MAY MGA ahas sa ating bakuran; may mga Bicolanong nakipagsabwatan
sa mga kolonisador. Naging problema ito ng mga Bicolanong nakikilaban
para sa kalayaan ng bayan.
Makikita sa mga kuwento ng mga rebolusyonaryo sa Bicol na hindi sa
kulay ng balat nakikita ang kakampi sa rebolusyon para paalisin ang
isang kolonisador. Ang kakampi ay nakikita sa mga pang-ekonomiya at
pampulitikang interes. Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga Bicolano
na nakipagsabwatan sa mga nagpahirap sa bayan—pareho sila ng
pampulitika at pang-ekonomiyang interes.
May mga Bicolanong nakinabang at nakipagsabwatan sa mga kolonisador
kung kaya hindi na nasorpresa ang mga rebolusyonaryo nang inatake
nila ang pampulitikang kapangyarihang sa Nueva Caceres. Nagkampo ang
mga 400 na Kastila at ilang pamilyang Pilipino sa simbahan ng San
Francisco (Gerona, 1988). Sa simbahan nila gagawin ang kanilang depensa
laban sa galit ng bayan. Sino kaya an mga Bicolanong pamilyang ito
na kasama ng mga Kastila habang ang interes ng karamihan ay magrebolusyon
para palayasin ang mga mananakop?
Ang nangyaring pagkakampo sa simbahan ng San Francisco ay isa ring
paalala. Sinasabi nitong Kinaibigan at kinupkop ng simbahan ang ilang
Bicolano para sa kanyang pananakop. Maiintidihan ang desisyon ng mga
rebolusyonaryo na labanan ang mga taong simbahan na noon ay kaisa
ng gobyernong Kastila na nagpahirap sa bayan nang halos 350 na taon.
Kaya naman hindi nakakapagtaka na ang ibang kalaban ng pamahalaang
Kastila ay dinadala sa kumbento ng mga prayle. Agad-agad pagkatapos
na nadiskubre ang Katipunan ni Andres Bonifacio, nag-umpisa rin noong
Setyembre 1896 ang pagpapaaresto sa mga Bicolanong pinaghihinalaang
may sentimiyentong laban sa Kolonisador. Pinadakip ng mga Kastila
ang acting-mayor ng Naga na si Tomas Prieto at si Pedro Benito, isang
mekaniko. Dinala si Prieto sa kumbento ng San Francisco kung saan
grabeng pag-torture (Gerona, 1988) ang kanyang nakuha. Tinorture sa
kumbento ng mga prayle? Pinayagan ng simbahan ang pag-torture kay
Prieto?
Napalayas ng rebolusyon ang kinatatakutang mga prayleng Kastila at
mga traydor na Bicolano mula sa pampulitikang kapangyarihang. Pero
maiksi lang na panahong nagkaroon ng kalayaan sa Kabikulan. Inagaw
na ito ng mga Amerikano. Hindi pumayag ang mga Pilipino na magkaroon
ng bagong kolonisador kaya lumiyab ang Digmaang Pilipino-Amerikano
noong Pebrero 4, 1899. Nakita ng mga rebolusyonaryo na ang pang-ekonomiya
at pampulitikang interes ng mga Kastila at bagong kolonisador ay iisa.
Sa Bicol nag-organisa ng mga yunit gerilya laban sa mga Amerikano.
Ipinagpatuloy lang nila ang rebolusyong inumpisahan sa pahanong ng
Kastila para protektahan ang interes ng bayan. Tulad sa panahon ng
Kastila, mayroong mga Bicolaong nakadagdag sa hirap ng bayan. Nakapagpabagal
sila para bawiin ang kalayaan na inagaw ng mga Amerikano. Kumampi
sila at nakipagsabwatan sa bagong mananakop. Tulad sa mga kalaban
ng rebolusyon sa panahon ng Kastila, gusto lang nilang protektahan
ang pansariling interes at hindi ang interes ng bayan.
Isang klasikong kwento laban sa mga Amerikano ay ang kuwento ng rebolusyonaryong
si Simeon Ola ng Guinobatan, Albay. Nahirapan ang mga Amerikanong
okupahin ang Albay dahil sa mga gerilya ni Ola. Uminabot sa 1500 gerilya
ang yunit nila na lumulusob sa mga bayan-bayan. Si Ola ang huling
Heneral na naloko ng mga Amerikano para bumaba mula sa kabukiran.
Mangilan-ngilang Bicolano ang tumulong sa mga Ameriano para pasukuin
si Ola. Sinamahan pa ni Don Ramon Santos si Major Jesse Garwood sa
kampo ni Ola; nagtipon pa ang mga local na elite sa Albay ng P10,000
(Gerona, 1988) na ibibigay kay Ola para sumuko ito. Laking ikinagalit
ito ni Ola. Ano kaya ang interes ng grupo ni Santos at elite sa Albay
at gustong-gusto nilang mawala ang mga rebolusyonaryo sa kabundukan
ng Bicol? Ang giyera ng Pilipino at ng mga Amerikano ay nagresulta
sa pagkawala ng $600,000.00 sa pag-eksport ng Abaca (Gerona, 1988).
Hindi nakakapagtaka kung ang mayayaman ang may-ari ng mga Abacahang
ito sa Bicol na gustong mahinto ang pakikipaglaban ni Ola. Ito ang
dahilan kung bakit kinukumbinsi ang mga rebolusyonaryo na sumuko-nais
nilang protektahan ang kanilang pang-ekonomiyang interes.
Nang "makumbinsing" (naloko, sabi ni Ola sa isang interview
(Dy-Liacco, 1996)) bumaba si Ola noong Setyembre 25, 1903, ang isa
sa mga nabiyayaan ay si Don Ramon Santos. Ginawang governor ng Albay
si Santos (Gerona, 1988) noong 1904. Alam ng mga Amerikano na ang
inilagay na gobernador, na aktibong nagpasuko kay Ola, ay maaasahang
pangangalagaan ang kanilang pampulitika at pang-ekonomiyang interes
sa Bicol. Halos 50 taong naghari ang mga Amerikano sa Bicol nang dumating
ang mga mananakop na Hapon. Nag-aaway ang mga mayayamang kapitalistang
bansa sa yaman ng mundo. Nag-aaway ang pang-ekonomiyng interes ng
Amerika at Hapon. Naipit lang sa gitna ang Pilipinas kaya napasama
ito sa World War II (WW2) bilang kolonya ng Amerika. Tulad ng mga
nakaraang pagsakop sa rehiyon, mayroon ding mga Bicolanong kumampi
sa mga Asyanong mananakop. Kaya naman pinupuntirya ng mga Bicolanong
gerilya ang mga kababayang taksil na nakipagkolaborate at kumampi
sa mga Hapon.
Sa Camarines Sur, mayroong tinatawag na mga GANAPS na tumutulong
sa mga Hapon na sunugin ang mga bahay at pumatay sa kapwa Bicolano.
Ang ibang mga traydor ay kasama ng mga Hapon na pumasok sa mga komunidad
at tinuturo sa mga dayo ang mga gerilyang laban sa Hapon.
Naobserbaran ng mga gerilyang galing sa Partido, Camarines Sur na
lumusob sa Naga noong May 1, 1942 na mayroong mga Bicolanong kumampi
sa mga Hapon sa pakikipagbarilan. Isang sniper na miyembro ng pro-Japanese
na KALIBAPI ang sumalubong sa mga gerilya sa may tulay ng Panganiban
sa Naga. Todo-todong pro-Japanese ang sniper dahil nagbalot pa siya
ng bandilang Hapon nang mahuli siya ng mga gerilya (Dy-Liacco, 1996).
May mga Bicolano rin na kahit walang direktang pagtulong sa kalaban
ay pahirap din. Hindi na nga nakakatulong naging hadlang pa sa kilusang
mapagpalaya. Ang iba sa kanila, noong WW2, ay tinatawag na mga "gerilyang
manok." Ginagamit lang nila ang sukbit na baril para puwersahang
makapanghingi sa mga kababayan. Lagi nilang hinihingi ay manok, kaya
sila tinawag na "gerilyang manok." Dahil sa takot ng komunidad
sa mga "gerilyang manok," nahirapang makakuha ng suporta
ang kilusang laban sa Hapon. Sa pananaw ng mga tunay na gerilya, natutulungan
nila ang mga kalaban.
Isa pang nakita ni Estela "Telay" Anciano, ng Tangkong
Vaca Guerilla Unit (TVGA) sa Camarines Sur, ay ang mga pekeng gerilya.
Naglabasan sila ng tapos na ang giyera. Kung ano-ano ang kanilang
mga kuwento para makakuha lang ng mga benepisyo ng isang beteranong
gerilya. Marami ang pagkakataong sila pa ang nauuna na makakuha ng
benepisyo kaysa sa tunay na nakilaban. Sabi ni Telay, "kung sino
ang mabilis magproseso ng papel ay siyang busog" (Calara, 2002).
Iniisip lang ng mga pekeng ito ang kanilang pansariling interes.
Babantayan talaga ang mga pekeng gerilya dahil sinisira nila ang
kuwento ng bayan. Nakakapatagal sila sa pagiging institusyon ng kalayaan.
Dahil ang laban ay hindi nagtatapos sa pisikal na labanan—mayroon
pang sa isip at kultura. Kung mali ang kasaysayan, mali rin ang magiging
institusyon na kalayaan. Nakita ito sa pagpapalayas sa mga Kastila,
akala ng bayan tapos na ang laban. Iyong mga Bicolanong nakipagsabwatan
sa mga lumang mananakop ay nakuhang kumampi sa mga kolonyalistang
Amerikano. Iyong mga Bicolanong pareho ang interes sa mga kolonisador
ay patuloy na nakikipagsabwatan sa pagpasok ng mga kolonyalistang
Hapon.
Hindi naitayo ang tunay na kalayaan. Sa mga maling kuwento, hindi
nakikita ng bayan ang puno't dulo ng interes ng mga kolonyalista at
mga Pilipinong alipures nito. Kaya naman, kahit ngayon, inaakala pa
ng maraming Bicolano na ang mga nagpahirap na kolonisador, sa ekonomiya
at pulitika, ay tunay na kaibigan ng mga nakaraang panahon. Dahil
dito, kailangang linisin ang bayan sa mga pekeng gerilya, pekeng rebolusyonaryo,
pekeng kuwento para gawing institusyon ang tunay na kalayaan ng bayan
at hindi ng iilan.
Sa mga Bicolanong nagpapatuloy na itayo ang kalayaan ng bayan, dapat
lang na laging ipakipaglaban ang interes ng bayan. Tandaan na hindi
sa kulay ng balat makikilala ang mga kasama sa gawaing ito. Dapat
kumampi sa mga kababayang pareho ang interes sa ekonomiya, pulitika,
at kasaysayan. (Kaiba News and Features)
Sanggunian:
Gerona, Danilo M. (1988). From epic to history: a brief introduction
to Bicol History, Ateneo De Naga. Dy-Liacco, Leonor R. (1996). Sarung
Dolot sa satuyang ina, J & R Printing Co., Inc. p41.
Calara, Perry M. (2002). Interview ki Cresenciana Anciano asin Estela
Anciano. Calauag, Naga City. June 22-23.
---------------
Si Perry ang Punong Patnugot ng Kaiba News and Features.