v25
Enero 16-31, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Ang Kuwento ni M

Pitik
Vlad Gonzales
  1. Ang artikulong ito ay para kay M, isa sa mga malapit kong kaibigan. Sikat na sikat ang kaibigan kong ito sa eskuwela dahil bukod sa magaling siyang magbasketbol at mahilig magpatawa ay likas talaga siyang palakaibigan. At saka bihira siyang tumanggi sa akin kapag nagpapalibre ako sa kanya, mapa-fishball man o monay o Chickenjoy. Nakatutuwa rin ang pagkahilig niya sa mga pelikula ni Adam Sandler, tulad ng "The Wedding Singer," "Waterboy" at "Little Nicky." Isang hopeless romantic ang kaibigan kong ito.

  2. Marami-rami akong naiisip na paksang maisusulat ko bukod kay M, lalo na't unang artikulo ko ito para sa 2003. Puwede kong ikuwento si Mang J, yung paborito kong magmomonay, o si T at ang kanyang magulo-masaya-masalimuot na relasyon sa mga lalaki, ang coming out story ni C, isang kaibigan at kapwa manunulat, o kaya'y ang pagkamatay ni Lola S, ang nanay ng lola ko, na kapag binabalikan ko ang alaala ng kanyang pagkabuhay ay ang edad lang niya ang natatandaan ko (siya kasi ang lolang di mamatay-matay; umabot siya ng 96 bago na-boxout ni Kamatayan). Maaari pa nga akong magsulat ng artikulo tungkol sa akin, at sa aking taong punung-puno ng kadramahan at kalokohan, at tatapusin ko ang artikulo ng mga linyang tulad ng "ako'y isang manunulat, isang intelektuwal at artista na ninamnam ang bawat segundo ng aking buhay, na sa kalagitnaan ng mga bagyo'y nanatiling matatag, mahusay at, higit sa lahat, GUWAPO."

  3. Pero hindi. Para kay M ang artikulong ito. At kahit di ko binabalewala ang posibilidad na puwede akong matigok anumang oras, ipagpapaliban ko muna ang pagkukuwento sa sarili ko. Hindi ba't sabi ng iba'y dapat nating isulat ang mga taong hindi nabibigyan ng sariling tinig sa ating lipunan? Kung tutuusin nga'y isang pagdadamot na itong ginagawa ko, dahil sigurado namang mas maraming problemang kailangang lutasin kesa sa kung ano ang ikukuwento ko tungkol kay M. Pero magbabakasakali na rin ako, magbabakasakaling may sapat pa akong oras para magkuwento tungkol sa iba pang mga bagay-bagay na konektado sa aking lipunan, at kung may sapat na oras pa'y makapagsulat pa ng ilang kuwento tungkol sa aking sarili. Sa ngayon, si M muna ang bida.

  4. Ganito kasi iyon: bilang unang installment sa pakikipagkilala ni M sa isang babae, naisipan niyang makipag-dinner date dito. Medyo umiral ang kanyang pagiging romantiko kaya naman isang picnic dinner sa may damuhan ang kanyang naging plano (mas romantiko ito kesa sa pagkakakuwento ko). Pagdating ng araw ng date, naihanda na ni M ang lahat-pagkain at inumin, blanket na panglatag, kandila (romantic daw ito), cooler (para malamig ang inumin nila), jacket (malamig-lamig ang panahon, kalagitnaan kasi ng Disyembre), at ang pinakaiingatang SLR camera ni M, nalagyan na ng baterya at film na 36 shots (para may remembrance). Masasabi kong matinding paghahanda ang ginawa ni M para sa date na ito. Siyempre nga naman, unang beses pa lang silang magkikita. Mahalaga ang unang impresyon.

  5. Matagumpay namang naiayos ni M ang lahat. Dumating ang kanyang ka-date at mukhang hindi naman nasayang ang paghihirap ng kaibigan ko. Gaya ng normal na date, nagkaroon ng kainan, kuwentuhan, biruan, at kodakan (pero teka, normal ba sa date yung may nagbabaon ng kamera? Magandang pag-isipan). Mukhang ayos naman ang lahat, pero sa kalagitnaan ng kanilang dinner-date sa may open field ay sinugod sila ng isang batalyon ng rugby boys. Ayun, medyo hindi normal yun.

  6. Kaya ayun, natapos ang huling bahagi ng dinner-date ni M sa pakikipag-usap sa rugby boys, nagbabakasakaling mapapaalis ang mga batang sumugod sa kanila sa pamamagitan ng pakikiusap. Pero mahirap makipag-usap sa kahit sinong nasa impluwensya ng kung anong kemikal, lalo na kung sabay-sabay silang nagsasalita at nangangalikot ng mga pagkain at gamit mo sa iyong dinner-date. Natural na wala ako noong nangyari iyon, pero nakasisiguro akong hindi kagalakan ang naramdaman ni M noong mga oras na iyon, lalo na siguro yung babaeng kasama niya. Marami-raming pagkain ang nakuha ng mga batang nagso-solvent. Nagulo ang mga gamit na iniayos ni M para sa kanyang date. Napansin din niyang nawawala na rin ang isang tsinelas ng ka-date niya. Nahihiya man, gumawa pa rin ng paraan si M para kahit paano'y mapangiti ang kanyang kasama. "Di bale," hirit niya, "Magkuhaan na lang tayo ng litrato para may remembrance." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay kinuha niya ang bag niya't hinalukay ang kanyang kamera.

  7. Wala ang kamera sa bag.

  8. Nawawala ang kamera, ang kamerang halos isang taon pa lang niya ginagamit. Nagkita kami pagkatapos ng disaster-date na yun, galing naman ako sa isang Christmas party kasama ng ilang kaibigan. Habang pinapanood ko siyang nagkukuwento sa mga kaibigan ko tungkol sa nangyari, habang matamlay niyang inaayos ang mga natirang gamit sa loob ng malaking bag, pilit kong iniintindi ang lohika ng mga pangyayari. Bakit kailangang manakawan ni M? Bakit kailangang sa kalagitnaan pa ng date niya? Bakit may rugby boys na nagnanakaw? Bakit may mga batang nagra-rugby? Bakit kapag pinipilit mong alamin ang lohika ng mga nangyayari sa iyo, parang lalo lang nagpapatong-patong ang mga tanong na parang puro tanong din ang sagot?

  9. Yun. Yun ang kuwento ni M, o ang maliit na bahagi ng kuwento niya. At para sa bagong taon at sa mga taong kasunod, ang hiling ko'y makapag-date si M at ang lahat ng tao nang walang rugby boys na susugod upang nakawan sila ng gamit. At saka, sana'y wala na ring rugby boys talaga, sana'y wala nang dahilan para magkaroon ng mga batang hindi nabibigyan ng tamang pag-aalaga kaya nadidikit sa solvent ang buhay. Sana'y wala nang mahirap at paghihirap. Sana'y wala nang gulo. Sana'y puwede tayong lumabas ng bahay nang walang pag-aalala sa panganib para sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Sana'y maging masaya ang lahat. Masaya at payapa.

  10. Nakakatawa ano? Sa hinaba-haba ng naikuwento ko, mapupunta rin pala ang usapan sa kapayapaan para sa mundo. Pero hindi ba't ito naman talaga ang gusto ng bawat tao? Nakakatawa, mag-iba man ng anyo o atake o layunin, sa huli'y kaligayahan at kapayapaan din pala ang hinihiling nating lahat.

    ---------------
    May paksa ba kayong gustong talakayin sa Pitik? Sumulat lamang sa amin. Hihintayin ko ang mga e-mail ninyo.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan