NAPANOOD KO ang pelikulang Mano Po. Napansin ko na talagang pinagkagastusan
ang pelikulang ito. Malalaki at tanyag ang mga artistang gumanap sa
pelikula. Pumunta pa sila ng China para mag-shooting ng ilang eksena.
Ang gumawa ng kanilang mga costume ay mga sikat na designer. Kumuha
pa sila ng mga translator para turuan silang magsalita ng wikang Fukien
at Mandarin at nang magamit ang mga wikang ito sa pelikula. Magaling
ang direktor na kinuha para magdirihe ng pelikula. Mahusay talaga
ang paggawa ng pelikula. Dinaig pa nito ang mga ibang pelikula na
punong-puno ng special effect.
Ang pelikulang ito ay hindi basta-basta. Ginawa ito upang ipahayag
ang mabuting aral sa mga mamamayang Pilipino. Ang mga marunong mag-isip
at umunawa lamang ang makakaintindi ng ipinahihiwatig ng pelikulang
ito, sapagkat ang mga hindi marunong umunawa at mag-isip ay hindi
papansinin ang aral na gustong ipahayag ng gumawa nito. Basta lang
sila maghuhusga nang hindi nila pinag-isipan o kaya'y pagtatawanan
lamang nila ang obrang ito. Kung napanood mo ang pelikulang ito, maiisip
mong posible ring mangyari sa inyong pamilya ang sitwasyon na ipinakita
ng pelikula, at kailangang buo ang pagtitiwala mo sa Panginoon kung
sakaling may mangyari sa inyo. Tumatalakay ito sa buhay ng isang pamilya
at ang nangyayari sa ating lipunan.
Ipinakita dito ang mga kaugalian ng mga Filipino-Chinese. Ang kuwento
ay umiikot sa Pamilya Go. Ang Pamilya Go ay napakayaman at kilalang-kilala
saPilipinas dahil sa mga naipundar nilang negosyo at sa mga tulong
na ibinigay sa Chinese community. Malapit din sila sa mga matataas
na tao. Si Richelle Go ay ang miyembro rin ng angkan ng mga Go. Siya
ay naligaw ng landas. Napasama siya sa masasamang barkada. Gumagamit
siya ng droga. Dahil doon, ikinahihiya siya ng kanyang pamilya. Noon
pa man ay ay nararamdaman niya na siya ay isang outcast sa kanilang
pamilya sapagkat hindi naman siya binigyan ng pagmamahal at suporta
dahil hindi siya tulad ng kanyang mga kapatid na masunurin, matalino,
marunong magsalita ng wikang Fukien at Mandarin.
Nahuli siya ng mga alagad ng batas kasama ang kanyang mga iba pang
kasama noong ni-raid ang kanilang lugar. Si Tinyente Bala ang isa
sa mga nanghuli sa kanila. Noong una niyang makita si Richelle, nahulog
ang loob niya rito dahil malakas ang kanyang personalidad at hindi
siya tulad ng ibang babae na nakilala niya noon. Inalok nilang maging
civilian agent si Richelle kapalit ng kanyang paglaya. Pumayag si
Richelle. Pumunta siya ng Hong Kong para sa gampanan ang kanyang misyon.
Napag-alamang sangkot ang malapit na kaibigan ng kanilang pamilya
na si Heneral Blanco. Pumayag si Richelle na titistigo siya laban
kay Heneral Blanco. Subalit tutol ang kanyang pamilya. Ayaw ng pamilya
niya ng gulo. Hindi sumunod si Richelle at dahil doon ay itinakwil
na siya ng kanyang pamilya.
Isang araw, dinukot sina Richelle at ang kapatid niyang si Juliet.
Humingi ng tulong ang pamilya sa kanilang malalapit na kaibigan na
mataas sa lipunan ngunit sila ay bigo kaya wala silang magawa at nagbayad
na lang sila ng ransom. Iniligtas sila ni Tinyente Bala at ang mga
iba pang alagad ng batas. Subalit may masamang nangyari. Iniligtas
ni Richelle si Juliet sa isang kidnapper na gustong pumatay sa kanila.
Tinakpan niya si Juliet kaya siya ang natamaan ng mga bala ng baril.
Muntik na siyang mamatay. Dahil sa nangyari, naapekto ang buo niyang
pamilya. May natutunan silang aral sa trahedyang nangyari sa kanila.
Tinangap nilang muli si Richelle at ang nakakatanda nilang kapatid
na si Vera ay nagbago ng pananaw sa buhay at bumuti ang kanyang pakikitungo
sa kanyang mga ibang kapatid at sa kapwa. Tumatag ang pagsasamahan
ng buong pamilya.
Nagustuhan ko ang pelikulang Mano Po. Maganda ang tema ng istorya.
Katotohanan ang kanilang ipinapakita dito. Hindi nag-iimbento ang
mga manunulat ng kung anu-ano. Nagustuhan ko ang pagganap ng mga artista
sa mga tauhan ng istorya. Hindi lang sila basta umaarte sa harap ng
tabing. Binigyan nila ng buhay ang mga tauhan ng istorya. Nagustuhan
ko rin ang aral na gustong ipahiwatig ng pelikula. Napakahusay magdirek
ni Joel Lamangan. Ganitong klaseng pelikula ang dapat gawin ng mga
produser, hindi mga pelikulang nagpapakita ng kalaswaan.
Ang nagustuhan ko sa pelikula ay ang tauhan ng istorya na si Richelle
Go na ginampanan naman ng isang sikat na sexy star na si Ara Mina.
Sapakat kagaya ko rin siya. Tinatawanan din ako ng karamihan lalung-lalo
na aking aking kamag-anak sapagkat hindi ako magaling magsalita ng
Fukien at Mandarin.
Pareho kaming matapang. Buong tapang ko rin pinanindigan ang aking
prinsipyo at pagharap sa mga pagsubok sa buhay gaya ni Richelle Go.
Kagaya ko rin siya na tapat at mapagmahal sa kapwa. Ang pagkakaiba
nga ko lang sa kanya ay hindi ako gumagamit ng droga at iniisip ko
ang aking magiging kinabukasan. Ang tingin ko kasi kay Richelle Go
ay walang ambisyon sa buhay.
Gustong-gusto ko rin ang karakter na ginampanan ni Maricel Soriano.
Ang papel na kanyang ginampanan ay ang tauhan ng istorya na si Vera
Go. Si Vera Go ang nakatandang kapatid nina Juliet at Richelle. Sa
kanya pinahawak ang lahat ng negosyo ng kanyang pamilya. Hindi lang
dahil paborito ko ang artistang si Maricel Soriano. Gusto ko ang karakter
na ito sapagkat malakas ang kanyang personality. Siya ay matalino,
masipag, responsible at matapang kaya nakamit niya ang kanyang tagumpay.
Sana, lahat tayo ay ganyan para umasenso ang Pilipinas. May pangit
ding ugali si Vera. Hindi ba lahat naman tayo ay may pangit ding ugali?
Masyadong matigas ang kanyang kalooban. Nang dumating ang trahedya
sa kanilang pamilya at namatay ang kanyang nobyo, nagbago siya. Ang
dating pusong bato ay lumambot. Marunong na siyang magpatawad at umunawa
sa kapwa.
May napansin ako sa pelikula, ang kapalaran ng karakter na si Richelle
Go ay kawangis kay Rose Bud. Pati na rin ang ayos ng buhok nito ay
kawangis rin kay Rose Bud. Ang ang eksena na naging testigo siya laban
kay Heneral Blanco ay katulad sa nangyari kay Rose Bud noong tumestigo
siya laban kay Heneral Ping Lacson. Sa palagay ko, ginamit lang ang
kuwento ng buhay ni Rose Bud sa istorya. Siguro, ang gumawa ng script
ay masyadong bilib kay Rose Bud.
Napakagandang pelikula ng Mano Po. Nararapat na panoorin ito ng buong
pamilya dahil magaganda ang aral na mapupulot dito. Nang mapanood
ko ang pelikula, napagisipan ko na hindi lahat ng bagay ay nagkakahalaga
ng salapi. Natutunan kong mas mahalaga ang pagmamahalan at pagkakaisa
ng buong pamilya kaysa karangyaan sa buhay. Mas mabuti rin pala na
gumawa ka ng tama at panindigan ang iyong prinsipyo kaysa maging sunud-sunuran
ka na lang maski alam mo na mali ang prinsipyong sinusundan mo. Aanhin
ba ang reputasyon kung hindi ka marunong magpakatao?
Gusto ko sanang manawagan sa lahat na sana huwag natin huhusgahan
ang ibang tao dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan. Dahil ba siya
ay may dugong Negro, Intsik, Hapon, Amerikano, o Pilipino ay itatatwa
natin siya? Hindi dapat ganoon. Napapansin ko kasing ang mga iba sa
atin ay itinatatwa ang iba dahil iba ang kanyang lahi. Itigil na ang
racial discrimination dahil hindi ito nakakabuti para sa ating lahat.
Hindi aasenso ang Pilipinas kung hindi tayo nagkakaisa. Sino ang magtutulungan?
Walang iba kung hindi tayo-tayo lang. Hindi importante ang panlabas
na kaanyuan. Ang importante ay ang kalooban ng isang tao.
---------------
Si Lady Morgana ay isang Filipino-Chinese.