NAKATITIG SA akin si
Josh subalit alam ko na malalim ang kanyang iniisip. Ayokong manghula
kung ano ang gusto niyang sabihin sa'kin. Ayokong magtanong kung hindi
ko alam ang patutunguhan nito, kung ano pa ang naghihintay sa amin.
O meron pa nga ba? Gusto ko lang na magsalita na siya. Sana sabihin
na niya ang kanyang nararamdaman. Sinalubong ko siya ng tingin, tinging
mapagtanong, pero dagling umiwas siya. Hindi na siya mapakali. Nagsindi
siya ng sigarilyo, nagbuntong-hininga sabay buga ng usok habang nakatanaw
sa may bintana.
Napatingin ako sa kanyang mga mata. May nangilid na luha sa kanyang
pisngi habang papalakas ang kanyang mga hikbi sa kauna-unahang pagkakataon.
Tila gusto niyang pigilin ang pagluha, sinubukan niyang ngumiti ngunit
nabigo siya.
Parang naumid na rin ang aking dila. Wala akong maisip gawin kundi
manatiling nakahiga na lamang sa kamang tinatamaan na ng mainit na
sikat ng araw. Parang 'di ko naririnig ang kanyang mga hikbi. Huminto
na siya sa pagluha kahit dinig pa rin ang kanyang mga malalalim na
buntong hininga. Unti-unti kong naramdaman ang marahang paglakad niya
patungo sa akin. Inisip ko kung haharap ako sa kanya. Kahit siya ay
parang nag-aalangan na rin. Naghihintay kami kung sino ang unang magkakalakas-loob
magsalita sa aming dalawa. Parang noong una kaming nagkita. Ayoko
nang balikan pa. Naisip ko na isang pelikula lang ang lahat, isang
flop na pelikulang tapos na at ayoko nang ulitin pa. Kung pelikula
man ito, tatapusin ko ang istorya sa tagpong iyon. Hindi na siya magsasalitang
muli. Wala na rin siyang maririnig mula sa akin. Pero ang katotohanan,
heto ngayon ako't gising sa umagang tila wala nang paroroonan o kahapong
ngingitian man lang. Tapusin man ang pag-ikot ng istoryang ito, ni
isa mang pirasong pangarap ay wala nang pupulutin pa. Pilit mang ipikit
ang mata'y nakatambad ang hubad na gabing tila nanatili na sa kanyang
kabagalan.
Sa Coronet Cinema yun. Wala kaming pasok ni Bert kaya naisipan naming
magpaikut-ikot sa Cubao hanggang sa madaanan namin ang isang lumang
sinehan. Third class. Tiningnan ko ang karatula. For Adults Only.
"Ganitong ganito ang nga sinehan sa Samar, 'di ba? Kaya sanay
ka na dito?" pang-aasar ko kay Bert.
"Tang ina! Ang sabihin mo, malibog ka lang talaga," ganti
naman ni Bert sa akin.
Pagbayad sa takilyera, diretso na kami sa escalator na hindi na umaandar.
Maraming nakaupo sa Lobby, puro mga kalalakihang patingin-tingin sa
aming dalawa. Nailang ako kaya't bumitaw ako sa pagkaka-akbay ko kay
Bert.
Pagpasok sa Loge, maliwanag pa ang screen kaya madali kaming nakahanap
ng mauupuan.
"Doon tayo sa dulo," turo ko.
Hindi pa kami nakakarating sa dulo nang umalis si Bert. Bibili daw
ng makakain. Nagutom ang gago. Walang canteen sa Lobby kaya kinailangan
niya pang lumabas ng sinehan.
Nabaling ang aking atensyon sa mga taong nagpapalit-palit ng upuan.
Parang may palaging hinahanap. Hindi mapakali sa isang upuan. Taas-baba
ng sinehan. Nakakainis kung papansinin. Pero hindi ko maiwasang mapansin.
Hindi ko namalayang inaaantok na pala ako. Dala na rin siguro ito
ng pagod sa buong linggo. Hinihingi ng katawan ko ang pahinga. Nakatulugan
ko tuloy ang palabas.
Hindi pa katagalan nang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Bumilis
ang tibok ng dibdib ko. Papabilis nang papabilis ito habang lumalalim
naman ang hangos ko. Napabukas ako ng bibig. Parang may kamay na naglulumikot
sa akin. Pataas ito sa aking tiyan. Natatakot ako sa hindi ko malamang
dahilan kung bakit hindi ko dapat idilat ang aking mga mata. Hindi
ko malaman kung ano ang magiging reaksyon ko. Parang may pumipigil
sa akin. May kakaiba akong nararamdaman at iyon ang hindi ko mapigil.
Uminit na lang bigla ang malamig na hanging hinihinga ko. At biglang
may dumampi sa aking tenga. Napasinghap ako. Naimulat ko ang aking
mga mata. Pinigil ko ang aking paghinga. Hindi ako makapagsalita.
Nangatal ang aking baba.
Hindi ko siya masyadong namukhaan. Masyadong madilim at ang kakaunting
liwanag sa aming harapan ay bumubulag sa akin. Anino ng lalaki lamang
ang una kong naaninagan. Nakatingin din siya sa akin. Lumiwanag muli
ang screen kaya't namataan ko ang kanyang napakaamong mukha. Malalim
ang kanyang mga mata. Iyan ang una kong napansin. Nakangiti ang kanyang
mga labi. Parang si Bert.
Naisip ko si Bert. Ikinabig ko ang kamay na gumagapang, nasa aking
balikat na. Hindi ko makita si Bert. Kumalat ang aking mga mata sa
lahat ng dako ng sinehan pero hindi ko makita si Bert hanggang sa
magtanong ang lalaking katabi ko.
"Kanina ka pa ba?"
Hindi ako makasagot.
"Anong pangalan mo?" tanong niya nang may napakahinang
boses. Napakalapit na ng kanyang mukha sa akin.
Sumagot ako sa wakas. Pero matigas ang aking boses.
"Mon."
"Estudyante ka 'no?" tanong niya sa akin.
"Bakit?"
"Wala lang. Halata kasi, eh!"
Siguro nga halata akong estudyante. Maliban sa pangalan wala akong
balak na ibigay pa sa kanya ang personal data ko kung sakaling magpapatuloy
pa ang pagtatanong niya.
"Josh, pare," pakilala niya sabay abot ng kanyang kamay.
Nangiti na lamang ako habang nakatitig siya sa akin. Hinawakan niya
ang aking kamay. Humigpit ang hawak nito. Para bang sinasabi niya
na magtiwala ako. Hinalikan niya ang kamay ko ng marahan. Halos hindi
ko maramdaman. Halos hindi dumampi ang kanyang labi. Ang mainit niyang
hininga lamang ang naramdaman ko sa aking balat. Hindi ko alintana
ang ginaw sa loob ng sinehan. Gumapang ang init na 'yon sa aking leeg
pababa. Hindi ako makakibo o makagalaw man lamang. Nawala sa isip
ko si Bert. Taas-baba, taas-baba ang hininga ko. Bukas ng bibig, taas
ng ulo, unat ng mga paa. Bumalot ang dilim at yumukob ang init sa
aking kaluluwa. Napasinghap ako hanggang sa pagkaubos ng kahuli-hulihang
patak ng aking pagkalalaki.
Pahina na nang pahina ang tibok ng aking puso. Naramdaman ko na lang
na itinaas na niya ang zipper ko.
Pagkatapos bigla akong nahiya sa kanya. Palihim kong iginilid ang
aking mga mata para tumingin sa kanya nang hindi ako humaharap. May
pagkabagabag na rin sa kanyang maamong mukha. Parang may sasabihin
dahil pabuka ang galaw ng kanyang mga labi ngunit umurong ito. Ang
kanyang malalaking lalamunan ay lumulon nang may kalaliman. Pinagmamasdan
ko siya kahit nakaayos akong nanonood ng sine. Ganun din siya. Pero
pansin na pansin na habang tumatagal ay gumagalaw ng marahan ang kanyang
mukha patungo sa'kin nang nakatuon ang mga mata sa baba. May hiya
akong nakita sa kanya. Lumayo ako ng tingin at naibaling ko ito sa
screen.
Gusto ko siyang pangunahan sa maaari n'yang itanong bago pa dumating
si Bert, pero may hiya pa rin ako. Tila nawalan na 'ko ng pasensya
nang lumingon na 'ko sa kanya. Napakalapit na ng aming mga mukha subalit
wala pa ring lumalabas na salita o hininga man lamang sa bibig ko.
Sa kabila ng lahat ng nangyari, may pag-aalinlangan pa rin ako. Gayundin
si Josh. Marahan kong ibinalik ang ulo ko kung saan ito dating nakaharap
nang may lalaking pumasok sa entrance ng Loge. Bigla itong lumiwanag
nang tutukan ng flashlight ang kanyang mga hakbang. Nangangapa pa
rin ito sa pag-akyat sa hagdan pataas. At nabigla ako nang nakilala
ko siya. Si Bert. Bigla akong nataranta. Kahit humihinto siya sa bawat
hagdang naaakyat niya pakiramdam ko ay napakalapit na niya. Walang
humpay ang papabilis na papabilis na kabog sa aking dibdib at malalalim
na hangos. Ngunit may biglang lakas ng loob ang pumasok sa katauhan
ko noon nang ako'y napatingin kay Josh.
"Anong cell number mo?" tanong ko sa kanya nang mabilis
at may mataas nang tono. Ni hindi ko inisip na wala siyang cellphone.
Basta na lang ako nagtanong. Salamat na lang at meron siya. Malinaw
subalit malalim ang kanyang boses. Dali-dali kong binutbot ang ballpen
sa aking bulsa at inilista sa aking palad ang labing-isang numerong
isa-isa niyang idinikta sa akin. Mabilis ang kanyang pagsagot. Maaaring
yun na rin ang gusto niyang itanong sa akin ngunit naumid na ang kanyang
dila.
"Tatawagan na lang kita mamaya," may takot na ang boses
ko nang sabihin ko ito sa kanya. Tumindig ako nang hindi na naghintay
nang sagot mula sa kanya. Saka na lang siya nagsalitang muli.
"O sige, I'll wait for your call," aniya na narinig ko
pa sa dali nang pangyayari.
Ilang hakbang na lang at makakasalubong ko na si Bert. Ako na ang
bumilis ng hakbang sa dilim patungo sa kanya. Tinapik ko ang kanyang
balikat at napailing ito. Medyo nanginginig ang kamay ko kaya binawi
ko ito.
"O Mon, pare, sa'n ka pupunta?" nabigla siya.
"Hinahanap kita kanina pa. Saan ka ba nagsusuot?" mataas
na ang boses ko nang sagutin ko siya sabay lakad pababa sa sunod sa
hagdan. Sumunod na rin siya.
"Uwi na ba tayo? Hindi pa ko nanonood, pare."
Hindi na 'ko nagsalita at huminto na rin siya habang papalabas kami
ng Loge. Tiningnan ko ang pantalon ko at zipper kung may dumi o kung
bukas ito. Kahit malinis ito pinagpag ko parin na para akong takot
na baka may makita si Bert.
Pumasok muna kami ng CR. Binukas ko ang makalawang nang gripo. Naghilamos
ako nang matagal at marahan. Tiningnan ko ang aking mukha sa medyo
malabo nang salamin. Dumaloy ang tubig mula sa aking mukha sa leeg
patungong dibdib. Bumutbot ako sa aking bulsa, kumuha ng panyo na
para bang nabigla nang makitang basa ang aking kwelyo. Pinunasan ko
muna ang aking mukha bago ang aking damit na unti-unti ay kumakalat
ang basa. Nahiya ako nang mapansing nakatayo lang si Bert at pinagmamasdan
lang ako kaya't ibinalik ko na lang ang basang panyo sa bulsa nang
hindi inaayos.
"Mon...," natatakot ako sa anumang katanungan ni Bert.
"Ano?"
"May gusto sana akong itanong sa'yo matagal na..."
"Ano?" pag-ulit ko.
"Sana 'wag kang magagalit pero 'di bale na lang. Wala kalimutan
mo na." pagbawi niya.
Alam ko na ang tema ng magiging tanong ni Bert.
"Wag na muna ngayon. Kasi...kasi hindi ko rin alam ang sagot."
Tawanan kami. Pero alam naming pareho na seryoso ang naging kasagutan
ko. Hindi pa nga 'ko handang sagutin ang maaaring itanong niya sa
akin.
"Tara na nga," yaya ni Bert sa akin palabas ng CR.
Mabilis na ang kanyang lakad kaya't sumunod na lang ako. Nakalabas
kaagad kami sa sinehan at nakasakay ng taxi.
"Sa UP, boss," humahangos n'yang sinabi sa driver.
Mga ilaw na kumikislap-kislap at may wasak na kulay at ang mga gusaling
malabo ang nakita ko sa bintanang tinakpan na ng ulan habang umaandar
ang taxi. Nararamdaman kong mabilis na ang takbo nito. Walang kumibo
sa amin. Nakalapat ang likod at ulo ni Bert sa malambot na inuupuan
na medyo umiindayog na sa pagtakbo ng taxi. Nakapikit na ang kanyang
mga mata at 'di alintana ang lakas ng ulan at ang ginaw dulot ng kanyang
basang damit. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Napakaamo pa rin nito
gaya nang dati.
Naisip ko si Josh. Kailangan ko siyang tawagan. Agad kong tiningnan
ang kaliwang palad ko para i-store sa phonebook ng cellphone ko ang
ibinigay n'yang number nang bigla akong natulala nang wala nang sulat
ang palad ko. Ni bakas ng itim na tinta ay walang natira. Naalala
ko nang naghugas ako ng aking kamay sa CR. Hindi ko iwinaglit ang
mukha ni Josh sa aking isipan. Hanggang makarating kami sa dorm, hanggang
sa paghiga ko sa kama. Ang nasa isip ko noon ay ang pagbabalik kong
muli sa sinehan, sa Coronet. Dapat ko siyang makita.
Wala na 'kong narinig pa mula kay Bert. At wala na rin akong maisasagot
pa. Wala na 'kong ganang kumain pa o galawin man lang ang gamit ko
para bukas. Tulog na si Bert. Wala nang ilaw. Wala nang iba pang nasa
isip ko hanggang sa pagpikit ng mga mata kong pagod na kundi si Josh.
Kung ano'ng sama ng panahon kagabi, siya namang init ng sikat ng
araw ngayon. Ang init na iyon ang gumising sa akin. Ngunit parang
hindi liwanag ng araw ang nais kong masilayan kundi liwanag ng pinilikang
tabing. At hindi sa ningning ng umaga gusto kong magising kundi sa
hiwaga ng gabing bumihag na sa aking pagkatao. At sa susunod pang
mga gabi, sa kislap ng Coronet.
"Mon, sa'n ang lakad natin?" masiglang pagbati ni Bert
sa akin.
Pero matamlay ang naging sagot ko sa kanya. Ginawa ko yun para huwag
na siyang mag-usisa sa akin.
"Sa taas po," sabay abot ko ng bayad sa takilyera.
Iba't ibang mukha ang nakasalubong. Ngunit tila may iisang pakay.
Doon sa restroom nilalamon na ng usok ng sigarilyo. Nagkalat ang paningin.
May ngumingiti. May nahihiya pa. Isa-isa kong tiningnan ang mukha,
Pero...wala roon si Josh. Pumasok ako sa CR. Nagulat na lang ako nang
may nag-uumpukan.
Nakasiksik ako papunta sa unahan nang matuklasan ko ang isang lalaki
na nakaluhod sa harap ng isa pang lalaking nakababa ang pantalon.
Maya-maya'y nagbukas na ng zipper ang isa habang may lumapit naman
upang gayahin ang dalawa sa kanilang tabi. Nang mapansin ako, dali-daling
pumasok sa cubicle ang apat. Lumabas ako at tumuloy na sa Lodge.
Hindi ko na nakayanan kaya't lumabas na lang ako. Wala naman dun
si Josh. Tama, sa taas ko s'ya nakilala kaya doon ko din siya matatagpuan.
Para akong galing sa malawak na liwanag, naglalakad. At habang naglalakad,
pakipot ng pakipot ang daan, padilim ng padilim ang paligid na may
mga matang nakamasid, may mga ngiting may iisang kahulugan. Subalit
sa kadiliman, palapit ng palapit naman ako sa kakarampot na liwanag.
Tuloy-tuloy ako sa paglakad. Papabilis ako ng papabilis habang paakyat
sa likod ng liwanag. At natagpuan ko ang upuan, ang dati kong upuan
noong nakilala ko si Josh.
Ni hindi ko inisip na wala siya sa loob ng sinehan. Sa pag-ikot ng
sine'y, umiikot din ang paningin ko. May pwersa sa aking katauhan
na tumutulak sa akin para hanapin siya. May bulong na nagsasabing
dapat ko siyang makita.
Umikot nang umikot ang mabagal na oras sa loob ng Coronet. Iba't
ibang palabas ang nasaksihan sa bawat sulok nito. Hindi ko maintindihan
at yun ang gusto kong maliwanagan. Papalit-palit ng upuan. Naghahanap.
May matatagpuan. Maghahanap muli. Walang katapusan. Ano kaya ang hinahanap
nila? Matatagpuan pa ba yun sa inaanay nang sinehan na ito? Iba ako
sa kanila. Si Josh lang ang hinahanap ko. Pero, paano kung mahanap
ko na siya, matutulad din kaya ako sa kanila? Maghahanap din ba ako
ng iba? Walang katapusan ang tanong.
Puno ng milagro't kababalaghan ang Coronet. Kabanalan. Luhod dito,
luhod diyan. Kumpisalan sa lahat ng sulok. Bata, matanda, walang pinipili.
Ano kaya ang naghihintay na langit sa kanila? Tanong na namang muli.
Natapos na ang pag-ikot ng pelikulang hindi ko namamalayan. Wala
naman kasing pumapansin.
Maya-maya'y napuno na ang hanay ng upuang kinabibilangan ko. Parang
may ipinahihiwatig ang katabi ko. Dinikit niya ang kanyang bisig sa
akin at dahan-dahang gumagapang ang kamay nito sa aking binti. Hindi
ako makagalaw na parang nakagapos ang buong katawan ko sa kinauupuan.
Kailangan ko ng lakas para makagalaw. Patungo pataas ang kamay nito.
Matindi na ang kaba sa aking dibdib. At sa wakas, naigalaw ko rin
ang ulo ko. Lumingon ako sa kanya. Naigala ko na rin ang aking kamay
at paa. At sa paghawak niya sa aking ari ay bigla akong tumayo at
mabilis na naglakad palayo. Hiningal ako paglabas ng Loge, naramdaman
ko ang pagdikit ng damit ko sa balat dahil sa pawis sa kabila ng lamig.
Parang nanlabo ang mga mata sa pagharap muli sa liwanag. Nahilo ng
konti at parang bibigay ang katawan. Nakapagtataka ang pagkawala ng
mga tao sa Lobby. Naupo ako at pinilit mag-isip. Pero mas pinili ko
na lang na isandal ang ulo sa pader. Ano ang ginagawa ko dito?
Walang sagot. Walang ingay kahit padyak ng sahig o marahang pagbukas
ng pinto. Ako ma'y tila hindi na humahangos sapagkat ang hangi'y parang
hindi na gumagalaw. Nakakabingi. Nakakapanibago. Nakakatakot. Mas
mabuti pang ipikit ang mata kay sa makita ang kawalan ng Lobby. Kahit
saang anggulo'y wala na itong kagandahan. Kung meron man, nilamon
na ng kalumaan. Pinabulok na lang. Pinakain sa anay. Isang pagyanig
na lang, lalamunin na ito ng lupa at walang bakas ang iiwan na ito'y
naitayo sa kanyang kinatitirikan.
Pero habang nakatayo, sinasamantala ang pagtakbo ng bilog na nagpapaikot
ng nagtatagong mukha ng Coronet, gabi man o araw.
At mula sa kawalan ay mga payak na yapak sa sahig na bumali sa katahimikan.
Parahan nang parahan ngunit palakas naman ng palakas ang mga yapak
habang papalapit ito. Siguro'y uupo din katulad ko.
Nawala ang mga yapak. Kay lapit ng huli at pinakamalakas. Hinintay
ko ang upuang tutunog kung saan siya uupo. Wala akong narinig. Nakapagtataka
kung titindig lang siya. O baka hindi ko lang namalayang umupo na
siya. Ibubukas ko na sana ang mga mata ko nang may naramdaman akong
mabilis na diin sa kaliwang balikat ko.
"Mon,"sambit nito sa aking pangalan na halos umalingawngaw
sa buong Lobby sa kanyang kahinaan.
Si Josh yun. At kahit pa nakapikit ang mata ko, malalaman ko pa rin
na kay Josh ang boses na 'yon. Hiya pa rin ang naramdaman ko. Hindi
pa rin ako nakakasagot nang madalian.
"Josh..."
Hindi ko alam kung saan ko nahugot ang lakas ng loob kong sabihin
ito pero nagawa ko.
"Hinahanap talaga kita..."
"Nawala ko yung cel number mo eh, at...ahhh...kaya hindi kita
natawagan...at kaya hinanap na lang kita."
May iba sa kanya. Ang kanyang mukha. Mas maamo ito sa liwanag.
Hinihintay ko ang muling pagbukas ng kanyang bibig at hindi ako nabigo.
Hinihintay kong sabihin niyang hinahanap niya rin ako.
"Sumama ka sa'kin," siguradong-sigurado ang boses niya
sa pag-anyaya.
Nangiti ako.
"Saan?"
"Basta...Sumama ka na lang!" sabay tayo niya at hila sa
aking kamay.
Tumayo naman ako at lumaya sa kinauupuan ko. Sa paglaya ko, may pakpak
na
sa aking likod na nagpagaan sa aking pakiramdam. Ayoko nang alamin
kung saan niya 'ko dadalhin. Sa buwan kaya? Wala sa aming makakakita
doon. Kahit saan basta hindi sa Coronet. Hindi sa madilim na sulok
ng Coronet.
At doon na nagsimula ang istorya. Hindi ko inalala ang mga susunod
na mga eksena. Kasalukuyan ang mahalaga. Ang makasama ko siya. At
sana, ganun din ako sa kanya. Ni minsa'y 'di ko tinanong yun sa kanya.
Pero siguro'y hindi na kailangan. Dinala niya 'ko sa kanyang apartment.
Sariling apartment. Niyaya akong doon na lang mag-stay tutal hindi
naman kalayuan sa campus namin pero hindi ako pumayag. Weekend lang
kami kung magkita. Pareho kaming busy. May out-of-town work siya at
graduating naman ako.
Isang gabi, bigla na lang itong tumawag sa Dorm. Espesyal daw ang
araw na yun sa kanya.
"I expect you this evening?"
"Ahh...Ok! Pupunta ako diyan"
"Good."
"Josh...," pahabol ko.
"Yes?"
"Anong okasyon?"
"No...no. I just want you to meet my Mom. She's here. Just came
from the States. Don't worry, okay?"
Patay. Parang nahulog ako sa isang bitag. Hindi ko yun inaasahan.
Kinabahan na 'ko. Parang gusto ko nang umurong.
"Mon...are you still there?"
"Of course...So, alam niya ang tungkol sa atin?"
"About us?"
Sa pagkakasabi niya na medyo sarkastiko ang dating sa akin ay para
akong nainsulto. Ano'ng palagay niya sa amin? Ordinaryong magkaibigan
lang? Iniba ko ang tanong.
"Yes...about what happened to us?"
"Oh...no! Of course not."
"Ok! I'll be there"
Matapos naming mag-usap, umiba ang pakiramdam ko. Sa halip na matuwa
dahil wala akong dapat alalahaning commitment, bumigat ang loob ko.
Mababaw siguro ang tingin niya sa aming samahan. Hindi seryoso ang
tingin niya sa akin. Kaya pala wala siyang naikukwento sa kanyang
sarili. Pero bakit pa niya 'ko gustong patirahin sa kanyang apartment.
Subalit maaaring may kasagutan kapag pumunta ako sa kanya ngayong
gabi.
Pagdating ko sa apartment ay nasa loob na siya ng kotse. Parang kararating
pa lang. Nilapitan ko siya. May kasama sa harap. Lalaki. Matangkad.
Makisig. Maputi. Sa ayos pa lang, may dahilan na 'kong ma-insecure.
Nakita na niya 'kong palapit. Dahan-dahan ang lakad ko. Parang paurong.
Nakakaalangan.
"Mon, sakay na!"
Hindi pa 'ko sumakay. Tumayo lang ako sa harap niya.
"Are you sure, gusto mo 'kong sumama?"
"Of course. Sakay na."
"Marami bang tao?" marahan ang pagkakasabi ko. Nanghihina.
"No. Tayo-tayo lang," kumunot ng ulo si Josh, "Ahh...by
the way, Mon, this is William," sabay pakilala niya sa kasamang
lalaki.
Ngumiti si William.
"Hi, Mon!"
Sumakay na lang ako at nakisakay sa kanila. Si Josh wala man lang
masabi maliban sa "So, we're here."
Mas lalo akong kinabahan. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay
sa loob ng mistulang mansyong bahay.
May mga ingay na 'kong naririnig. Mahinang sound ng string. Tawanan.
Tunog ng baso't pinggan. Tumambad nga sa akin ang isang kasiyahang
may maraming bisita. Naupo lang kami sa labas na may nakahandang maliit
na teybol at tatlong upuan. Si Josh nama'y nakangiting kumaway sa
Mommy niyang abalang nakikipagkwentuhan sa kanyang mga bisita sa loob.
Mabilis naman nitong nakuha ang gustong sabihin ni Josh kaya pumunta
ito sa amin. Sa damit pa lang nito, halatang doña na. Pero
hindi ito konserbatibo sa kanyang matingkad na berdeng damit na may
mahabang hati sa laylayan nito habang hapit na hapit ang itaas nito.
Moderno at supistikada kung gumalaw pero may pagka-aristokrata pa
rin. At lalo itong patutunayan ng kanyang pananalita.
"So Josh, your comp'ny enjoying here?" napaka-glamorosa
ang galaw ng kanyang mukha't kamay.
"Tita, thought you were staying in the States for good?,"
banat naman ng William.
"Ahhh...well, William! I thought I said that two years ago...when
I was still in love!"
Tawanan sila. Nakitawa na rin ako. Pilit lang. Alangan kasi. Pero
hindi rin ako nakaligtas.
"Ahh...," umpisa nitong kausapin ako nang ipakilala ako
ni Josh sa kanya.
"Mom...this is Mon nga pala. He's my friend. He's an Economics
student in UP."
Ngiti lang ako nang ngiti. Hindi ko alam ang ibibira ko. Nainis yata
sa hindi ko pagsasalita nang bumaling muli ito kay William.
"Yes, Tita?"
"How are you two doing," halos pabulong itong sinabi ngunit
dinig pa rin namin ni Josh.
"Ahh...," hindi rin nakasagot si William. Nagulat ito.
Maging si Josh ay nabigla sa 'di inaasahang tanong. At pati ako ay
hindi makapaniwala sa narinig. Tumingin lang sa akin si Josh. Wala
akong nakitang pagkabagabag sa kanyang mukha.
"Ma...not the right forum," relaxed ang pagkakasabi ni
Josh.
Pero hindi napigil ang Mommy niya. Sa pagpapatuloy nito, may nalaman
a 'kong iba.
"O c'mon Josh..."
Sa wakas, sumagot na si William.
"Tita, we're just friends now."
"Huh! I heard that before. And after some time..." Mahina
ang kanyang pagkakasabi.
"Ma...it's good that way, okay." May ipinararating ang
kanyang mukha at bigla itong natahimik. Tumingin ang Mommy niya sa
akin.
"Alright! I'll be leaving you for now. William and..."
tinutukoy niya ako.
"Mon... Mon po," sabi ko.
"Mon, yes! You enjoy yourself. Josh..." Hinablot nito ang
isang kamay. Tumayo naman si Josh upang sumama sa kanyang Mommy.
"Excuse us, won't be long," paalam ng Mommy niya.
Dahil dun, naiwan kami ni William sa mesa. At hindi pa nagtagal,
iniwanan na rin ako ni William. Nakakita ako ng pagkakataon. Umalis
ako nang walang paalam.
Malayu-layo na rin ako mula sa bahay. Pero kahit ilaw ng naligaw
na gamu-gamu ay wala akong naaninagan maliban sa mapusyaw nang liwanag
na nagmumula sa posteng de ilaw sa may dulo. Maya-maya'y nakarinig
ako ng busina ng kotse sa aking pinanggalingan. Paglingon ko, paparating
ang kotse ni Josh. Hindi ko pa alam kung sino ang nasa loob.
Huminto ang pagbubusina. Nalaman ko na lang na kasabay ko na ang
kotse. Hindi ko pinansin. Tuloy-tuloy ako sa aking paglalakad. Nagtataka
lang ako kung bakit walang nagsasalita. Basta sumasabay lang ito sa
bilis ng aking lakad. Malamang, si Josh.
Huminto ako. Hinabol ang hininga ko. Si Josh nga ang nasa kotse.
Huminto na rin ito sa pagmamaneho. Lumabas sa kotse. Natural ang bawat
galaw. Relaxed. Lumapit sa akin. Hinarap ko siya.
"Pagod ka na ba?" pang-aasar niya.
"Pinaglalaruan mo ba 'ko, ha, Josh?"
Walang maisagot si Josh. Nang-aasar talaga.
"Hatid na kita."
Kinuha niya ang kanang kamay ko para isama sa kotse. Sumama ako subalit
bago pa niya buksan ang pinto'y hinila ko ito palapit sa akin. At
sa pagharap nito'y akin namang mahigpit na pagyakap. Biglaan ang pangyayari.
Pero pinakahihintay ko ang mga sandaling 'yon. Kulang na lang ay sabihin
ni Josh na mahal niya rin ako. Umiyak ako. Yumakap na rin si Josh.
"Mahal kita, Josh," pagtatapat ko sa kanya.
"Masasaktan ka lang."
"Sabihin mo sa akin, mahal mo rin ako."
"Masasaktan lang tayo pareho."
"Mali ka, Josh. Masasaktan ako kapag nawala ka sa'kin."
"Napakabata mo pa...Magsisisi ka lang."
"Basta sagutin mo 'ko!"
Natahimik siya.
"Mahal mo ba 'ko?"
Wala na siyang ibang dahilan para hindi ito sagutin. Hindi ko mapapayagan.
Pero hindi ko alam kung makakayanan kong tanggapin ang maaari niyang
isagot sa akin. Bumitaw siya sa pagkakayakap. At sa galaw niya, parang
wala akong sinabi. Parang hindi ko siya niyakap at hindi rin siya
gumanti ng yakap.
Panandaliang ligaya lang pala. Nababatid ko na ang ibig niyang sabihin
sa akin. Isang salitang matalim na tumusok sa aking dibdib. Salitang
hindi ko inaasahan. Hindi ko matatanggap.
"So...hindi!" natawa ako sa sarili.
Pumasok si Josh sa kotse.
"Pasok ka na."
Pumasok na rin ako sa loob. Sa likod. At umandar na rin ito. Tama,
mahal nga niya si William. Hindi ako.
"So, si William. Hindi mo sa 'kin sinabi?"
"William was my boyfriend for two years. Now, we're just friends."
"Hindi mo sinasagot ang tanong. Mahal mo pa ba siya?" giit
ko.
"We're just friends. That's all. Don't confuse friendship with
romance or love."
Madiin ang kanyang pagkakasabi. Iginiit ko naman ang sa amin.
"How about us? How do you define us?" mahina na ang boses
ko. Wala na akong lakas. Wala pa ring sagot. Katahimikang nananakit.
Suko na 'ko.
"Sa apartment na lang natin 'to pag-usapan."
Nasunod siya. Hindi ako natulog sa Dorm. Sumama ako sa kanyang apartment.
Pinakiramdaman ko ang takbo ng kotse. Ang indayog. Ang antok. Hindi
ko na namalayan ang pagtulog ko. At sa paggising ko ay natagpuan ko
na lang ang sarili ko sa kanyang kamang tinatamaan na ng sikat ng
araw. Wala si Josh sa aking tabi.
Doon nagtapos. Doon ko gustong magtapos.
Lumapit siya sa akin.
"Mon...aalis na 'ko bukas," malungkot ang tinig ni Josh.
"Saan ka pupunta?"
Walang sagot.
"Kelan ang balik mo?"
"Di ko alam."
Yun lang at wala nang narinig na salita sa aming dalawa.
***
"Kumain ka na?" pagbati sa akin ni Bert.
Walang maaasahang sagot sa akin si Bert. Wala nang ilaw. At sa dilim,
pinagmasdan ko ang mukha ni Bert. Nakita ko si Josh.
---------------
Ang Coronet ay nagkamit ng unang gantimpala sa short story writing
contest ng Sinag, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UP
College of Social Sciences and Philosophy.