v25
Enero 16-31, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

TULA
Banana Cue

Sanay na ang iyong tumbong
sa lamig ng mabatong sahig.

Kinakausap mo ang hangin
habang nakalatag ang iyong mga saging.

Sumisigaw nang nakapinid ang bibig.
Marahil dinadalit mo

na umulan ng mga bungangang
ngunguya sa 'yong panindang matamis.

Kasabay mong hihilinging wala na sanang
mabiktima ang diabetes.

Sapul ng iyong mga titig
ang naglilipanang dahon

at hinihiraya mong maging asukal
ang makulimlim na langit

habang ang iyong mga paa'y
matamlay na pumapadyak

upang bugawin
ang mga langgam.

---------------
Si Mykel ay bokalista ng bandang "Petroleum Kelly." Dati siyang Kultura Editor ng Philippine Collegian. Mahilig siya sa Pusa.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan