v25
Enero 16-31, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

MULA SA PATNUGOT
Ikalawang Hati ng Enero

SUMAPIT NA tayo sa ikalawang hati ng Enero. Makasaysayan sa ating bansa ang ikalawang hati ng Enero sapagkat ginugunita natin sa panahong ito ang tatlong sigwa sa ating nagdaan—isang sigwang iniumang sa sambayanan at dalawang sigwang yumanig sa mga bulwagan ng kapangyarihan at pribilehiyo.

Sa ikalawang hati ng Enero 2003, ginugunita natin ang ikalawang anibersaryo ng pag-aalsang People Power 2, ang ikalabing-anim na anibersaryo ng Masaker sa Mendiola, at ang ikatatlumpu't tatlong anibersaryo ng Sigwa ng Unang Sikapat o First Quarter Storm (FQS) ng 1970.

Enero 16, 2001 nang sumiklab ang People Power 2. Ibinunsod ito ng masidhing pagkapoot ng bayan sa tangkang paghadlang sa katarungan ng mga kampon ng noo'y Pangulong Joseph "Erap" Ejercito Estrada, na noo'y nililitis ng Senado sa harap ng bansa sa mga salang panunuhol, pangungurakot at mga katiwalian, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at sadyang paglabag sa Saligang Batas. Ang isang pirasong ebidensiyang makatutulong sana sa makatarungang paghatol sa sakdal na ibinunga ng sama-samang pagkilos ng mga mamamayan, ng kanilang mga organisasyon, at ng kanilang mga kaalyado ay tinangkang hadlangan ng labing-isa sa dalawampu't isang Senador na noo'y naghuhukom doon. Sa isang biglang igpaw ng ngitngit ay sama-samang nagtungo ang mga mamamayan sa makasaysayang lansangang ang pangala'y EDSA, at sa loob ng sumunod na apat na araw ay ipinahayag nila ang kanilang pagtutol sa patuloy na paghahari ng kaimbihan sa bansa, hanggang sa noong katanghalian ng Enero 20, lumulan ang isang luhaang Estrada sa isang bangkang palayo sa Malacañang at pauwi sa kanyang sinilangang bayang San Juan.

Enero 22, 1987 nang maganap ang Masaker sa Mendiola. Noo'y hindi pa nakararating sa una nitong kaarawan ang pamahalaan ni Corazon "Cory Cojuangco-Aquino, na sa marami sa ating mga aklat-aralin ay ipinagbubunyi bilang isang dakilang lider na muling bumuhay sa demokrasyang inutas ng batas militar. Daan-daang magsasaka ang noo'y namamahayag sa harapan ng Malacañang upang hingin ang matagal na nilang ipinananawagang tunay na repormang agraryo—isang repormang agraryong maglalagay ng kapalaran ng magbubukid sa sarili niyang kamay at hindi magbabago lamang sa bihis ng kanyang pagkaalipin. Tumanggap ng tugon ang kahingian nilang ito, ngunit hindi pagsasakatuparan kundi mga punlo mula sa mga baril ng mga pulis at militar na nakaharang. Marami ang namatay at nasugatan sa masaker na itong hanggang ngayo'y di pa napananagutan ng mga dapat managot.

Enero 26, 1970 nang sumiklab ang FQS. Ang mga kabataan at estudyanteng may ilang taon nang kumukundena sa pamahalaang Marcos dahil sa pangangayupapa nito sa mga interes ng imperyalismong Estados Unidos at di nito pagbuwag sa kaayusang kinatatampukan ng malawak na inhustisyang panlipunan at walang habas na katiwalian sa pamahalaan ngunit di naman dinirinig ng mga nasa kapangyarihan ay lumusob sa Mendiola at nagtangkang buwagin ang tarangkahan ng Malacañang. Pagsiklab ito ng natipong matwid na pagkasuklam ng mga kabataan sa kahambal-hambal na kapalaran ng bayan. Subalit sa halip na ugatin ang pinagmulan ng dahas ng mga kabataang iyo'y gumanti ng dahas ang estado, at marami sa kanila ang pinigtalan ng buhay at di rin mabilang ang mga pinutukan ng ulo at mukha at binalian ng buto.

Makasaysayan ang lahat ng sigwang itong pawang naganap sa buwan ng Enero. Makasaysayan ang pag-aalsang People Power 2 sapagkat naipakita nito ang laki ng maaaring gawin ng isang bayang nagkakaisa. Makasaysayan ang Masaker sa Mendiola sapagkat naipakita nitong ang demokrasya ay di dapat natin makakamit kung iaasa lamang sa mga katauhan kagaya ng ginawa ng marami sa atin matapos na maluklok si Cory Aquino. Makasaysayan ang FQS ng 1970 sapagkat bagama't di nagtagumpay ang mga lumusob sa Mendiola sa litaw na hangaring patalsikin ang pamahalaang Marcos ay napukaw naman nila ang madlang nasanay na tingnan ang kabataan bilang mga taong nasa yugtong ang tao'y nag-aaliw sa kalagitnaan ng kawalan ng alalahaning mabibigat at pagtuklas sa mundo sa labas ng kamusmusan, at nagbunsod ng malalimang pagsusuri sa lahat ng dako at nagpatanto sa maraming kung ang kabataang dapat ay nagsasaya lamang ay maramihang nagbubuwis ng buhay alang-alang sa bayan ay kahambal-hambal nang talaga ang kalagayan ng bayan at nangangailangan na itong sa wika ni Gat. Andres Bonifacio ay "tapunan ng lingap" ng lahat.

Sapagkat makasaysayan ang ikalawang hati ng Enero sa ating kalendaryo, panahon ito upang isagawa ang malalim na pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan. Sa ating kasaysaya'y makikitang itong bayan nating mahilig na magtampisaw sa malalim na imburnal ng kawalang-luwalhati ay may napakalaking kakayahan ding gumawa ng kadakilaan.


Alexander Martin Remollino
Kapatnugot, Tinig.com

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan