DATI, DI ako makaisip ng matino hanggat walang kape na bumabasa sa
dila ko. Ang isip ko ay parang tigang na lupa na kailangang sabuyan
ng pataba para magkaroon ng silbi. Sa kaso ko, ang pataba ay isang
mainit na kape. Ito ang kasama ko sa puyat, sa hirap ng kalooban o
kaya naman sa mga oras na sobra ang aking pagkainip. Pagkainip sa
buhay at sa mga bagay-bagay na parang walang katuturan.
Noong bata pa ko, parati kaming pinaiinom na magkakapatid ng ina
namin ng isang baso ng mainit na gatas bago matulog. Isang baso para
sa kuya ko, isang baso para sa bunso naming kapatid at isang baso
pa uli para naman sa akin. Gabi-gabi, di kami pwedeng matulog nang
di umiinom ng gatas. Sabi ng aming ina, pampalusog daw iyon ng buto
at pampalakas ng katawan.
Bata pa ako, ayaw ko na ng lasa ng gatas. Para kong nasusukang di
ko maintindihan. Sinubukan ko yung ipaliwanag sa aming ina pero ipinilit
pa rin nya ang pag-inom namin ng gatas. Kaya wala akong magawa kundi
sayangin ang bawat timpla na ginagawa niya.
Isang baso ng gatas diretso sa arinola gabi-gabi. Kaya sa halip na
dilaw na ihi ang tinatapon ko sa kubeta sa umaga ay panis na gatas.
Minsan, nang wala si inay, nagtimpla ako ng mainit na kape at ninamnam
ang lasa nito. Ang sarap. Di ko maintindihan basta masarap. Ginagawa
ko yun tuwing hapon. Tuwing hapon ay nagtitimpla ako ng isang baso
ng kape. Nagtaka ang inay kung bakit mabilis maubos ang kape namin
samantalang si Itay lang naman ang umiinom sa amin ng kape. Hanggang
isang araw ay nahuli niya ang salarin. Di nagtagal ay nadiskubre na
rin niya ang tungkol sa panis na gatas at arinola. Simula noon, si
kuya at ang bunso kong kapatid na lang ang ipinagtitimpla niya ng
gatas gabi-gabi. Ipinagbawal ni Inay ang pag-inom ng kape sa bahay.
Pati si itay ay nadamay. Di na bumibili ng Nescafe si Inay, puro gatas
at Ovaltine na lang.
Ayaw ko ng gatas. Kape. Kape ang gusto kong inumin pero sabi ng inay,
masama daw ang kape sa katawan. Pang-matandang inumin daw ang kape.
Kaya hinintay kong lumaki ako....
Maniwala ka man o hindi, nakatikim na lang ulit ako ng kape noong
nag-kolehiyo ako. Sa Quezon City ako tumira, sa bahay ng tiyahin ko.
Matandang dalaga at nag-iisa sa buhay kaya natuwa noong nalamang makikitira
ako sa kanya. Sabi ng inay, pansamantala lang daw habang di pa ako
nakakahanap ng boarding house. Matakaw din sa kape si tita kaya sangkatutak
ang suplay niya sa bahay. Merong Nescafe, merong barako, meron pang
imported. Meron din siyang sariling coffee maker sa bahay kaya mabilis
magtimpla ng kape. Noong unang tikim ko ng kape pakiramdam ko ay isang
lantang halamang biglang nadiligan at biglang nagkabuhay. Ang sarap
ng kape! Di naman ako sinisita ni tita kahit tila ako na halos ang
nakakaubos ng mga kape nya.
Madalas kong kasama ang kape sa gabi lalo na't puyatan para sa midterm
at finals. Sa pagre-review, sa pag-compose ng term paper, book review
at kung anu-ano pang ipinasusumite ng prof namin sa school.
Di ako dati mahillig sa kapeng may yelo pero nung natuklasan ko ang
Starbucks, Coffee Expressions, Seattle's Best at kung anu-ano pang
sikat na kapihan, na-addict na din ako. Madalas yung Mocha frappe
o pag may pera yung may mocha frio. Malapit lang ang Starbucks sa
school kaya minsan, pag may oras, dumadaan ako dun. Madalas, bago
umuwi ng bahay. Minsan niyaya ko yung mga kaibigan ko minsan ako lang
mag-isa. Pero mas madalas, mag-isa lang ako. Kilala na nga ako ng
mga crew do'n, lalo na yung baristang si Slim Shady. (Di 'yon ang
totoo niyang pangalan, ako lang ang nagbansag nun sa kanya kasi, kamuha
niya si Eminem minus the blonde hair.)
Di raw siya mahilig sa kape kaya lang, kailangan niya ng extra income
kaya nag-apply siya sa Starbucks. Tinanong ko siya kung may libre
bang Mocha Frap ang mga crew. Sabi ni Slim, oo daw, kahit ano puwede
nilang inumin, basta naka-duty sila. Nanlaki mga mata ko. 'Tapos,
may bumbilyang sumindi sa utak ko. Nagpatulong ako ke Slim na mag-apply
sa Starbucks. Naisip ko kase na malaking katipiran sa allowance ko
kung magtatrabaho ako sa Starbucks. Makakalibre na ako ng inom ng
kape me extra income pa ko. Dahil wala na akong pasok tuwing hapon
ng Miyerkules at Biyernes, yun ang napili kong araw ng pagpasok sa
Starbucks.
Nakapasok naman agad ako sa Starbucks at naging barista. Tuwang-tuwa
ako. Bawat duty ko ay nakakatatlong baso ata ako ng Mocca Frap. Minsan
ay biniro ako ng supervisor namin, nalulugi daw ang Starbucks pag
naka-duty ako. Sabi ko naman, ibawas na lang sa sweldo ko. Di naman
nila binawas kaya naisip ko na magdalawang baso na lang kada duty
ko.
Kung magpapatingin ako sa doktor at susumahin ang porsiyento ng likido
sa katawan ko, malamang ay wala silang makikita kundi caffeine. Sa
tuwing magpapalinis ako ng ngipin, nirereklamo ng dentista ko ang
dumi na dulot ng pag-inom ng kape na nakadikit sa gilid ng ngipin
ko. Nahihirapan daw shang magkudkod.
Sa edad na 55, umiinom pa rin ako ng kape pero di na gaanong madalas.
Maliban sa insomia at high blood, wala pa naman akong delikado at
seryosong sakit. Pero dahil buong buhay ko ay wala na akong nilalagok
kundi kape, gusto kong ipahinga muna ang aking katawan. Dati di ako
makaisip ng matino hanggat walang kape na bumabasa sa dila ko. Walang
maisip pag walang kape. Walang kape, wala akong maisip. Ngayon, napipilit
ko ng pagganahin ang utak ko kahit walang kape. Maligamgam na tubig
na lang muna ang binabasa ko sa tigang kong pag-iisip. Ngunit pag
di ko na talaga makaya, sumisipsip ako kahit kalahating tasa lang.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.