| Alipato |
 |
| Alexander
Martin Remollino |
"ANG PUNONG hitik sa bunga'y laging binabato," malimit
sabihin ng mga nakatatanda. At siya namang totoo, sapagkat santambak
ang tamad sa paligid na sa halip na magtiyagang umakyat o kaya'y kumuha
ng panungkit upang makuha ang mga bunga'y nagkakasya na lamang sa
pambabato sa puno at nang mahulog ang mga ito.
Isang punong hitik sa bunga ang ating Pangalawang Pangulo, si Teofisto
"Tito" Guingona, Jr.—makabayan, makademokrasya, matalino.
Kung kaya naman siya'y laging binabato ng panunuligsa.
Laging ipinupuna kay Guingona ang tungkol sa kanyang masugid na pagsusulong
ng nasyunalismo. Anang mga henyong kanyang mahihigpit na kritiko,
ang nasyunalismo ay lipas na sapagkat sa panahong ito ng "interdependensiyang
pandaigdigan," hindi tayo maaaring tumiwalag mula sa sandaigdigan.
Kung babasahin ng sinumang matalinong paslit ang kasaysayan, di niya
maiiwasan ang matawa sa kaytatanda nang manunuligsa ng nasyunalismo,
sapagkat maliwanag niyang makikitang ang kanilang mga tuligsa ay nanggagaling
sa mga ulong kung nalalamnan man ng kahit iisahing onsang utak ay
wala namang nalalaman ni gabutil sa nilalayon nito.
Unang-una, ang nasyunalismo ay di naglalayon ng pagkakatiwalag mula
sa sandaigdigan sapagkat ang mga pangunahing tagapagsulong nito'y
pawang may sapat na kakayahan ng isip upang maunawaang hindi maaari
ang mahiwalay ang alinmang bansa sa sandaigdigan dahil sa pagkakaugnay
ng mga tao sa isa't isa. Magmula kina Claro Mayo Recto, Lorenzo Tañada,
at Jose Diokno hanggang kina Tito Guingona at Wigberto Tañada,
ang nasyunalismo ay hindi kailanman nagpahaging man lamang sa pagpapanukalang
itiwalag ang Pilipinas sa sandaigdigan—ang nilalayon lamang nito
ay isang pangkalahatang kaparaanan ng pakikipag-ugnayang panlabas
na titiyak na ang ating soberanya ay mapangangalagaan.
Ikalawa'y kahit ang pinakamangmang na utak, kung mag-aaral nang kaunti'y
makatatalos na hindi pa lipas ang halaga ng nasyunalismo sa panahong
ito ng "interdependensiyang pandaigdigan." Kahit ang pinakamalalalabong
mata, kung kahit saglit na tititig sa katotohana'y makakikitang walang
nangyayaring pandaigdigang interdependensiya sa ilalim ng kasalukuyang
kaayusang pandaigdig. Ang nangyayari'y neokolonyal o di-tuwirang dominasyon
ng iilang malalakas na bansa ng Hilagang Amerika at ng Europa sa di-mauunlad
bagama't mayayamang bansa ng Asya, Aprika, at Amerika Latina—sa
hangaring pakinabangan nang husto ang mga kayamanan ng mga ito.
Isa sa maliliwanag na biktima ng kaayusang ito ang Pilipinas. Mahigit
sa isang daang taon na tayong nakakapit sa pundilyo ni Tiyo Samuel
at talaga namang pabundat nang pabundat ang kanyang tiyan, habang
tayo'y palalim nang palalim ang pagkakalublob sa poso negro ng karukhaan.
Sa ganitong kalagayan, malinaw na higit nating kailangan ang nasyunalismong
isinusulong ng Pangalawang Pangulong Teofisto "Tito" Guingona,
Jr.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.