MATAPOS ANG ilang taong hindi paglalabas ng bagong album at pagpapaisip
sa mga tagapakinig kung siya kaya'y may balak pang gumawa ng kanta,
bumulaga noong taong nagdaan si Gary Granada sa pamamagitan ng isang
obrang pinamagatan niyang Saranggola sa Ulan.
Noong hindi pa nailalabas ang album na ito, may maminsan-minsang
lumalabas na balitang ito raw ay isang proyektong eksperimental. Sandaling
pakikinig lamang sa album ang kinakailangan ng matalinong tagapakinig
upang lubusang maunawaan kung bakit nasabi ang gayon. Sa Saranggola
sa Ulan, binalikan ni Gary Granada ang mga uri ng pangmusikang piyesang
halos limot na—ang mga awiting-bayan at ang mga kundiman. Hinalungkat
niya ang awiting-bayan at ang kundiman sa baul at kanyang hiningahan
ng bagong buhay ang mga ito sa pamamagitan ng sariwang-sariwang mga
titik.
Ginamit ni Granada ang awiting-bayan upang ilarawan ang buhay sa
lalawigan at kung paanong sa maraming paraa'y higit itong mainam sa
buhay-lunsod, upang ipaliwanag kung paanong higit na mahalaga ang
pag-ibig kaysa kayamanan. Makikita ito sa mga kantang tulad ng "Ang
Aking Kubo,""Sa Puno ng Mangga," at "Lalawigan".
Ginamit naman niya ang kundiman upang ibulalas ang dakilang damdamin
ng umiibig—sa kasintahan man o sa bayan—at ng kalungkutan
ng nasasawi sa pakikipag-ibigan. Ito'y makikita sa tampok na awiting,
ang lubhang makapangyarihang "Saranggola sa Ulan," na tila
tumutukoy sa naging eksperimento ng Amerikanong siyentipiko, pilosopo,
manunulat, at rebolusyonaryong propagandistang si Benjamin Franklin
at maliwanag na nagsasabing maging yaong tila hindi mangyayari kahit
kailan ay maaaring mangyari, at sa "Usahay,""O, Naraniag
a Bulan," at sa malaantemang "Sinisintang Bayan'" na
ang umawit doon sa album ay si Bayang Barrios, yaong bantog na Manobong
may tinig na sukat makahukay sa mga damdaming sakdal ng kalaliman
ang pagkakabaon sa lupa ng puso.
Mayroon pang kanta tungkol sa mga kabutihang naidudulot ng asin sa
ating pagkain.
Naroon pa rin ang matatalim na pagpuna sa lipunan, at sa mga tao,
na makikita sa "Manamana Lang Yan" at sa "Mga Kanta
ni Goryo". Itong huli'y tinitikan ni Jess Santiago at nilapatan
naman ni Gary Granada ng himig na kinuha sa mga awiting-bayan at sa
ilan sa sarili niyang mga kantang Ginebra.
Datapwat hindi lang mga lumang uri ng pangmusikang piyesa ang binigyan
ni Granada ng bagong buhay sa Saranggola sa Ulan.
Dalawang lumang awitin ang binigyan niya ng bagong buhay dito.
Una'y ang "Saan Ka Man Naroon" ni Levi Celerio. Wari'y
paggunita niya ito sa namayapang Pambansang Alagad ng Sining, na nang
bigyan ng serbisyong nekrolohiko ay halos pansinin-dili ng pabatirang
madla (si Kara David lamang ng GMA-7 ang tagatelebisyong dumalo roon
upang makapag-ulat) pagkat halos kasabay niyang namatay ang kabataang
aktor na si Rico Yan.
Ikalawa'y ang sarili niyang kantang "Kahit Konti," na nang
magwagi sa Metropop Song Festival noong dekada 1970 ay naging dahilan
ng pagwawala ng mag-asawang Marcos, na hindi makalunok sa tema nitong
mapamuna sa diktadura.
Bukod pa rito'y naglakip din si Granada ng isang nakaaantig na rendisyon
nila ni Bayang Barrios ng "Ultimo Adios" isang tula sa Kastila
ni Dr. Jose Rizal. Ilan sa mga saknong ng tulang ito ang kinuha ni
Granada upang lapatan ng himig at samahan ng salin sa Pilipino.
Sa album na Saranggola sa Ulan, kakulangan ang sabihing si Granada'y
walang ipinakikitang tanda ng pagkupas ng kanyang kakayahan. Sa paglabas
ng album na ito, wari'y isa siyang magaling na atletang nawala nang
ilang taon, ngunit kaya pala nawala'y lalong nagpalakas ng katawan
sa pamamagitan ng pagsasanay sa matarik na kabundukan, kung saan lalong
mahirap ang pagsasanay, at nang bumalik ay higit na matipuno at magilas
kaysa rati.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.