NINAKAW ANG kamera ko sa kalagitnaan ng picnic dinner-date ko sa
Sunken Garden.
Oo, ako si M. Ang sinasabing romantiko sa paningin ng kapwa kong
romantiko at tanga naman sa paningin ng iba. Oo't ako si M na malapit
na kaibigan ni Mr. Pitik na hindi makatangging ilibre siya ng fishball,
monay, juko buice o chicken joy. Oo't ako si M na idol na idol si
Adam Sandler na naghanap pa talaga ng pirated VCD ng "Punch-Drunk
Love" sa mga bangketa ng downtowm Cubao. Ako si M, ang hopeless
romantic.
Hindi ko akalaing may ibubunga pala ang Sunken Garden experience
ko. Hindi ko akalaing matapos ang isang buwan ay may magsusulat ng
artikulo tungkol sa'kin at mababasa ng mga kapwa ko manunulat, mambabasa't
mangingibig ang nangyari sa'kin nung Disyembre 13. Friday the 13th
pa pala nun. Hindi ako masyadong naniniwala sa mga pamahiin pero nung
gabing 'yun ay mukhang tinamaan ako ng kamalasan.
Mula nang iwan ako ng huli kong girlfriend para sa isang coño
noong Disyembre 2001, hindi na ako nakipag-date muli. Nagkaroon din
naman ako ng mga major crush sa campus pero ni isa sa kanila'y hindi
ko man lang nakasamang kumain ng lunch sa Jollibee o manuod ng mga
teeny bopper movie sa Sta. Lucia. May mga ginawa rin naman akong mga
"da moves" sa mga Julia Sullivan prospect ko. Yung isa kong
crush ay ginawan ko ng tula nuong mismong oras na nagkakilala kami.
Yung isa naman ay hinarana ko sa labas ng bahay nila habang kumakain
sila ng pamilya nila ng hapunan. Yung isa naman ay dinalhan ko ng
tatlong mansanas sa kanila sa may San Mateo kasi may trangkaso. Pero
ang lahat ng iyon ay hanggang dun na lang. Hindi dahil sa nabuking
akong pinagsasabay silang lahat (dahil hindi naman talaga't 'di ako
chickboy) pero dahil sa hindi talaga ako ang tipo nilang lalaki. Hindi
kasi ako maginoong bastos. Sa madaling sabi—baduy. Sabi nga
sa'kin ng isang kaibigan, kung nasa 1980's lang ako, marami na raw
akong napasagot dahil papatok ang mga "da moves" ko. Pero
2003 na raw. Iba na raw ang gusto ng mga babae. Pero ganito na talaga
ako. Ako 'to. Baduy kung baduy.
Sinet-up ako ng isang kaibigan sa kaibigan niya sa isang "Christmas
date." Pumayag naman ako. Eto raw yung kapalit sa tulong na ginawa
ko para maka-date niya yung crush niyang basketbolista na kaibigan
ko naman. Hindi na ako nag-isip sa sinagot ko. Pumayag ako. Sa mga
oras na 'yun, naglalakad ako sa tapat ng Sunken Garden. At doon ko
naisip na sa Sunken gawin ang date. Picnic, with matching candlelights.
Para romantic ang dating. Pinaalam ko muna sa ka-date ko kung gusto
niya 'yung kabaduyan ko. Nagustuhan naman niya. Siya lang ulit ang
nakatanggap ng old-school style ko. Romantic nga raw. At nangyari
nga ang "Picnic-Dinner Date Of The Year (?)." Masaya ang
naging simula. Binalot ng kwentuhan, kainan at tawanan ang gabi namin.
Okay na sana ang lahat hanggang sa nangyari ang hindi inaasahan. Sinugod
kami ng rugby boys. Mga 15-18 sila't ang edad ay nasa pagitan ng walo
hanggang dalawampung taong gulang. Ginulo ang date namin. Kinuha ang
mga pagkain namin. Tinangay ang sandals niya. Hinablot ang kamera
ko. Natapos ang picnic namin ng walang ngiting nakaukit sa mga mukha
namin. Naghiwalay kami ng daan. Umuwi siya nang nakapaa. Umuwi ako
nang luhaan.
Gusto na sanang magsalita ng labi ko ng hindi ko alam at balak itanong
sa'kin kung bakit pa kasi sa Sunken Garden ang naisip kong lugar.
Pwede naman sa karaniwang lugar tulad ng Parks and Wildlife. Marami
pang hayop doon. Ewan ko. Tuwing umuuwi kasi ako ng gabi, marami akong
nakikitang mga taong nakatambay sa pusod ng Sunken na tila bang kapag
nandun ka'y para bang ang saya-saya. Saksi ang Sunken sa hindi na
mabibilang na mga magkaibigan na naging magka-ibigan. Saksi rin ang
Sunken sa maraming beses na pakikipagtalik ng mga taglibog, magsyota
man o hindi. Nakikisaya rin ang Sunken sa mga okasyong gaya ng bonding
night ng mga grupong T.G.I.S, G-mik, Click at Berks. Ako rin. Gusto
ko ring masaksihan ako ng Sunken sa una kong seryosong date matapos
ang higit sa isang taong pagkakait ni Manong Tadhana.
Pero iba ang nasaksihan ng Sunken Garden sa'kin.
Nakalimutan ko na lagi palang may dalawang mukha ang buhay. Hindi
ko naisip na nasasaksihan din pala ng Sunken ang mga kalungkutan ng
mga tao. Hindi ko naisip na ang Sunken pala'y takbuhan din ng mga
estudyanteng bigo sa Nat Sci 1, mga bagong gradweyt na bigong makapasa
sa job interviews at mga taong simpleng bigo sa pag-ibig. Sinaksihan
ng Sunken ang date ko't kung paano kami nilusob ng mga rugby boys
at kung paano kami nalinlang ng kanilang kakulitan. Saksi ang Sunken
kung paano nakuha ang kamera sa loob ng bag ko. Bakit hindi niya man
lang binulong sa'kin na kinukuha na pala yung kamera ko na pinakamahal
na bagay na binili ng magulang ko para sa'kin? Bakit hindi niya kinain
at binaon sa kanyang lupa ang mga batang nagkilos-kriminal? Bakit
hinayaan niyang masira ang date kong pinaghandaa't pinaghirapan ko
ng halos isang linggo? Ang dami kong tanong na hindi naman masasagot.
Sabi ng mga kaibigan ko na nakiramay sa kalungkutan ko, ang lahat
ng bagay ay may dahilan. Ano kayang dahilan kung bakit ako pa ang
nabiktimang nakawan at kamera ko pa talaga ang nakuha? Inisip ko na
lang na may kanser ang lahat ng nanay nila't kailangan nilang magnakaw
para may panggastos sila sa ospital. Kung sa gayon ay nakatulong pa
pala ako. Ang labo.
Isang buwan at kalahati na ang lumipas, naaalala ko pa rin ang kamera
ko. Kung naging babae lang ito, ito na marahil ang girlfriend ko.
Araw-araw ko kasi siyang kasama kahit saan ako magpunta. Hindi kami
mapaghihiwalay. Siguro, kaya hindi ako nagkaroon ng girlfriend noon
dahil nagseselos ang kamera ko't baka gamitin ko na lang siya tuwing
bertdey ko. Kaya kapag may nagiging crush ako, hindi man lang ako
nagkakaroon ng pagkakataon na maging dahilan ng kanilang pagngiti
dahil sa umpisa pa lang ay kinokontra na ng kamera ko't para bang
sinisiraan ako sa kanila para ma-turn off sila't lumayo na. At dahil
doon, nasosolo na naman niya ako. Minsan, iniisip ko kung sinadya
nitong magpanakaw dahil ang manhid ko na isama pa siya sa date ko.
Kung totoo man ang kahibangan kong ito, bad trip dahil hindi man lang
ako nakapag-sorry sa mahal kong kamera.
Pero sa ngayon, tuloy pa rin ang buhay. Napanood ko ulit ang "Wedding
Singer" noong isang araw at natatawa pa rin ako sa mga hirit
ni pareng Adam. Kahit walang girlfriend, ayos lang. Kahit walang kamera,
ayos na rin. May dahilan kung bakit mas magaan na ang backpack ko
di tulad ng dati. Araw-araw ko pa ring nadadaanan ang Sunken at no
hard feelings naman ako dito. May mga nasasalubong pa rin akong mga
rugby boys na namamalimos sa ilalim ng flyover sa may Katips at kung
minsa'y nabibigyan ko pa sila ng piso. Tuloy pa rin ang buhay ko.
Ang lahat ng ito, gustuhin ko man o hindi, bahagi na sila ng aking
pag-iral. Kaya naniniwala ako na darating din ang tamang panahon na
magde-date ulit ako ng walang susulpot na mga rugby boys. Darating
ang araw na magkakaroon ulit ako ng girlfriend na hindi ako ipagpapalit
sa coño. Darating araw na tatambay ulit ako sa Sunken ng abot
langit ang ngiti. Darating ang araw na magtatagpo ulit kami ng kamera
ko't magsasama muli.
Pero sa ngayon, ako muna si M, ang kaibigan ni Mr.Pitik.
---------------
Reaksyon ito ni M sa kolum ni Vlad
Gonzales tungkol sa kanya noong nakaraang isyu.