…primary purpose of your facial feature
is not to make you recognizable; it is to
enable you to sense the world.
—Atkinson et al. Introduction to Psychology
May halimuyak ang mga sandali.
Tila 'di inaasahang amoy na dadapo
sa kasuluk-sulokan ng iyong gunita,
upang doo'y manirahan at balang araw
ay gisingin ka't ipaalala
na napakalayo mo na sa lugar
kung saan una mong nalanghap
ang malutong na tawa ng hanging
nakakumot sa buong Baguio;
ang malagkit na ngiti ng piyesta't
maharot na sayaw ng alikabok
sa gabi ng koronasyon at baile
sa isang liblib na baryo;
ang malandi't nakakabahing
na pangingiliti ng pabangong tumatakas
sa banyagang balat—
nang minsa'y tumawid ka ng dagat;
o ang matapang na sigaw ng alingasaw
ng ihi, dumi, dugo, pawis,
at nabubulok na laman
sa esterong dinalaw mo't kinapanayam
para sa isang asignatura sa paaralan.
Napakalayo na nila sa iyo
pero naamoy mo pa rin
ang kanilang alaala.
---------------
Nagtapos si Reagan Romero Maiquez ng Araling Pilipino sa UP Diliman.
naging fellow sa tula sa 40th UP writers' workshop sa Baguio at kasalukuyang
konektado sa Philippine Collegian. Nahuhumaling siya sa matatalim
at kumikinang na bagay tulad ng punyal at pesca la luna.