (na hindi naman pinagsisihan ang kanyang
naging kapabayaan dahil magaganda naman ang mga naging supling ng
alaga), bago nag-migrate ang nobya sa California kasama ang buong
pamilya. Wala pang isang taon, lumipat na rin ang mga magulang ni
Ricky sa Los Angeles upang doon na pumirmi kasama ang kanyang Ate
Bles. Inaasahan siyang sumunod doon, subalit napagpasyahan niyang
subukan na muna rito sa Pilipinas ang kanyang kapalaran. Kung sakaling
pagsawaan na niya ang kanyang trabaho sa bangko, maaari naman siyang
magbago ng isip kahit anong oras. Halos magtatatlong taon na rin ang
nakalilipas at hindi pa naman nagbabago ang kanyang palagay. Bilang
dibersyon, regular siyang naglalaro ng tennis kada sabado kasama ang
kanyang mga kaibigan.
Nakatagpo na si Marie ng kasintahan sa California at doon na lumagay
sa tahimik. Simula noon, napagtantuhan ni Ricky na marami pa siyang
kailangang hanapin dito, kasama si Mars at ang bahay na ipinagkatiwala
sa kanya ng kanyang mga magulang.
"Ricky?" Usisa ng matanda sa natulalang binata. Dinatnan
ng alintana si Ricky. "Hayaan mo, tatawagan na lang kita kapag
may impormasyon na ako. Sige't papasok ka pa yata."
Sinilip ni Ricky ang kanyang relo. Mag-aalas-otso na. "Sige,
Aling Lydia." Halos nawalan na siya ng gana pumasok. "Si
Manong nga pala?"
"May inireport lang sa baranggay." Umihip ang katahimikan.
"Wag kang mag-alala, Ricky. Aasikasuhin namin 'to."
II.
Tanghalian. Sa maliit na kusina ng bangko, agad na natunugan ni
Edith ang pagyapak ni Ricky sa pintuan.
"Kain na, Ricky," yaya nito. Tinunguan ni Ricky ang kanilang
assistant manager. Binuklat ni Edith ang balot ng kanyang pinabiling
porkchop. Humugot si Ricky ng isang pinggan sa dishrack sa tabi ng
lababo. May tulo pa rin ang gripo, pansin niya. Hindi pa rin ito nakukumpuni
ni Eddie. Isa-isang pumatak ang mga butil ng tubig upang gambalain
ang lawang naipon sa palanggana. Ipinako ni Ricky ang kanyang paningin
sa tagpong ito hanggang tanging ang pagsaluysoy na lamang ng tubig
ang nasasala ng kanyang diwa. Kailangan niyang pagsabihan si Eddie.
Nagtataka lamang siyang pinagmasdan ni Edith. "Ricky?"
Natinag ang lalaki.
"Ma'am?" Lingon nito.
"Are you okay?"
"Yes Ma'am, I'm alright."
Pumuwesto sa kabilang bahagi ng lamesita si Ricky. Nakabalumbon
sa gitna ang mga paper bag ng ulam na ipinabili kay Eddie. Nasipat
niya ang kanyang pangalan na nakasulat sa isa sa mga balot. Sinilip
niya muna ang loob nito bago niya inilabas ang fried chicken at isang
tasa ng kanin sa kanyang pinggan.
"Ang tagal naman ni Eddie," pitse ni Edith. "Tuyo
na'ng lalamunan ko." Hindi umiimik si Ricky. Ipinasok niya lamang
nang sunod-sunod at halos mekanikal ang kanin sa kanyang bibig. "Hoy!"
"Ma'am?"
"Are you sure you're alright, Ricky?" Malasakit ni Edith,
inaaninaw ang panglaw sa mukha ni Ricky. "May sakit ka ba?"
"Wala, Ma'am. May problema lang kasi sa bahay," paliwanag
ni Ricky. Sinubukan niyang iliko ang pinatutunguhan ng usapan. "Yung
gripo Ma'am, di pa rin ginagawa ni Eddie."
"Gusto mong umuwi muna to take care of it first? Ano ba'ng
nagyari?"
Tinitigan ni Ricky sa mata ang kausap, waring sinusukat ang sinseridad
ni Edith.
"Si Mars kasi, Ma'am," piyok ni Ricky. "Ninakaw."
"Si Mars?"
"Aso ko po." Pumaimbulog ang katahimikan. Sumungaw ang
ngiti sa labi ni Edith.
"'Sus naman, Ricky. Take it easy," payo nito. "Baka
namasyal lang 'yung aso. When you get home, siguro nakauwi na 'yon."
Nakaramdam ng kurot ng hinanakit si Ricky kay Edith. Sandali niyang
pinagmasdan ang pinong paghiwa nito ng porkchop. Hindi mo alam ang
tunay na sitwasyon, singhal niya sa kanyang isipan.
Buong galak siya laging sinasalubong ng kanyang alaga tuwing papasok
o galing siya ng trabaho na parang siya ang pinakamahalagang bagay
na nangyari sa buhay ng nilalang na iyon. Walang patid nitong iwawasiwas
ang kanyang buntot at masiglang magkakakahol.
Hindi naging mahirap turuan si Mars. Alam nito na sa drainage sa
likod ng kanilang bahay ang tamang lugar upang dumumi. Kapag naman
oras ng kainan, umuupo lamang ito sa isang tabi kahit man pupungas-pungas
na sa gutom upang hintayin si Ricky na maibuhos lahat ang de-latang
rasyon nito. Disiplinado. Natutuwa sa asong ito ang kanyang mga kaibigan
na madalas siyang sunduin sa bahay bago sila mag-tennis.
Hindi kumibo si Ricky hanggang sa masimot niya ang kanyang pinggan.
Hindi na lamang inalintana ni Edith si Ricky. Maya-maya, sumulpot
si Eddie sa pintuan.
"Ma'am," bati nito, dala-dala ang isang bote ng Coke at
basong may yelo. Inilapag nito ang Coke sa mesa.
"Ricky, gusto mo?" Alok ni Edith. Hindi kumibo si Ricky.
Napasulyap siya kay Eddie.
"Eddie, yung gripo."
"Oo, Ser. Gagawin ko na nga po mam'ya." Pampitong ulit
na niyang ipinaalala ito kay Eddie simula nang dumaing siya kaninang
umaga.
Tumindig si Ricky mula sa mesa at walang pasabing lumabas ng kusina.
Muli siyang pumuwesto sa counter ng New Accounts. Hindi pa rin napuputol
ang pila sa mga teller. Buti na lamang at wala pang tao sa kanyang
puwesto. Pinagtuunan niya na lamang ng pansin ang mga papeles na nakalatag
sa kanyang mesa mula sa mga transaksyon mula kaninang umaga. Binalasa
niya't isinalansan ang nararapat na magkakasama upang iisteypler.
"Sir, mag-i-inquire lang sa Gold Plan." Narinig ni Ricky
ang kliyente subalit pirmi lamang siya sa kanyang mga dokumento. Talatak
dito, talatak diyan.
"Sir." Tumingala si Ricky.
"Opo, Ma'am," sabay balik sa inaasikaso. "Sandali
lang po."
"Wurf!" Tumalatak ang isteypler sa huling dokumento.
"Wurf!" Kumunot ang noo ni Ricky. Bahagya niyang sinipat
ang maong ng babae. Dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang mukha
at napamulagat siya sa kanyang kaharap.
"Wurf!" Napaigtad siya sa kanyang kinauupuan. Gumapang
ang kuryente sa gulugod ni Ricky at nangalisag ang kanyang mga balahibo.
May isang Cocker Spaniel nakatayo sa kanyang harapan.
"Wurf! Wurf"
Lumingon siya sa kanyang kaliwa, sa counter ng Foreign Transactions.
Sa halip na matagpuan niya roon ang kanyang katrabahong si Fely, may
Pomeranian na hindi mapakali sa upuan ng babae, suot ang kanilang
uniporme. Kinakahulan nito ang mag-asawang Rotweiller sa labas ng
counter. Iniligid ni Ricky ang kanyang titig. Ang guwardiyang si Jonas,
naging English Bulldog. Si Eddie, paglabas ng kusina, lumulundag-lundag
na puting askal. Si Edith, na nakabalik na rin sa kanyang mesa, nagmukhang
Collie. Ang naghihintay sa sofa, isang French Poodle.
Nanigas si Ricky sa kanyang upuan. Patuloy sa pagkahol ang Coker
Spaniel sa kanyang harapan. Inilahad nito ang matutulis nitong pangil,
at nahinuha ni Ricky na maaaring maging madugo ang mga susunod na
pangyayari. Napahiyaw siya nang malakas nang umamba ito. Nabaling
ang pansin ng lahat sa kanya at tila korong sabay-sabay na nagsikahulan
ang mga nabagabag na aso. Dumagundong ang kanyang dibdib. Nang makaipon
siya ng lakas, dali-dali siyang kumaripas ng takbo papuntang C.R sa
likod ng mga divider. Pinindot niya ang kandado at sinandalan niya
ang pinto upang makatiyak na walang makapapasok dito. Ilang segundo
ang lumipas at biglang may kumatok.
"Ser?" Si Eddie. Tumatagos ang boses nito sa kahoy. "Ano'ng
nangyari, Ser?"
Nawalan ng panimbang ang mga tuhod ni Ricky at dumulas ang kanyang
likod sa pinto. Tuloy-tuloy siyang napasalampak sa tiles. Gumapang
ang isang malamig na pawis sa tungki ng kanyang ilong.
"Ser?!" Sigaw ni Eddie.
III.
Patuloy na nag-beep ang cellphone ni Ricky. Hindi niya man sinisilip
ang mga dumarating na mensahe, nahulaan niya na mga taga-bagko iyon
na lubos na nag-aalala para sa kanya. Buti na lamang at walang trapik
at maagang narating ni Ricky ang kanilang subdivision. Dalawang beses
siyang bumusina paghinto ng Civic sa bukana ng gate. Sinadya niya
ang ingay na iyon upang hudyatan si Mars ng kanyang pagdating. Pinindot
ni Ricky ang buton sa kanyang tagiliran at dumulas pababa ang salamin.
Wala pa ring pagkaluskos, wala pa ring pagnguyngoy, wala pa ring pahiwatig.
Napasandal si Ricky sa upuan na tila bigla siyang natuyuan ng lakas.
Ibinuwelta niya ang kotse upang tahakin ang kahabaan ng Sparrow
Avenue, minamatyagan, sinisiyasat ang bawat masalubong. Ang usiserang
si Aling Carol na sinusundan ng tingin ang kanyang marahang pag-usad,
si Tony na nagpapabalik-balik sa harapan ng kanilang bahay upang iehersisyo
ang binting bahagyang binaldado ng high blood, ang mga batang nagbibisekleta,
ang grupo ni Inggo na puspos sa pawis dahil sa paglalaro ng basketbol.
Saglit na hinawi ng kanyang sasakyan ang mga kalalakihan. Madikit
ang titig ng lahat sa kotse ni Ricky. Kilala nila ang may-ari niyon.
Kilalang-kilala rin ni Ricky ang barkada ni Inggo. Parang gusto niyang
umibis ng kotse at pagbintangan silang lahat nang harap-harapan, magkagulo
na kung magkagulo. Ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Mga gago,
bulong niya sa sarili. Baka pinulutan ng mga ulol si Mars.
Napagpasyahan niyang dumaan muna kina Aling Lydia bago niya minaniobra
ang kotse pabalik ng bahay. Bumaba siya ng kotse at pinidot niya ang
doorbell. Umatras nang bahagya si Ricky upang matanawan ang veranda
sa taas ng gate. Namasdan niya ang pumapailanlang na usok mula sa
hardin ng bahay. Nahulaan ni Ricky na mayroon na namang barbecue party
si Manong mamayang gabi. Noon, madalas siyang maimbita sa bahay na
ito kasama ang kanyang mga magulang. Halos linggo-linggong magpaunlak
si Manong, kaya naman sikat siya sa buong subdivision. Maya-maya lamang,
bumukas ang gate at dumungaw ang isang lalaki.
"O, Ricky," bati nito.
"Sir," balik ni Ricky. "Nabalita na ba sa inyo ni
Aling Lydia 'yung tungkol kanina?"
"Pasok ka sandali."
Nagmasid si Ricky sa paligid. Ang mahabang mesa na madalas nilang
inilalatag kapag may handaan. Ang ihawan at ang mahalimuyak na barbecue
na nakasalang dito. Nakaramdam ng pagkalam ng tiyan si Ricky.
"Inireklamo ko na nga sa baranggay 'yang bagay na 'yan. Inabisuhan
ko na rin 'yung guwardiya."
Binaligtad ni Manong ang dalawang barbecue. "Alam mo, nagtataka
nga ako kung paanong may nakakapasok sa mga bahay dito, samantalang
mahigpit ang security natin sa may entrance. Kahit ang iingay ng mga
aso na 'yan sa gabi… Tsk, tsk." Napailing si Manong. "At
para magnakaw ng aso?"
"Hindi kaya sina Inggo?" Sundot ni Ricky. Hindi na napigilan
ni Ricky ang sarili na mamintang. "Baka inazucena nila, Manong.
Ewan ko lang, pero…"
"Alam ko, Ricky. Tinanong ko na sila." Pinagmasdan ni
Ricky ang barbecue. "Di raw sila. Winarningan ko.
Inabot ni Manong ang isang pinggan at inilagay niya roon ang dalawang
bagong ahon na barbecue. "May miting kasi kami mamaya, mga associates
ko sa kompanya." Tinakpan niya pa ng isang pinggan ang barbecue
at iniabot niya ito kay Ricky. "O, 'eto, mag-uwi ka."
"Sige ho," tanggi ni Ricky.
"Sige na," pilit ni Manong.
"Di na, Manong. Magbibihis lang ako tapos punta na akong clubhouse."
Inilapag ng matanda ang pinggan.
"Bahala ka. Bagong timpla ko 'to."
Pinukulan niya ng tingin ang matanda.
Biglang nagkamalay si Ricky at natagpuan niya ang kanyang sariling
nagpupumiglas sa loob ng isang puting plastik bag. Tumatagos sa plastik
ang buhos ng liwanag na nagmumula malamang sa isang bumbilya. Lumukob
sa kanyang likuran ang lamig ng semento. Tagtag ang kanyang mga galamay
at hindi niya magawang kumawala. Sinubukan niyang tastasin ang plastik,
ngunit hindi makabaon ang kanyang mapupurol na kuko. Tila nalunok
niya ang kanyang dila at wala siyang maihugis na salita. Ungol lamang.
Desperadong ungol.
Sandali lamang at may narinig siyang mga papalapit na yabag. Mahinahon
silang nagbulungan. Grupo ni Inggo, haka niya. Sinaklot ng takot ang
kanyang puso.
Walang kaginsa-ginsa, may humampas sa kanyang tadyang. Napaigtad siya
sa hapdi ng pagdapo ng kung ano mang matigas na bagay. Sumunod na
may pumalo sa kanyang leeg. Bumara ang sakit sa kanyang pag-ungol.
Humampas sa kanyang binti.
Lumamukos ang kanyang mukha sa matinding pagkirot.
Tuluyan nang tinakasan ng lakas ang buong katawan ni Ricky. Hampas
dito, hapas doon. Tinapos ang kanyang paghihirap ng isang matinding
dagok sa ulo.
Naalimpungatan si Ricky. Bumangon siya sa kama, magkasalikop ang
palad sa kanyang mukha habang nakaatang ang kanyang dalawang siko
sa kanyang tuhod. Tinunton niya ang bintana. Sunod-sunod na nagkahulan
ang mga aso na tila may mensaheng ikinakalat sa kapitbahayan. Umalulong
ang isa at bigla siyang nabahala. Batid niyang hindi na siya muling
dadatnan ng antok.
IV
Humahaginit ang hangin sa labas ng bahay. Umaanggi man sa loob ng
kanyang silid, hinayaan na lamang ni Ricky na nakabukas ang kanyang
bintana. Alumpihit siya sa kama. Alam niyang tatamarin na naman ang
mga tanod na magronda ngayong gabi dahil sa paparating na bagyo.
Dalawang araw na ang lumipas at wala pa ring balita mula kina Manong.
Sinilip niya ang kanyang relo. Alas-diyes na ng gabi. Nangangamba
siyang makatulog. Baka muli na naman siyang dalawin ng bangungot.
Kaninang umaga sa bangko, sinakop na naman siya ng kanyang mga guniguni.
Ipinikit niya na lamang nang mariin ang kanyang mga mata hanggang
humupa ang kahulan ng mga taong nagsaaso. Laking pasalamat niya nang
bumalik sa normal ang buong paligid nang muli siyang dumilat.
Tumugtog ang alas-onse at lalong bumigat ang kanyang pilik-mata.
Inabot niya ang remote sa kanyang tabi upang buksan ang T.V. Inilipat
niya ang estasyon sa Late Night News. Signal No. 2 na sa Timog Luzon.
Lubog na ang Metro Manila. Inilipat niya sa HBO. Nakatampok ang pelikula
ni George Clooney. Inilipat niya sa MTV. Gumiling si Prince sa kanyang
Raspberry Parade. Umandap ang bumbilya, pumikit ang T.V. Magba-brownout,
pitse ni Ricky.
Biglang naalimpungatan si Ricky nang sumingit ang isang ingit sa
kanyang pandinig. Hindi niya lubos na mahugisan ang tunog dahil sa
pagsipol ng hangin at istatik ng telebisyon. Iniunat niya ang kanyang
braso at unti-unti niyang hinanaan ang volume habang nakaumang ang
kanyang tainga sa gawing bintana. Mayroon ngang umiingit. Si Mars,
sambit ni Ricky. Sumikad ang tren ng mga kahulan. Nasasala niya ang
ingay na iyon sa kabila ng sungit ng panahon. Dumungaw siya sa bintana.
Ganap na ang bagyo.
Binuksan niya ang kanyang aparador. Naghalungkat siya ng mga gamit
hanggang mabingwit niya ang isang itim na flashlight. Hinablot niya
rin isang ang nakasabit na asul na jacket. Muling umandap ang bumbilya
at hindi na ito muling nabuhayan.
Dagli siyang bumaba ng hagdan gabay ng ilaw ng kanyang flashlight.
Pinuntahan niya ang bodega kung saan doon nakatago ang koleksyon ng
kanyang tatay ng mga golf club. Naroon din ang kanyang sariling koleksyon
ng mga raketa na nakadispley sa dingding. Hinugot niya ang isang club
mula sa bag at ipinaikot-ikot niya ito sa hangin na parang arnis.
Masyadong mabigat. Sinipat niya ang mga raketa. Kinuha niya ang pinakamurang
modelo ng Spalding na yari sa kahoy. Ipinalo niya ito sa kawalan.
Muli niyang narinig ang pag-ungol at napalingon si Ricky sa kanyang
likuran. Minasdan niya ang 70 dolyar na Molten na nakasabit sa kanyang
kaliwa. Isang raketa na itinubog sa titanium. Mabilis niya itong hinablot
at lumabas siya ng bahay.
Sinuong niya ang hanggang bukongbukong na baha habang itinuturo
ng flashlight at tila itinutulak siya ng walang patid na kahulan sa
tamang landas. Hindi man siya nakatitiyak, batid niyang mayroon siyang
dapat tuparin. Pinakiramdaman niyang mabuti ang paligid. Pumapaimbulog
ang pagsusumamo ng mga aso. Pumunit sa ere ang isang alulong. Sa kanto,
haka ni Ricky.
Patakbo niyang tinahak ang naglalawang kalsada. Tila lalong bumabagsik
ang pagbuhos ng ulan. Lalong sumilakbo ang kahulan. Malapit na siya
sa kanyang kailangang patunguhan.
Walang kaginsa-ginsa, sabay-sabay na naputol ang pagkahol ng mga
aso. Nagpaikot-ikot siya sa gitna ng kalsada na tila bigla siyang
naligaw. Tinalasan niya ang kanyang paningin at pandinig. Natagpuan
niya ang kanyang sarili sa harap ng bahay ni Manong.
Pinindot niya ang doorbell. Gumapang sa kanyang hintuturo ang karampot
na kuryente. Pinagpag niya ang kanyang daliri.
"Aling Lydia!" sigaw niya. Kailangan ni Ricky ng tulong.
Kailangan nilang maniwala.
"Manong!!"
Muling sumimbuyo ang kahulan ng mga aso sa kabila ng marahas na
pag-ihip ng hangin at pagsalpak ng ulan sa baha. Sandali siyang napag-isip,
napatda sa harap ng gate. Tinantya niya ang taas ng bakod. Umalingawngaw
muli ang isang alulong. Hindi siya dapat magsayang ng panahon.
Pinadulas niya ang dalang raketa at flashlight sa siwang sa ilalaim
ng gate. Inakyat niya ang bakod habang iniiwasang masabit ang suot
na jacket sa mga palaso. Lumundag siya sa loob ng bahay, hinanap agad
ang mga dalang gamit. Hindi mahilig sa alaga ang mag-asawa, gunita
niya. Simula pa noon.
Lumabas ng pintuan si Aling Lydia, suot ang kanyang dater na pantulog.
"Sino 'yan?" Pag-aninag nito. "Ricky? Ricky!"
Sandaling napako si Ricky sa kanyang kinatatayuan. Nangapa siya
ng sasabihin sa babae, ngunit pagtuntong na pagtuntong niya sa bakuran
ng matanda, natiyak na niya ang kanyang misyon. Kumaripas siya ng
takbo tungo sa likod-bahay, gumiit sa garahe kung saan nakaparada
ang kanilang Starex at Ford Lynx.
"Ricky!!" Hiyaw ni Aling Lydia. "Sa'n ka pupunta?!
Lyn! Fredo!"
Naghihintay si Manong sa tabi ng lababo. "Bakit Ricky?"
Nakakuyom ang ngipin ni Ricky. Mamad sa tubig-ulan ang kanyang mukha.
Binitiwan niya ang flashlight. Bumalasik ang tingin ni Manong. Inabot
niya ang itak sa lababo.
"Ano'ng problema mo?!" Singasing nito.
Hinigpitan ni Ricky ang hawak sa raketa. Sandaling bumaling ang
kanyang tingin sa lababo.
"Busy ka ba, Manong?"
Tila torong sinuwag ni Ricky ang matanda. Nawalan ng balanse si Manong
at kumaskas ang kanyang likod sa kanto ng lababo. Hindi nagsayang
ng pagkakataon si Ricky at tinaga niya ang braso ng kalaban gamit
ang raketa. Napaungol sa sakit ang matanda, ngunit hindi ito bumitaw
sa hawak na itak. Gumanti ito ng isang maliksing paggapas sa hangin.
Dagling nakaurong si Ricky upang maiiwas ang kanyang tiyan. Parang
tennis.
Agad na nakabawi ng tindig si Ricky at tinaga niya ang leeg ni Manong,
sabay hampas sa kamao nito upang humulagpos ang itak. Nalaglag ang
sandata sa lapag. Upang samantalahin ang sandali, muling sinuwag ni
Ricky ang kalaban. Tuluyang dumulas sa gilid ng lababo si Manong at
kapuwa sila napasalagmak sa bermuda. Kinubabawan ni Ricky ang matanda
at sunod-sunod niya itong pinaghahamapas sa ulo, balikat, at dibdib.
Dumilat ang hiwa sa noo ng presidente at hindi na ito nakabangon.
Humalo ang dugo na mula sa kanyang sugat sa tubig-ulan na gumagapang
sa kanilang buong katawan. Patuloy na nagkahulan ng mga aso.
Lumabas sina Aling Lydia at Lyn na may dalang payong at flashlight.
Napatili nang malakas ang babae pagkakita sa halaghag na asawa. Tumakbo
siya sa tabi ng lalaki at ikinanlong nito ang sugatang ulo ng lalaki.
Napaubo si Manong sa matinding pagkahilo. Walang tinag si Lyn sa isang
tabi. Dumistansya si Ricky.
"Hayup ka!" Sumpa ni Lydia. "'Dedemanda kita, hayup
ka!" Pinilit niyang ibangon ang asawa subalit hindi nito masuportahan
ang sariling tuhod.
Muling lumingon si Ricky sa lababo at mahinahon siyang lumapit dito.
Ikinatang niya ang kanyang mga braso sa tiles. Binuksan niya ang gripo,
hinayaan ang malayang paglagaslas ang tubig. Nasilip niya ang ihawan
sa isang tabi. Bumuwelo siya papalapit dito at buong lakas niya itong
tinadyakan. Nabuwal ito sa lapag.
"Hayup ka Ricky!" Sigaw muli ni Lydia. Napalingon si Ricky.
"Mas hayop kayo," bulong ni Ricky sa sarili. Napanatag
ang kahulan ng mga aso. Pumailanlang ang huling pag-atungal sa kabilang
bahay. Nakadama ng pagod si Ricky. Pinagmasdan niya sa huling pagkakataon
ang mag-asawa sa bermuda bago siya tumalikod upang baybayin ang daan
pauwi.
Sa wakas, makakatulog na siya nang mahimbing.
---------------